Ai-Ai delas Alas admits that when she's in love she is silent

IMAGE Monching Jaramillo

Ai Ai delas Alas: “Pag in-love ako, tahimik ako. Ganun talaga ako. Hindi ako naririnig. Wala lang, nag-i-stay lang ako sa bahay.”


Bali-balita na ngang nagpakasal diumano ang Comedy Concert at Comedy Box Office Queen na si Ai Ai delas Alas sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Jed Alvin Salang sa Las Vegas.

Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito kinukumpirma ni Ai Ai.

Sa kanyang mga nakaraang interviews pagkauwi niya sa Pilipinas mula Las Vegas, USA, laging “no comment” ang tanging sagot niya sa mga nagtatanong tungkol sa napabalitang kasalan.

Kanina, August 11, sa talk show ng TV5 na Ang Latest, may mga “makahulugang sagot” si Ai Ai sa kanyang panayam via live phone patch sa mga hosts ng show—na sina Cristy Fermin, Amy Perez, Mr. Fu, at Congresswoman Lucy Torres-Gomez.

STILL NO COMMENT. Unang tanong ni Cristy, “Ang tatanungin muna namin ay ang kondisyon ng puso mo ngayon. Gaano ka kaligaya ngayon, Ai Ai?

Sagot nito, “Ah, masaya naman ako, Nay.

“Narinig ko nga dun sa radyo [Cristy PerMinute, 92.3 News FM] na pag in-love ako tahimik ako. Ganun talaga ako.”

Pagpapatuloy niya, “Hindi ako naririnig. Wala lang, nagi-stay lang ako sa bahay.”

Dugtong naman ni Cristy, Kasi, kapag ikapag-mamaingay niya, naku hindi totoo yun.”

“Gaano katotoo balae na nagpunta ka raw ng Las Vegas, wala ka man lang pasalubong?” ang tanong naman ni Amy Perez, na “balae” ang tawag sa kaibigang si Ai Ai.

Kinumpirma ni Ai Ai ang pagpunta sa Vegas, ngunit hindi raw sa kadahilanang binabato sa kanya.

“Hindi, balae, pumunta talaga ako dun kasi yung kapatid ni Jed taga dun e.”

Tanong naman ni Mr. Fu, “Pero anong masasabi mo, Miss Ai Ai, na may kasalan daw na naganap sa Las Vegas?”

May pag-aatubiling tugon ni Ai Ai: “Ah, sinabi ko na to kay Nanay [Cristy.] Alam niyo namang mahal na mahal ko si Nanay, kaya ang sabi ko sa kanya, ‘Nay, sa buhay ko ngayon, gusto ko muna gawing pribado 'yan, so hindi ko muna sasagutin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At sinang-ayunan naman ng lahat ng hosts ang hindi pagsagot nang tuwiran ni Ai Ai sa isyu.

Na ikinatuwa naman nang husto ni Ai Ai, kaya ito'y nagpasalamat:Salamat at nirespeto niyo.”

Dagdag na paliwanag ng kolumnista/TV host/radio anchor na si Cristy: “At, Ai Ai, dalawang bagay yan e. Ang pagsagot ng 'no comment' ay p'wedeng hindi totoo, at p'wede rin namang naghihintay lang tayo ng tamang pagkakataon bago natin ibulalas ang katotohanan.”

Pagsang-ayon naman ng magaling na komedyana, “Yes, tama yan, Nay. Tama talaga siya. Yun na yun, natumbok mo.”

KAPAMILYA TO KAPATID? Dagdag na tanong ni Cristy sa Comedy Concert Queen, “Ai Ai, ang isa pang tanong, kailan ka raw lilipat dito sa TV5?”

Natawa naman si Ai-Ai bago nagwika ng, “Ay dyusko, susmaryosep.

“Hindi ko pa po alam, Nay, kasi kakapirma ko lang nung [contract] sa Star Cinema.

“Pero yung sa telebisyon, mag-eexpire na siya sa December, so hindi ko pa alam, Nay. Tingnan natin pag ano na, pag bandang December na.”

Sa sagot na ito ni Ai Ai, nasabi naman ni Congresswoman Lucy ang matalinghagang: “As the wind blows.”

Nagkatawanan na silang lahat sa show, lalo na nung bumuwelta si Ai Ai nang: “Ang taray naman ng as the wind blows.”

REACTIONS OF HER CHILDREN. Tanong ni Amy, “Kamusta naman ang mga bata sa pag-ibig mong ito na bago. I’m sure mas masaya sila?”

Tugon ni Ai Ai, “Oo, and kasundo naman nila.

“Kasi yung dalawang bata [Niccolo and Sophia], nasa Amerika na e. Si Sancho na lang natira dito, tsaka yung baby boy ko na maliit.”

Tanong ni Cristy, “Ai Ai, kasi alam ng publiko ang kuwento ng pakikipagrelasyon mo, ito bang pag-iibigan niyo ni Jed ay tatapos na sa isang istorya ng buhay mo na inilantad mo noon?”

Paglilinaw ni Ai Ai: “Ah, hindi ko pa rin masabi, Nay, kasi una sa lahat, kasi siyempre, gusto ko pa rin namang mag-artista. Nay, ah, buhay ko to, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So parang hindi, hindi ko naman maiiwanan ‘to. Tsaka siyempre, nag-aaral pa yung mga bata, ano ‘yung ipambubuhay ko sa kanila, e pag-aartista lang naman ang alam ko.

“Although grumadweyt naman ako, kahit hindi naman ako mukhang grumadweyt. E, siyempre, gustong-gusto kong mag-artista, mahal na mahal ko ‘tong showbiz.”

NO FILMFEST MOVIE FOR 2012. Isa sa mga inaabangang pelikula tuwing Metro Manila Film Festival ay ang mga pelikulang pampamilya na pinagbibidahan ni Ai Ai.

Pero sa taong ito, absent daw muna siya sa taunang filmfest.

Mararamdaman mo ang panghihinayang niya nang sabihin sa Ang Latest: “Hindi e, hindi ako kasali ngayon, baka next year pa.

“E, kasi noong nag-usap kami about the movie ko with Bossing Vic [Sotto], tsaka ni [Senator] Bong Revilla—'yun yung panahon na wala akong, wala pa akong kontrata sa Star Cinema ulit.

"Pero ngayon, di ba, nakapirma na ako? May provision dun na next year na ako gagawa [ng pelikula].”

“Kaya hindi ko na magagawa yung kay Bossing at yung kay Bong Revilla.”

Ang pelikulang tinutukoy ni Ai Ai ay ang Si Agimat, Si Enteng Kabisote and Si Tanging Ina, na ngayon ay naging Si Agimat, Si Enteng Kabisote and Me, at si Judy Ann Santos na ang gaganap sa role na sana ay para sa kanya.

DECEMBER 8, 2012? Bago nagtapos ang phone patch interview kay Ai Ai, nagpahabol ng tanong si Cristy.

Tanong nito, “Ai, bago ka namin pakawalan, ano ang gagawin mo sa December 8? Nasa'n ka sa petsang yan?

Natatawang sagot ni Ai Ai, “Sa Palawan ako, Nay.”

Pahabol pang tanong, Ai, puwede bang sumunod kami sa Palawan?”

“Hayaan mo, Nay, sasabihin ko,” pagtatapos ni Ai-Ai.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN