Ai-Ai delas Alas compares Vic Sotto and Robin Padilla: "Kay Bossing, puro respeto at crush. 'Yong kay Robin, makamundong pagnanasa 'yong naramdaman ko sa kanya!"

IMAGE Noel Orsal

Ai-Ai delas Alas on leading man Vic Sotto: "Di ba, crush ko si Bossing? And no'ng birthday ko kasi, pumunta siya. Ang pogi-pogi niya! Sabi ko, 'yong lahat ng paghanga at crush ko sa kanya, nabuo na lang ng sobrang paghanga dahil ang pogi-pogi talaga niya no'ng birthday ko. Talagang matutulala ka na, 'Ay, dyusko, ang pogi naman ni Vic Sotto!'"


November 11 ang mismong ika-47 na kaarawan ni Ai-Ai delas Alas.

Pero kahapon, November 27, nagkaroon siya ng isang post-birthday celebration para sa entertainment press na ginanap sa Naci restaurant sa Greenhills, San Juan.

Pagkadating pa lang ni Ai-Ai, napalibutan na agad siya ng unang grupo ng mga reporters na nag-interview sa kanya.

Ang isa sa nakakaintrigang naging paksa ng nasabing panayam ay ang fling na namagitan sa kanila ni Robin Padilla nang gumawa sila ng pelikula—ang Ikaw Pa Rin: Bongga Ka Boy! ng Viva Films noong 2008.

Sabi ni Ai-Ai, kaya raw siguro nag-flop ang pelikulang pinagtambalan nila ng action superstar ay dahil sa may nangyaring "tikiman" sa kanilang dalawa.

"Noon pa naman 'yon! Umaamin naman ako kapag matagal na!" napabungisngis na sabi ni Ai-Ai nang makakuwentuhan na siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Hindi ba niya naisip na baka dahil do'n ay mawindang ang misis ngayon ni Robin na si Mariel Rodriguez?

"Dyusko, ang tagal-tagal na no'n! Move on!" sabay tawa ni Ai-Ai.

VIC SOTTO. Sila ni Vic Sotto ay may pelikula ngayon—ang Metro Manila Film Festival 2011 entry na Enteng Ng Ina Mo.

Baka isipin ng iba, may nangyari rin sa kanila ni Bossing sa panahong sinu-shoot nila ang pelikula.

"Ay, wala! Malinis po ako," mabilis na sabi ni Ai-Ai.

Pero aminado siyang "ultimate crush" niya si Vic, di ba?

"Oo. Pero malinis po ako.

"Huwag na lang 'yong tikiman na ganyan. Baka malasin pa ang movie namin!" tawa niya.

Dagdag ni Ai-Ai, "Okey na 'yon na gano'n...paghanga na lang kay Bossing.

"Na maganda naman ang kinalabasan ng pelikula namin."

Mukhang kuwela ang unang pagsasama sa pelikula nina Ai-Ai at Vic. Sa trailer pa lang nga nito ay nakakatawa na.

"May konting drama sa movie na ito, pero mas marami ang comedy," banggit ni Ai-Ai.

May kissing scene sila sa pelikula. Inabot ba ng ilang takes nang kunan ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dalawa lang... Ayaw nga niya [Vic], e!" tawa na naman ni Ai-Ai.

Totoo bang nanginig siya nang kinukunan 'yon?

"Hindi naman masyado. Tama lang.

"Oo. Sakto lang."

May eksena rin sila na nagkatusukan ng baba.

"Ay, naku, ang cute no'n. Panoorin n'yo."

NOTHING TO BE AFRAID OF. Sa ibang mga pelikula na kalahok sa MMFF ngayong taon, may pelikula bang medyo kinatatakutan ni Ai-Ai pagdating sa hatak sa takilya?

"Hindi naman natatakot. Pero, siyempre, wala na akong katatakutan ngayon dahil kasama ko na si Bossing, e.

"Kung mag-isa lang ako, di ba?

"Kagaya sa MMFF last year, hindi ako nagbukas ng phone. Kasi dalawa silang bumugbog sa akin, di ba?"

Ang tinutukoy ni Ai-Ai ay sina Vic at Senator Bong Revilla, Jr. na nagsanib-puwersa sa pelikulang Si Agimat At Si Enteng Kabisote.

May iba pa kayang kapupuntahan ang Tanging Ina character niyang si Ina pagkatapos ng Enteng Ng Ina Mo?

"Baka may Enteng Ng Ina Mo 2.

"Sabi ko kay Bossing, 'Enteng Ng Ina Mo 2 tayo, sayang naman.'"

Kung magkakagano'n, ano na ang mangyayari kay Faye—ang engkantadang asawa ni Enteng (Vic Sotto)?

Parang nangaliwa na si Enteng sa pagpasok ng character niya?

"Panoorin n'yo muna, saka n'yo husgahan," sabi ni Ai-Ai.

O, baka siya na ang magiging si Faye?

"Well, malay natin!" sambit ni Ai-Ai.

SINGLE, PROMISE! Sinasabi ni Ai-Ai na loveless siya ngayon.

Pero hindi siya mukhang walang lovelife dahil blooming siya. Parang merong nagpapaganda sa kanya.

Biro naman ng komedyana, "Si Jonathan Velasco ngayong araw na ito, kasi siya ang nag-makeup sa akin."

Parang hindi kapani-paniwalang wala ni isang nanliligaw sa kanya ngayon?

"Wala nga!" diin niya.

Single din ngayon si Vic. Hindi ba puwedeng maging sila na lang dalawa?

"Gusto niya, bata. Ayaw niya ng medyo matanda," sakay naman ni Ai-Ai.

Siya rin ba, mas gusto niya ang bata?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo!" natawa ulit na birong sagot niya.

"Pero kung kay Bossing, okey lang.

"And alam mo, no'ng nakasama ko siya...Di ba, crush ko si Bossing?

"And no'ng birthday ko kasi, pumunta siya. Ang pogi-pogi niya!

"Sabi ko, 'yong lahat ng paghanga at crush ko sa kanya, nabuo na lang ng sobrang paghanga dahil ang pogi-pogi talaga niya no'ng birthday ko.

"Talagang matutulala ka na, 'Ay, dyusko, ang pogi naman ni Vic Sotto!'"

Paghanga na lang ang nadarama niya kay Vic, walang halong pagnanasa?

"Wala na. Naubos na.

"Kay Bossing nga kasi, puro respeto at crush.

"'Yong kay Robin naman kasi, makamundong pagnanasa 'yong naramdaman ko sa kanya!

"Wagas na wagas na makamundong pagnanasa 'yong naramdaman ko!" natatawang sabi ni Ai-Ai.

Paano kung magkasama ulit sila ni Robin sa isang pelikula, lukuban kaya ulit siya ng makamundong pagnanasa sa action star?

"Ay, ayoko na. Ayoko na!

"Baka mamaya magkasala pa ako, e. Lalo na ngayong may asawa na si Robin na naman."

DREAM LEADING MEN. Sino pang leading man ang ideal para sa kanya na gusto niyang makatambal din?

"Si John Lloyd Cruz, gusto ko ring makasama bilang leading man...Sino pa ba?"

Si Derek Ramsay?

"'Yan...si Derek Ramsay!" parang biglang kumislap ang mga mata ni Ai-Ai.

"'Yan! 'Yan, ha!"

May pagnanasa ba siya kay Derek?

"Wala. Wala!

"Huwag kayong magbintang!" tawa ni Ai-Ai.

"Hindi...mabait kasi si Derek. In fairness, mabait siya.

"Di ba, hindi siya naka-attend no'ng show namin sa Zirkoh?

"Grabe! Mga 800 na sorry na yata niya sa akin. Sorry siya nang sorry. Grabe!

"Tapos pumunta siya sa birthday party ko, nagsu-sorry pa rin siya.

"Sabi ko, 'Tumigil ka na nga ng kasu-sorry, okey na 'yon!'

"Meron akong balak na movie para sa amin [ni Derek], e. Ginagawa na ang script.

"Kinausap ko na si Direk Wenn [Deramas] about do'n."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Siya ang magpu-produce?

"Kami ni Direk Wenn.

"Pero wala pang final kung ano nga ba ang tema no'ng movie, o kung ano ang istorya."

MOVIE WITH ATE VI. May script na rin si Direk Wenn para naman sa pelikulang posibleng pagsamahan nila ni Vilma Santos.

Availability na lang daw ng Star For All Seasons ang hinihintay.

"'Yan ang gusto ko. Bongga!" bulalas ni Ai-Ai.

"Sana matuloy na kami ni Ate Vi. Yehey!

"At sana pang-filmfest next year.

"Ano ba kaya ang entry next year ni Bong [Revilla]? Baka sila ulit ni Vic Sotto?

"Mahihimatay na naman ako!" sabay tawa ni Ai-Ai.

"Pero teka...sinabi ko rin pala kay Bossing na May Enteng Ng Ina Mo 2 kami sa MMFF 2012. Na sabi niya, 'Sige na nga!'"

Pero ano kaya kung pagsamahin na lang silang tatlo—Panday and Enteng meet Tanging Ina ang tema ng magiging pelikula nila?

"Kaya nga. Pagsamahin na kaya kaming tatlo?"

Pero mahal siguro ang magiging production cost. TF pa lang nilang tatlo, malaking halaga na.

"E, di kaming tatlo na lang ang mag-produce? Mayaman naman 'yong dalawa," sabi niya.

At mayaman na rin naman siya, di ba?

"One-fourth lang 'yong sa akin! Sila 'yong mas maraming pera!" tawa ulit ni Ai-Ai.

BLESSINGS. Sunud-sunod ang magagandang nangyayari sa career ni Ai-Ai ngayon. Bukod sa kaliwa't kanang projects, hataw rin siya sa panalo ng awards.

Dalawang awards ang napanalunan niya sa PMPC Star Awards For Television: Best Comedy Actress at Best Single Performance By An Actress. (CLICK HERE to read related story.)

Kasunod naman nito, idadagdag na rin pala sa Walk of Fame ang pangalan niya.

"Awayin ko si Kuya Germs kapag hindi niya ako inilagay sa Walk of Fame!" napabungisngis na namang biro ni Ai-Ai.

"Ilalagay na ako sa December 1.

"Sabi niya [Kuya Germs] sa akin, 'Oy, Ai-Ai, kapag wala ka sa December 1, isang taon kitang aawayin!'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos sabi ko naman sa kanya, 'Ikaw Kuya Germs ha, kapag wala ka doon ng five a.m., humanda ka sa akin!'

"E, five p.m. 'yon! Tawa nang tawa naman sa akin si Kuya Germs."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN