Ritz Azul plans to enter politics in the future

IMAGE Noel Orsal


Bukod sa pagiging mahusay na aktres, pangarap din ni Ritz Azul na pasukin ang mundo ng pulitika. Kaya ngayon pa man, pinalalawak na niya ang kaalaman sa show business at pulitika upang matutunan kung paano ito pagsabayin katulad ng ibang celebrity-politician.


Hindi na kaila sa marami na mayroong “thin line” sa pagitan ng showbiz at pulitika.

Ilang showbiz personalities na ang nasa pulitika ngayon, tulad nina Batangas Governor Vilma Santos, 4th District Representative Lucy Torres- Gomez, at Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista.

Pero ang hindi alam ng nakararami, ang isa sa TV5 Princesses na si Ritz Azul ay hindi na rin malayo sa mundo ng pulitika.

Nabanggit ni Ritz sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Nobyembre 10, na nasa ikalawang taon na siya ng pagiging Sangguniang Kabataan chairperson ng Sta. Rita, Pampanga.

Ang Sangguniang Kabataan ay isang “governing body” sa bawat baranggay, na nakasentro sa mga programa para sa kabataan.

Bukod sa mga kasamahan ni Ritz sa SK, katulong niya rin sa pag-iisip ng mga proyekto para sa kabataan ng Sta. Rita ang kanyang Nanay Angelita.

POSING FOR FHM. Samantala, bilang pinuno ng SK, kinailangan maging mabuting modelo ni Ritz sa kabataan ng Sta. Rita.

Kaya naman inusisa ng PEP kung hindi ba siya nabatikos matapos niyang mag-pose para sa men’s magazine na FHM.

“Hindi naman po, masaya pa nga po sila, e,” tugon ng 18-year-old actress nang makausap siya ng PEP sa Max’s Restaurant, Robinsons Galleria, Mandaluyong City.

Katunayan, humihingi pa nga raw ang ilang kasamahan niya sa SK at ilang baranggay officials ng kopya ng magazine.

Dagdag pa niya, “Kasi depende na yun sa tao, sa opinyon nila.

“Kasi sa akin nga parang okay pa, kasi pinapakita diyan na alam nilang conservative ako, so naging professional ako sa trabaho ko.

“Parang ganun din yung message na binibigay sa kanila, na kung meron ka talagang dream, maging professional ka and gawin mong mabuti, parang ganun.

“‘Yon yung sa akin, depende pa rin kasi talaga sa mga tao kung anong makikita nila.”

Gayundin, para hindi mapabayaan ang kanyang responsibilidad bilang SK chairperson, sinisiguro ni Ritz na alam niya ang napag-uusapan sa bawat pagpupulong na nagaganap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Minsan kapag may meeting nagpapadala ako ng representative,” wika niya.

“Pero kapag meron talagang mahalagang-mahalaga na meeting, pinapaalam ko sa RM [road manager] na, ‘may ganito po kami sa munisipyo,’ ganyan.”

POLITICAL PLANS. Hindi naman ikinaila ni Ritz na isa sa mga pangarap niya ay ang maging public servant.

Iyon nga lang, aminado siya na mahirap itong isabay sa pagiging artista, lalo pa’t nagsisimula pa lamang siya sa industriya.

Pero kung sakali raw ay kayang talikuran ni Ritz ang mundo ng showbiz kung mayroong dumating na oportunidad para sa kanya sa pulitika.

Ngunit kung maaari at kakayanin niya, nais niya itong pagsabayin tulad ng ibang mga celebrity-politician.

Kaya naman sa ngayon, “gusto ko muna i-prioritize yung showbiz. Pero tumutulong pa rin ako sa barangay.

“Kasi sa politics, marami pa akong dapat matutunan bago humawak talaga ng malaking lugar.

“So siguro, kapag kayang-kaya ko nang pagsabayin, tatakbo ako [sa pulitika].”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN