Stars turn athletes at Star Magic Games 2012!

IMAGE Monching Jaramillo

Yellow Team wins basketball championship at the Star Magic Games 2012. Team members (L-R) Carlos Agassi, Joseph Marco, Alec Robes, Gerald Anderson, Gerard Acao, Josef Elizalde, Charles Christianson, and Fred Payawan share their victory with the rest of the team.


Tigil muna sa trabaho ang mga Kapamilya talent para sa taunang Star Magic Games na ginanap noong Linggo, July 29, sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City.

Mula mga bata hanggang matatanda, sama-samang nagsaya ang mga Star Magic talent sa iba’t ibang palaro na inihanda ng talent arm ng ABS-CBN.

Umaga pa lamang ay nagtipun-tipon na sila sa lobby ng Celebrity Sports Plaza para sa maikling parada ng mga kulay ng koponang maglalaban-laban—ang Red Team, Yellow Team, Green Team, at Blue Team.

Pagkatapos nito ay may isang maiksing programa bago nag-umpisa ang palaro.

Sinimulan ito ng isang panalangin na pinangunahan ng baguhang aktor na si Bryan Santos. Pagkatapos, ang tinaguriang “rockoustic princess” ng ABS-CBN na si Yeng Constantino ang namuno ng pag-awit ng “Lupang Hinirang.”

Nag-set naman ng sporty mood ang pagpe-perform ng cheering group ng De La Salle University na Animo Squad.

Sumunod dito ay ang malugod na pagbati ng actor-singer na si Piolo Pascual sa mga kapamilya niya sa Star Magic para sa ika-tatlong Star Magic Games, na parte ng pagdiriwang ng ika-dalawampung anibersaryo ng talent management arm ng ABS-CBN.

Samantala, ang taekwondo athlete na si Japoy Lizardo ang nanguna sa Oath of Sportsmanship.

Pagkatapos nito ay pormal nang sinimulan ang palaro ni Ernie Lopez, president at CEO ng ABS-CBN Publishing.

MINOR GAMES. Bago ang mga indibidwal na laro, sabay-sabay munang nag-warm up ang mga celebrity kasama ang kani-kanilang handlers at road managers. Ito ay sa pamamagitan ng sikat na sikat ngayon na fitness program, ang Zumba.

Lahat ay sumasayaw sa mga remix ng mga usong dance song ngayon. Ang magkaibigang komedyante na sina Pokwang at Chokoleit ay namataan pa sa isang tabi na bahagyang iniiba ang dance steps at bigay-todo sa pagsayaw.

Pagkatapos nito ay sunud-sunod nang nagsimula ang mga minor games na kinagiliwan nang husto ng mga bata—kabilang ang Kiddie Relay, Dodgeball, at Patintero.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa Kiddie Relay nagwagi ang Green Team. Samantalang sumunod naman ang Blue Team at Red Team para sa ikalawa at ikatlong pwesto.

Sa Dodgeball naman, nakuha ng Blue Team ang unang pwesto, at sinundan sila ng Red Team at Green Team.

Samantala, Blue Team rin ang nanalo sa larong Patintero, na sinundan ng Green at Red Teams.

Nagkaroon din ng Dodgeball at Patintero para sa mas matatandang kalahok.

Ang nagwagi sa adult category ay ang Red Team para sa Dodgeball; Blue Team para sa Patintero.

Mayroon ding Jousting para sa mga mas matatandang talent ng Star Magic. Hinati ito sa female and male categories, na parehong naipanalo ng Yellow Team.

Sa huli ay nagkaroon din ng tug of war, kung saan Yellow Team ulit ang nakakuha ng unang pwesto.

MAJOR GAMES. Habang ginagawa ang minor games, sabay namang ginanap ang sports games tulad ng Badminton, Volleyball, at Basketball.

Sa larong Badminton, nagpakitang gilas ang Red Team kaya nakuha nila ang unang pwesto sa lahat ng kategorya—ang women’s, men’s, at mixed categories.

Napansin ang husay sa paglalaro ng Badminton nina Piolo Pascual at Kim Chiu, na kapwa kabilang sa Red Team.

Bukod sa kanila, nakitaan din ng galing sina Dominique Roque ng Yellow Team, Neil Coleta ng Blue Team, at dating Star Magic talent na si AJ Dee ng Red Team.

Sa Volleyball naman, nanalo ang Yellow Team na pinangungunahan ng komedyanteng si Chokoleit. Siya rin ang ginawaran Most Valuable Player award sa larong ito.

Itinanghal naman bilang Volleyball Best Defensive Player ang TV host at dating beauty queen na si Venus Raj ng Green Team.

Habang ang dating Shoutout host na si Bianca Casado ang naging Volleyball Rookie of the Year.

Sa lahat ng mga naging laro, Basketball ang mas tinutukan ng karamihan.

Sa bawat half-time ng game, nagkaroon ng 3-point shootout na sinalihan ng mga piling miyembro ng bawat koponan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa final tally, itinanghal na 3-Point King si Gerald Anderson ng Yellow Team, na sinundan nina Zanjoe Marudo at Young JV.

Mas dumami ang nanood nang maglaro na para sa championship ang Blue Team at Yellow Team, dahil tapos na rin lahat ng iba pang laro nang bandang hapon.

Naging matindi ang laban sa pagitan ng dalawang koponan.

Sa Blue Team, malakas ang paghiyaw para sa top scorer nila na si Young JV.

Samantala, ang commentators naman na sina Zanjoe Marudo at Jason Abalos ay panay kantiyaw kay Xian Lim patungkol kay Kim Chiu, sa tuwing sumusubok maka-goal ang huli.

Tumulong naman sa pagdepensa sina Joem Bascon, Michael Agassi, at Nyoy Volante.

Sa kabilang banda, walang duda ang galing ni Gerald Anderson sa basketball. Mataas ang puntos niya para sa Yellow Team.

Hindi rin nakaapekto ang pagkapulikat ng kanyang kaliwang binti dahil bandang huli ay naglaro pa rin siya at tumulong humabol sa lumalamang sa puntos na Blue Team.

Katulong din niya sa pagpapataas ng score ng kanilang team sina Joseph Marco at Joe Vargas. Nakitaan din ng galing sa pag-rebound ang komedyanteng si Gerard Acao.

Nagtapos ang laro na lamang ang Yellow Team sa iskor na 80 at ang Blue Team naman ay may 70 punto.

Sa awarding ceremonies, muling iginawad ang Most Valuable Player award kay Gerald Anderson. Ito ang ikatlong MVP trophy niya mula sa Star Magic Games, na nagsimula noong 2010.

Bukod rito, siya rin ang napiling Newton Fastest Athlete para sa palarong ito.

Naging Best Defensive Player naman si Gerard Acao, samantalang ang ka-team niyang si Alec Robes ang itinanghal na Rookie of the Year.

Sa minor awards, tinawag na Kid Liksi at Diskarte ang child stars na sina Zaijian Jaranillo, Deydey Amansec, Nash Aguas , at Bugoy Drilon.

Binigyan din ng Early Bird awards ang mga naunang dumating sa venue na sina Devon Seron, Kyra Custodio, at Ryan Bang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Most Played Games naman ang award na nakuha ni Kim dahil sa dami ng sinalihan niyang laro—kasama na ang badminton, volleyball, jousting, at dodgeball.

Bukod sa mga artista, nakita rin sa event ang Star Magic executives na sina Johnny “Mr. M” Manahan at Mariole Alberto, ABS-CBN channel head Cory Vidanes, at ang mga talent managers na sina Keren Pascual at Ogie Diaz.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN