Ritz Azul talks about her love of crocheting and importance of family bonding

IMAGE Noel Orsal


Ang opinyon ni Ritz Azul sa halaga ng family bonding: “‘Pag nagba-bonding sa family, napag-uusapan namin yung dating buhay. So bumabalik at bumabalik ako sa buhay ko dati. Kaya, thank God na nagre-remain pa rin ako sa ganun, parang neutralizer yung family [ko].”


Kung tatanungin ang kabataan ngayon kung ano ang kanilang “hobby,” karamihan ng makukuha mong sagot ay pagpunta sa mall o paglalaro ng video games.

Pero kay Ritz Azul, pag-gagantsilyo ang kanyang hobby.

Naikuwento ni Ritz sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press noong Nobyembre 10, na nagsimula ito noong nasa high school siya.

“Noong high school ako, nagbebenta ako, pandagdag ng baon ko noon,” pag-alaala ng 18-year-old actress nang makausap siya ng PEP sa Max’s Restaurant, Robinsons Galleria, Mandaluyong City.

“Ngayon, parang hobby ko na lang siya.

“Pero kung makarami ako [magawa], siyempre puwede ko ilagay doon sa shop ni Nanay.”

Ang “abubot” shop daw ng kanyang nanay ang libangan nito, dahil naiiwan ito sa bahay tuwing may taping siya.

Karamihan sa mga patterns o desenyong ginagawa niya’y cellphone case, wallet, bonnet.

Pero ang pinaka-espesyal na ginagawa niya ngayon ay isang bag para sa kanyang nanay.

CHATTING WITH NANAY. Only child si Ritz, kaya naman malapit ang kanyang loob sa mga magulang niya.

Kapag mayroon siyang spare time, sinisigurado niya raw na makapag-bonding sila ng kanyang Nanay Angelita at Daddy Richard.

Aniya, “Bonding, kasi minsan na lang din ako makipag-bonding sa kanila.

“Kapag walang taping, yun ang ginagawa ko, pahinga.”

Kuwentuhan ang nagsisilbing bonding nila ng kanyang nanay, na madalas ay naiiwan sa kanilang bahay sa Sta. Rita, Pampanga.

“Kasi sa kuwento ko talaga siya… sa kuwento ko nga din siya nagtampo, e!” sabay tawa ni Ritz.

Ang tinutukoy ng aktres na pagtatampo ng kanyang Nanay Angelita ay noong mag-two piece siya para sa shoot ng men’s magazine na FHM.

Bukod sa kanyang career at mga pangyayari sa mundo ng showbiz, napag-uusapan din daw nila ng kanyang nanay ang mga plano niya bilang SK Chairman ng kanilang baranggay.

Dalawang taon na kasing SK Chairman ng Sta. Rita si Ritz, at abala siya ngayon dahil “this December marami na namang activities.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So ngayon hinahanda ko na, kasi may mga contest, hinahanda ko na ngayon.”

ROAD TRIP WITH DADDY. Samantala, ang bonding naman nila ng kanyang Daddy Richard— na isa rin sa mga hobby niya— ay ang pagro-road trip.

Kuwento ni Ritz, “Kasama ko si Papa, then minsan sinasama ko yung mga pinsan ko.

“Magda-drive ako, ang sarap pakinggan sa kanila na, ‘Ate, tama na! tama na!’ natatakot sila kapag nagda-drive ako.

“Tapos lumalabas ako tuwing hapon, mga four, para hindi na masyadong tirik na tirik hanggang gabi na.”

Kapag mga ganitong pagkakataon ay nagkakapalit sila ng lugar ng kanyang daddy.

Tuwing may taping kasi siya, si Daddy Richard ng nagsisilbing driver, bodyguard at assistant niya.

Mahalaga para kay Ritz ang bonding time kasama ang kanyang mga magulang, dahil nagsisilbi itong “neutralizer” sa magulong mundo ng showbiz.

Aniya, “Kasi siyempre sa showbiz maraming stress, minsan pag puro positive na yung naririnig mo, ‘ang ganda mo, ang galing mo,’ ganun.

“May mga iba na lumalaki ang ulo, so na-sa-stock.

“Pero pag nagba- bonding sa family, napag-uusapan namin yung dating buhay. So bumabalik at bumabalik ako sa buhay ko dati.

“Kaya thank God na nagre-remain pa rin ako sa ganun, parang neutralizer yung family [ko].”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN