Baron Geisler's alleged assault of storekeeper leads to his arrest in Quezon City

IMAGE Noel Orsal

Mahigit isang taon matapos lumabas ng rehabilitation center, balik na naman umano sa pag-inom si Baron Geisler.


Inaresto ng mga pulis si Baron Geisler kagabi, Biyernes, Nobyembre 9, 2012.

Ang dahilan: nanakit umano ang award-winning actor ng kanyang kapitbahay na may-ari ng tindahan, na napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ay nagngangalang Raymond dela Rosa.

Napag-alaman din ng PEP na nasa iisang hilera ng apartments sina Baron at Raymond sa Marlboro Street, East Fairview, Quezon City. Dalawang units lang ang nasa pagitan nila.

Ayon sa report ng Inquirer.net ngayong araw, Nobyembre 10, nangyari ang insidente kahapon, Nobyembre 9, bandang alas siyete ng gabi. Pumasok daw si Baron sa tindahan ni Dela Rosa at kumuha ng ilang tinapay, pero sa halip daw na tanganan ang mga ito o kainin, itinapon ang mga tinapay sa sahig.

Ayon sa report, nakainom daw si Baron.

Ayon pa sa reporter na si Totel V. de Jesus, nang pagalitan ni Dela Rosa si Baron, kumuha ang aktor ng upuan at ihinampas ito sa dingding. Matapos nito ay sinuntok pa raw ng aktor si Dela Rosa.

Ayon naman sa report ng DZMM, na-trauma umano ang mga mga anak ni Dela Rosa dahil nasaksihan nila ang buong pangyayari.

Sinampahan daw ngayon ang aktor ng reklamong physical injury at child abuse.

At press time, under custody ng mga pulis si Baron, na nakita umanong natutulog sa loob ng kulungan.

Nagpaabot na ng katanungan via text ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Arnold Vegafria, ang manager ng aktor. Tinawagan na rin ng PEP si Arnold ngayon araw nang tatlong beses—una, sa oras na 8:45 n.u.; pangalawa, bandang 9:00 n.u.; at bandang 9:15 n.u.

Nitong huli'y nakausap ng PEP si Arnold, na nagsabing hindi niya alam ang mga pangyayari at nangakong aalamin sa magulang ni Baron ang kuwento. Itatawag daw niya sa PEP ang sagot.

Samantala, pinadalhan rin namin ng mensahe ang publicist ng aktor na si Tinnie Esguerra, pero wala pa itong sagot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Magbibigay ang PEP ng update kapag nakausap nang muli ang manager ni Baron o makakuha ng statement mula sa kanyang publicist.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN