What Zsa Zsa Padilla will miss most about Dolphy: “Yung lambing."

IMAGE Noel Orsal

Zsa Zsa Padilla on caring for Dolphy in their Parañaque home: “Ang lambing ko sa kanya pag nasa hospital bed siya sa bahay namin, ‘Usog, usog, usog.’ Sumisingit ako talaga. Naglalambing ako. Kahit hindi siya gumagalaw, kunwari gumagalaw siyang ganyan. Yun ang lambingan namin."


Special tribute para kay Comedy King Dolphy ang naging malaking bahagi ng programa ng Startalk TX sa GMA-7 kahapon, July 14.

Live na na-interview sa show ang naiwang partner sa buhay ni Dolphy na si Zsa Zsa Padilla.

Habang nasa Heritage Park ang Startalk host na si Ricky Lo kasama si Zsa Zsa, nasa studio naman ang co-hosts niyang sina Joey de Leon, Butch Francisco, at Lolit Solis.

Kaagad ngang kinumusta ni Ricky si Zsa Zsa:

“Nakakahugot naman ng lakas kahit papaano, lalo na nung nakita ko yung [video] clip ng mga taong pumipila. Sobra-sobra ang pagmamahal na ipinakikita nila para kay Dolphy, para sa pamilya namin.

"Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Pasensiya na po kung hindi namin kayo mabibigyan ng 24 hours para makita ang labi ni Dolphy,” sabi ni Zsa Zsa.

MISSING DOLPHY. Tanong kay Zsa Zsa: Kapag nawala na ang maraming taong nakikiramay sa kanya at tuluyan nang inihatid sa huling hantungan si Dolphy, tapos ay nasa kuwarto siya na pinagsamahan nila ni Dolphy sa loob ng 23 taon...kapag mag-isa na lang siya, ano ang mami-miss niya kay Dolphy?

“Yung lambing,” sabi nito, sabay tawa. “Actually, simple yun e. Gustung-gusto niya, siya yung nilalambing. Yung mga huling days namin, sa totoo lang, nasa baba na kami [ng bahay].

"Meron akong sinet-up na hospital bed. Sa gilid nun, doon ako, me [bed] cot ako. Tapos may isa pang cot para sa mga anak niya o kung sinuman ang gustong magbantay.

“Ni-reveal ko na immuno-compromised siya, so every time we’re in the room with him kailangan naka-mask kami, protective mask.

“Ang lambing ko sa kanya pag nasa hospital bed siya sa bahay namin, ‘Usog, usog, usog.’ Sumisingit ako talaga.

"Naglalambing ako. Kahit hindi siya gumagalaw, kunwari gumagalaw siyang ganyan. Yun ang lambingan namin.

“Hindi niya sinasabing makulit ako pero palagi ko siyang kinukulit. Gusto niya yun… kasi he’s a very lively, energetic person.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero siyempre towards… nag-umpisa nung na-hospitalize siya last year for nearly two months, hindi namin sinabi sa mga tao na talagang hindi na siya nakakalakad.

"Para sa kanya, tanggap naman niya na pwede siyang mag-wheelchair.

“Gusto niya lang sana, ang request niya noon ay makapunta siya sa mga kaibigan niya, makapasyal-pasyal siya. Pero unfortunately, hanggang ospital lang ang pasyal na pinapayagan ko at saka yung labas ng bahay namin, sa backyard ganyan.

"Kasi nga, pinoprotektahan namin siya baka mahawa… yung mga bacteria. Ganun e, immuno-compromised kasi.”

Tanong din ni Ricky: Ang alam niya, kapag kumakain si Dolphy sa labas, sinisigurado ng Comedy King na ipagbabalot niya ng favorite food ang kanyang mahal na si Zsa Zsa. Siguro ay isa rin daw ito sa mami-miss ni Zsa Zsa. Ano ba ang favorite food niya na madalas ipabalot ni Dolphy sa Hizon’s?

“Eto nga lately, wala nang diet-diet e, nawala yun,” natatawang sabi ni Zsa Zsa.

“Sabi ko nga hindi baleng hindi ako kumain ng ilang araw, meron pa akong reserba. Pag nagda-diet ako, salad. Tapos kung ano yung alam niyang hilig ko, depende 'yan, meron pang taon na… mahilig akong mag-diet kasi.

"Kung anu-anong diet ang sinusubukan ko. So, merong panahon na isang taon yata akong hindi nagmi-meat. So, uuwian niya ako ng puro ganun lang, mga gulay-gulay.

"At saka meron siyang alam na naging paborito ko na vegetarian pasta. Ayun, mami-miss ko talaga yung mga lugar na kinakainan namin. Sobrang hilig niya sa pagkain, di ba? Namana naming lahat iyan.”

KALABIT FACTOR. Tanong muli: Bago namatay si Dophy ay nakapagsabi pa ito ng pabulong o walang boses na ‘I love you’ kay Zsa Zsa. Kapag siya ba ay mag-isa na sa kuwarto at tahimik na ang paligid, yun din ba ang ibubulong niya kay Dolphy? Sa tingin niya ba nandiyan si Dolphy at nakikinig sa kanya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tinanong sa akin iyan noong isang araw ni Kuya Boy [Abunda], kung nararamdaman ko yung spirit niya?

"Sabi ko, ‘Honestly, Kuya Boy, hindi. Dahil ini-imagine ko siya palagi, kinakausap ko. Pero sa gabi, pag tahimik na talaga ang lahat, naririnig ko ang boses niya. ‘I love you,’ ganyan. Kinakausap niya ako.

“Kanina pagbangon ko, for the first time, naramdaman ko siya katabi ko. At saka nangangalabit, ha. Me ganun,” natawa ulit na sabi ni Zsa Zsa.

Nang tanungin ni Ricky si Zsa Zsa kung mami-miss niya ang kalabit, tanging impit na tawa lamang ang isinagot ng Divine Diva.

TAUGHT TO BE STRONG. Tanong pa: Pinsan ni Zsa Zsa si Lorna Tolentino, at ayon dito, noong pumanaw ang asawa niyang si Rudy Fernandez ay hindi nito mahawakan ang mga gamit ng asawa. Siya ba, kinaya niyang ayusin o hawakan ang mga gamit ni Dolphy?

“Oo, sinasabi ko nga sa lahat, he taught me to be very strong. Kinailangan kong maging strong para sa pamilya ko because he was ill for a very long time.

“Isa pa, Kuya Ricky, ayaw na ayaw niya na umiiyak kami sa harap niya. At the hospital, for many years, I have learned to make silent screams sa banyo. Pupunta ako ng banyo, sisigaw ako ng ganyan [na walang boses]. Tapos, doon ako iiyak.

“Kasi minsan, pag may isusumbong ako sa kanyang ganyan, ‘Lovey, bakit ganito, bakit ganyan?’, tapos maiiyak ako. Nanginginig siya talaga. ‘Don’t cry, don’t cry,’ gaganun siya. Ayaw na ayaw niya yung iiyak ka sa harap niya.

“Kasi nga isa siyang komedyante, gusto niya na masaya lahat ng tao. At sinabi niya talaga yun, pag naaalala siya at babanggitin mo yung salitang Dolphy, may smile sa mukha mo.

"Pag Dolphy, may smile. Kaya ako sa ospital, noong papunta kami dito sa Heritage, bigla akong natatawa. Nai-imagine ko na siya naman yung kulit nang kulit sa tenga ko. ‘O anong feeling na, Lovey, Lovey, Lovey…’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

UNITING THE TV STATIONS. Pagkakataon naman nina Joey, Butch at Lolit na magtanong kay Zsa Zsa. Unang nagtanong si Joey, na naging kapareha ni Zsa Zsa sa pelikulang Starzan. At nagkatawanan pa sila nang alalahanin ang ilang eksena at mga dialogue nila sa pelikula.

Ibinuko nga ni Joey na noong nagsu-shooting sila ng Starzan ni Zsa Zsa ay doon din nagsimula ang panliligaw ni Dolphy sa Divine Diva.

Tanong ni Joey, ano ang pakiramdam ni Zsa Zsa na tila nawala ang network war sa mga TV stations dahil nawala ang Kapuso, Kapamilya at Kapatid? Lahat nga raw ay naging Ka-Pidol, na tila pinagkaisa ni Dolphy.

“Nakakataba ng puso. Yun na nga e, iniisip ko yun kanina, may nakapagsabi rin niyan.

"Sabi ko, talaga namang sa industriyang ito, napatunayan nating mga artista, mga singers, mga performers na talagang united din tayo, hindi ba?

"Nakakataba ng puso na sa panahong ito ay hindi na ikinukunsidera iyan. Dahil talaga naman yung sabi mo, ka-Pidol, yun.”

MVP PAID THE HOSPITAL BILLS. May kinalaman naman ang tanong ni Lolit Solis kay Manny V. Pangilinan dahil birthday ng business mogul kahapon. At dito ay hindi na nga napigil ni Zsa Zsa na isiwalat sa lahat ang nagawang tulong ng TV5 at PLDT big boss sa kanila.

Ayon nga kay Zsa Zsa, “Buti nabanggit mo iyan. Maraming-maraming salamat din on behalf of my family. Gusto kong i-reveal na ito.

"Binayaran niya lahat ng hospital bills namin sa Makati Med. Ganun lang, Ate Lolit, napakabait niya,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Zsa Zsa.

Biniro pa ni Lolit si Zsa Zsa na buti raw ay hindi ito nawala sa tono nung kumanta ng "Through The Years" sa burol ni Dolphy.

Sabi naman ni Zsa Zsa, “Sabi kasi sa akin ng isa sa mga best friends ko, si Kris Aquino, ‘Zhing, kailangan talaga gawin mo iyan. Huwag kang magtso-choke ha.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E nandudoon siya [Kris] to give me moral support. Kaya ako naman, nakayanan ko naman. At nagdadasal din ako kay Dolphy, ‘Huwag naman sana akong mapahiya sa gusto kong sabihin.’”

FOOD TRIP. Ano ang magagandang alaala niya kay Dolphy?

“Pag sinabi mong Dolphy sa pamilya namin, food trip palagi yan talaga. Kaya medyo mahirap kumain, e.

"Actually, lahat ng mga paborito niyang restaurants pinapadalhan kami ng pagkain. Siyempre nandiyan ang Hizon’s. Kagabi meron pa, marami pa. Halos lahat.”

Sandaling sumingit si Joey para ibunyag na pinsan niya ang may-ari ng Hizon’s, at ayon nga kay Joey, may isang cake daw sa restaurant nila na ipinangalan kay Dolphy. Kaya biro ni Joey kay Zsa Zsa pupunta na lang daw siya roon para kainin si Dolphy, na ikinatawa naman ng Divine Diva.

May sariling revelation naman si Zsa Zsa, “Alam mo, close ako sa kanilang lahat. Sasabihin ko sa iyo kung bakit. Yung lola ko, Dolorico-Padilla, isa siyang baker. So, sa pamilya naming mga Padilla, pag hindi ka marunong mag-bake, kahiya-hiya ka.

"Maliit pa ako, I was probably five, yung sa unang-unang bakery pa ng Hizon’s, nagpupunta na ako doon. Ang tawag nila sa akin, 'Sasa.'”

FROM THE HEART. Tinanong naman ni Butch Francisco kay Zsa Zsa: Kung pwedeng magsalita ang puso niya, ano ang sasabihin nito?

“Kasi nagko-coffee kami sa umaga ni Dolphy. Ini-imagine ko siya. I go to the bathroom dahil maliit ang mga kuwarto dito.

"So, nandudoon ako sa ibabaw ng sink. Kanina na naman sabi ko, ‘Lovey, selfish pa bang sabihin? Pwede namang sabihin na paano na kaya kami ng mga anak natin?'"

At dito na nga naging emosyonal si Zsa Zsa, “Kasi ayokong sabihin yun dahil palagi niyang sinasabi, ‘Alam mo, ikaw naman. Hindi ako nag-aalala sa iyo dahil alam ko na napakatibay mo. Alam mo 'ko, na kahit ayokong nagtatrabaho kang masyado, pinipilit mo.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi workaholic din ako katulad niya.

“Pero, siyempre, may takot pa rin sa puso ko na paano ko ba maitataguyod yung pamilya ko? At saka siyempre, maraming lumalapit sa kanya, hindi ba? Na baka lumapit din sa akin, wala akong maibigay na tulong, natatakot ako doon.

“So, nagdadasal ako sa kanya na sana tulungan niya din ako from heaven na maipagpatuloy ko na maitaguyod ang aming pamilya.”

MANAGING DOLPHY’S FINANCES. Pag-amin naman ni Zsa Zsa, ngayon daw ay silang dalawa ng anak ni Dolphy na si Eric Quizon ang nagma-manage ng finances ng Comedy King.

“Nitong mga huling buwan kasi, kami na nina Eric ang nagma-manage ng kanyang finances. Kahit papaano nabayaran na namin lahat ng dapat bayaran sa RVQ Productions. Sa BIR, hello po.

“Kahit papaano naman meron din kaming nakalap na pera, lalo na si Eric, napakasipag niya. Maganda ang kanyang business acumen.

"Kaya nga ipinagkatiwala ni Dolphy yung kanyang estate kay Eric. So, kaming dalawa ni Eric ang kanyang executors.

“Till the very end talaga, very concerned siya na ma-provide yung family. Malaking bagay kay Dolphy yun e, na lahat maging okay, lahat magkaroon ng trabaho, lahat hindi magutom.

"Ganyan, concerned na concerned siya. Alam n’yo naman ang bati niya, ‘Kumain ka na ba?’

“Kaya dito sa Heritage, gusto rin naming magpasalamat sa lahat-lahat ng mga nagpapadala ng mga pagkain. Talagang overflowing po ang mga pinapadala nila.

"Dahil sabi nga kanina ni June Torrejon na in-charge sa food committee, ‘Ayaw ni Tito Dolphy iyan, na may magugutom. Kailangan kung ano ang kakainin ng isa, ganun ang lahat.’ Totoo po iyan.”

Bukod sa pagkain, provided din daw ang security nila.

“At saka ang daming mga security. Yung mayor nitong Taguig, maraming-maraming salamat po Mayor [Lani] Cayetano na hindi n’yo kami pinababayaan.

"At talagang napaka-sincere ng mga taong nagbabantay sa linya, nagbibigay ng pagkain sa mga tao. Pasensiya na po kung minsan napagsasarhan kayo ng linya, kasi talagang hindi namin ma-accommodate lahat.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

GRATITUDE. Isiningit na rin ni Zsa Zsa ang pagpapasalamat kay Pangulong Noynoy Aquino.

“I would also like to take this opportunity to thank P-Noy. Maraming-maraming salamat sa lahat ng suportang ibinigay n’yo sa aming pamilya.

"Nakaka-touch talaga. Pumunta pa siya talaga mismo. At hindi namin makakalimutan yung very special Presidential Award na ibinigay niya kay Dolphy noon. It was a very proud and unforgettable moment for our family.”

Sa huli ay may mensahe pa ng pasasalamat si Zsa Zsa sa lahat ng mga Pilipino sa buong mundo na nagdasal para kay Dolphy at nakiramay sa kanila.

“Maraming salamat po sa inyong lahat. Sa outpour ng love and support, sa lahat ng prayers, overwhelming.

"Hindi naman kami nagugulat na ganun kamahal ng publiko ang isang Dolphy, dahil talagang ang masasabi ko, napaka-blessed ko na nakilala ko siya at minahal niya ako nang lubus-lubusan.

"Kaya naman kung iyon na lang ang maisusukli ko sa kanya, hanggang sa kanyang last breath, gagawin ko talaga.

"Maraming-maraming salamat sa inyo at ipinakita n’yo sa amin na hindi lang kami ang nagdadalamhati sa kanyang paglisan. Thank you.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN