Willie Revillame ignores his critics; says he will continue to bring joy and blessings to Wil Time Bigtime viewers

IMAGE Melo Balingit

"I think ang pagbibigay ng tulong sa kapwa ay talagang wholeheartedly, buung-buo at masaya ka, nakakatulog ka nang mahimbing, kasi may pamilya o natulungan kang tao," says Willie Revillame.


Matagumpay na nairaos ang unang anibersaryo ng game-variety show ni Willie Revillame sa TV5, ang Wil Time Bigtime, noong Sabado, October 22, sa Smart Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City.

Punung-puno ang nasabing venue ng mga manonood mula sa iba't ibang panig ng bansa at ng mga nangangarap na manalo ng mga papremyo.

Maayos din ang seguridad sa venue, maging sa palibot ng buong Araneta compound.

Hindi rin nagkabuhol-buhol ang traffic sa lugar dahil sa ipinakalat na mga alagad ng pulisya at security forces mula mismo sa pamunuan ng Wil Productions, TV5, at Araneta Center.

Umabot sa halos anim na oras ang programa, pero bawat gap nito ay punung-puno ng kasiyahan at papremyo.

Matapos ang selebrasyon, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang main host ng Wil Time Bigtime na si Willie Revillame sa backstage.

Wala pa ring pagsidlan ang kaligayahan na kanyang naramdaman dahil sa tagumpay ng first anniversary ng show na inulan nang kontrobersiya nitong mga nagdaang buwan.

Panimula ni Willie, "Yun nga po, magbigay ka o hindi, dapat lagi kang masaya.

"Ang importante naman, magkakasama tayong lahat kaya masaya tayo sa iisang istasyon. Nagsisimula ang saya sa istasyon, sa pamilya mo sa istasyon.

"Kasi pag lahat kayo masaya, tuloy-tuloy ang pagdaloy ng saya sa inyong tahanan."

Isa sa kumurot daw sa kanyang puso ay ang special presentation nila ng mga maysakit na bata mula sa isang foundation na ginawaran nila ng tulong pinansiyal para matustusan ang araw-araw na gamutan nila.

Dagdag pa ng TV host, "Tsaka isipin mo, napakasakit sa pakiramdam.

"Kasi itong mga batang ito ay may karamdaman, at hindi lang basta karamdaman, talagang malubhang karamdaman.

"Wala na silang panggastos, pambili ng gamot. Wala nang pera, 'di ba?

"Ano ba naman, e, tayo, sobrang blessed. Kayo, tayong lahat, wala tayong karamdaman, mga anak natin, ayos.

"So, bakit hindi mo isi-share yung blessings?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kami naman po ay ginagamit lamang ng Panginoon, itong programang ito na maging instrument.

"Hindi lang naman pera, e, yung gabi-gabi na mapasaya namin kayo kapag may mga problema kayo, I think yun ay parang priceless para sa inyo 'yan."

May mga nagsasabi na tila regalo na ni Willie sa ilang kababayan natin ang gabi-gabi niyang pagpapasaya nito sa programa.

Tugon naman niya, "Well, hindi naman ako lang, marami kami.

"Sinasandalan ko ang staff ko, sinasandalan ko yung mga taong nagdadasal para sa akin.

"Ang pinakaimportatnte po nito ay kayo na nagdadasal para sa akin, sa amin po sa Wil Time Bigtime.

"Kasi kung wala kayong nagdasal para sa amin, bumagsak na kami.

"At siyempre, sa mahal nating Panginoon dahil ipinagkatiwala Niya sa atin ang isang programa na nagbibigay ng saya at pag-asa sa ating mga kababayan."

Itinanong din ng PEP kay Willie ang palagi niyang sinasabing "walang poot" sa kanyang puso, wala siyang itinanim na sama ng loob kahit na hindi siya tinitigilan ng iba para mapabagsak.

Hindi na raw niya iniisip ang mga taong hindi masaya para sa kanya dahil inspirado siyang mapasaya ang ating mga kababayan.

Paliwanag pa ni Willie, "Dapat naman talaga ganun, e, ang hirap namang magbibigay ka ng tulong na masama ang loob mo.

"I think ang pagbibigay ng tulong sa kapwa ay talagang wholeheartedly, buung-buo at masaya ka, nakakatulog ka nang mahimbing, kasi may pamilya o natulungan kang tao."

Ayon pa sa kanya, walang hangganan itong nasimulan niyang "pag-aaruga sa mga taong kapos at nangangarap sa buhay."

"Alam mo, dapat hindi natatapos ang misyon mo kapag ang puso mo ay laging bukas para sa mga taong mahihirap.

"Dapat hanggang kamatayan bukas pa rin ang puso mo, 'di ba?" saad pa niya.

Sa huli, nagpaabot si Willie ng mensahe para sa mga nanonood ng kanyang programa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Well, araw-araw ko namang sinsabi 'yan sa programa—ang importante po ay kayo, hindi kami.

"Kami po ay instrument lamang na mapasaya kayo, lalo na yung may mga karamdamang tao, sa mga nanay, lola, yung mga nasa ospital, yung mga less-fortunate, yung mga maysakit na wala pong pambiling gamot, e, maaaring gamot po yung mabibigyan namin kayo ng saya o konting tulong pa, e, 'di mas mabuti."

Binanggit din ni Willie ang suportang nakukuha ng kanyang programa mula sa management ng TV5.

Aniya, "Sobra pong supportive sila.

"Tinananong nila sa akin kanina, 'Happy ka ba sa amin?'

"Wala na po akong masabi.

"Hindi lang kasi happiness ang nararamdaman ko kundi fulfillment sa buhay dahil nasa TV5 kami."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN