Iwa Moto speaks up on marriage breakup of Jodi Sta. Maria and Pampi Lacson

IMAGE File

In a live interview on Paparazzi Showbiz Exposed on June 9, Iwa Moto (in photo) explains why, after two years, she has decided to speak up on the Jodi Sta. Maria-Pampi Lacson breakup: “Ang sakit po ng sinasabihan ako ng kabit, home wrecker, ang sakit po. Dahil alam ko sa sarili ko na hindi totoo yun at alam din ni Jodi kung ano ang totoo dahil siya naman talaga ang nag-umpisa ng lahat ng ito.”


Lumabas na rito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang pagkumpirma ng Kapatid actress na si Iwa Moto tungkol sa relasyon nila ngayon ni Pampi Lacson, ang dating asawa ng Kapamilya actress na si Jodi Sta. Maria.

(CLICK HERE to read related story.)

Matatandaang nauna nang nasangkot noon sa eskandalo sina Iwa at Jodi nang maugnay ang huli sa ex-boyfriend ng una na si Mickey Ablan.

Upang mabigyang-linaw ang lahat ng isyung kinasasangkutan niya, live na nagpa-interview si Iwa kay Cristy Fermin sa showbiz talk show ng TV5, ang Paparazzi Showbiz Exposed kaninang tanghali, June 9.

Kaagad ngang kinumusta ni Cristy ang puso ni Iwa ngayon.

“Masaya, masayang-masaya po,” sabi ni Iwa.

"Sino ang nagpapaligaya kay Iwa ngayon?" tanong pa ni Cristy.

“Si Pampi po.”

Dahil sa napabalita ngang relasyon nila ni Pampi, may ipinanganak na mga isyu gaya na lang ng hindi umano kumportable ang dating misis ni Pampi na si Jodi sa kanilang relasyon ngayon.

Sunod na tanong ni Cristy: "Sino ba talaga ang may 'utang' kanino – siya ba o si Jodi?"

“Sa pagkakaalam ko, siya [Jodi] talaga ang may utang sa akin,” sabi ni Iwa.

MICKEY-JODI RELATIONSHIP? Pagkatapos ng pahayag na ito ni Iwa, binalikan tuloy nila ang nakaraan. Dalawang taon na ang nakararaan, may sinabi si Iwa sa isang interview na pahimakas kung sino ang babaeng pumasok sa relasyon nila ni Mickey Ablan noon. Pero bigla niya itong binawi. Bakit niya ito binawi?

“Kasi po, una sa lahat noong mga panahon iyon inaayos pa namin ni Mickey… sinubukan naming ayusin at saka inisip ko rin po yung mga taong magiging apektado lalung-lalo na yung mga bata [anak ni Mickey sa pagkabinata at anak nina Jodi at Pampi].”

Kung sa mga nakaraang interview niya ay nagno-no comment lang si Iwa tungkol sa naging kaugnayan nina Mickey at Jodi noon, sa pagkakataong ito ay tuluyan na niyang ibinulgar ang lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Opo, si Jodi po yung naging babae ni Mickey noong nagkaroon sila ng affair before.”

So, si Jodi ang pumasok habang magkarelasyon sila ni Mickey?

“Opo.”

Pero hindi ba noong panahong iyon ay mag-asawa pa sina Jodi at Pampi?

“Opo.”

NOT A HOME WRECKER. Ito raw ang dahilan kaya sinasabi ni Iwa na si Jodi ang may utang sa kanya.

Depensa pa ni Iwa, “Actually, kaya lang naman po ako nandito kasi hindi ko po nagustuhan yung lumabas sa kabilang istasyon na diumano’y ako ang naging dahilan ng paghihiwalay nila.

"Kasi po kahit sabihin nila na hindi nila diniretso yung pinupunto nila, ang tingin po ng ibang tao ganun po.

“Ang sakit po ng sinasabihan ako ng kabit, home wrecker, ang sakit po.

"Dahil alam ko sa sarili ko na hindi totoo yun at alam din ni Jodi kung ano ang totoo dahil siya naman talaga ang nag-umpisa ng lahat ng ito.”

Noon bang nagkaroon ng relasyon sina Jodi at Mickey habang kasal pa sila at nagsasama ni Pampi, kinausap ba ni Iwa si Jodi?

“Yes, kinausap ko po siya.”

Paano tumakbo ang usapan nila?

“Suma total po, dinenay niya po sa akin. Hindi po siya umamin.

"Bale iniyakan ko po siya, nagmakaawa ako. Tinanong ko kung bakit niya nagawa sa akin iyon bilang idol ko siya.

"Kasi tinitingala ko po siya. Isa siya sa mga artistang sobrang hinahangaan ko dati.

"Ang sakit na yung hinahangaan mo yun pa yung taong mananakit sa iyo.

"Tapos yung time na po yun, umamin na rin po sa akin si Mickey.”

So, kahit nag-deny si Jodi ay umamin pala si Mickey?

“Opo, at may mga proof… kahit naman po hindi umamin si Mickey, may mga pruweba po e, na nakuha ko po before at hanggang ngayon tinatago ko lang din para hindi na lumaki ang lahat.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

TIME TO SPEAK UP. Diumano’y nagkukonsulta raw si Jodi tungkol sa relasyon ni Iwa kay Pampi ngayon. Ano ang masasabi ni Iwa rito?

“Sige magkonsulta lang siya. Alam kong wala akong tinatapakan na tao. Dumating ako sa buhay ni Pampi, wala na sila.

“At saka nagkakilala kami ni Pampi two years ago. Tinawagan ko si Pampi, inaaway ko si Pampi.

"Sinabi ko sa kanya, bakit ganyan yung asawa mo? Ano ang nangyari? Nakakagulat lang kasi alam din pala niya.

“Alam ni Pampi ang lahat ng nangyayari. Nananahimik lang siya kasi iniisip niya pa rin yung kapakanan nung bata, na kahit nagkakalat na yung babae, ayaw niya pa ring maging masama yun sa paningin ng anak niya.”

Hindi na raw kinakaya ni Iwa ang mga nangyayari at lumalabas na balita.

“Kaya lang sobra na e. Ako na yung inapi, ako na yung siniraan dati, ako pa ang lumalabas na masama. Kaya ako nagsasalita.”

WHY SHE KEPT MUM ABOUT THE ISSUE. Bakit dalawang taon ang pinalipas ni Iwa bago siya naglabas ng emosyon at saloobin ngayon? Bakit kinimkim niya ito?

“Kasi po akala ko yun ang tamang gawin. Akala ko po kung mananahimik ako, matatapos, lilipas din ang lahat.

“Kaya lang ang sakit po ng mga binitiwang salita ng mga tao sa paligid ko, na pati pamilya ko nadadamay.

"Hindi po ako papayag na ganunin nila ako lalo na ang pamilya ko. Lalo na the fact na alam ko sa sarili ko na wala akong tinapakang tao from the start.

“Kung pruweba lang at pruweba, tingnan natin, tingnan n’yo po. Bakit mula noon hanggang ngayon hindi siya [Jodi] nagsasalita dahil alam niya sa sarili niya kung ano ang totoo.

"Mas masakit yun para sa kanya dahil alam niya yung totoo, niloloko niya yung sarili niya, e.

“Suma total, dito takot siyang magsalita dahil alam niya kapag pumitik ako, kapag nagalit ako, may pruweba ako at pwede ko pa siyang idikdik pababa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero hindi na po [panahon] para ilabas ko yun. Ang suma total lang dito, gusto ko lang iklaro sa lahat na hindi ako ang naging dahilan kung bakit naghiwalay silang dalawa.

"Kung meron man silang problemang mag-asawa noon, sa kanila na yun. Pinauubaya ko na yun sa kanila kasi two years ago yun, labas ako doon.”

PAMPI ALSO KEPT SILENT. Bakit siya nagmakaawa kay Pampi noon?

“Nagmakaawa ako sa kanya para pagsabihan yung asawa niya na tigilan lahat.

"Alam ko bilang lalaki si Pampi, masakit yung ginawa ng asawa niya.

"Pero doon ako bilib kay Pampi e, kasi nalaman niya lahat, alam niya lahat ng ginawa ng asawa niya, lahat ng nangyari.

"Pero alam n’yo po trinay niya pa rin pong patawarin.”

Ni hindi nga raw nagpa-interview si Pampi.

“Hindi po siya nagsalita kasi… para sa akin ang lalaki po kasi hindi naman kailangang magdadadakdak e, trabaho po ng babae yun.

"Yun po ang tunay na lalaki, poprotektahan niya lahat nang pwede niyang protektahan hangga’t sa makakaya niya lalo na sa side ni Pampi, mahal na mahal niya yung anak niya kaya hindi po siya para magsalita.

“Kaya naman ako, mahal ko yung bata… pero hindi dahil nagsasalita ako ay hindi ko na mahal yung bata.

"Nagsasalita lang po ako kasi gusto ko lang iklaro. Ako na po yung nasaktan dati.

"Ako na yung binastos dati, hindi nirespeto nung babae, ako pa yung lalabas na masama.”

Ibig sabihin lang daw nito hindi si Iwa ang pumasok para mangwasak ng relasyon, siya raw ang naging biktima nang pasukin ni Jodi ang relasyon nila ni Mickey noon.

“Opo. At saka si Mickey mismo kahit kausapin ko… kahit si Mickey, kaya niyang patunayan yun na umamin siya sa akin at meron din po akong mga pruweba na kapag ipinakita ko yun baka mawasak ang buhay niya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SUPPORTIVE PAMPI. Sa lahat ng pangyayaring ito, nasaan si Pampi? Sinusuportahan ba siya ni Pampi?

“Opo. All throughout hindi niya ako pinabayaan. Sa lahat nang ito lagi lang siyang nasa tabi ko.

"Nandiyan siya para bigyan ako ng advice. Ultimo mo dito sa interview na ito, tinatanong [ko siya] kung paano ko anuhin, kasi suma total, ang iniisip lang namin talaga, hindi na po si Jodi.

“Wala na po kaming parehong pakialam kay Jodi kasi may sarili na siyang buhay.

"Sa pagkakaalam ko may boyfriend na siya. Doon na siya, masaya na siya, naka-move on na siya. Masaya na kami ni Pampi, hayaan na lang kami.

"Ang ano lang dito, ang iniisip lang namin yung bata, kasi ayoko lang dumating yung panahon na isipin nung bata ako ang dahilan.”

CLOSE TO THIRDY. Isang araw si Thirdy, ang anak nina Jodi at Pampi, ay lalaki at matututong mag-Internet. Baka isang araw ay mabasa niya na ang dahilan ng paghihiwalay ng kanyang mga magulang ay si Iwa. Ito nga ang bagay na ayaw mangyari ni Iwa kaya siya nagsasalita ngayon.

“Ang pangit po kasi nun.”

Close ba sila ni Thirdy ngayon?

“Opo. Eto po, si Thirdy, para sa akin, hindi man lumabas sa akin yan, mahal ko iyan bilang anak ko.”

Madalas ba silang magkasama?

“Opo, tuwing nasa poder po ni Pampi si Thirdy, kami po ang laging magkasama. Minsan nga po iniiwan na sa akin, like ako ang maghahatid sa Kumon, mga ganun.

"Kasi napamahal na sa akin yung bata. Yun ang batang hinding-hindi mahirap mahalin dahil napakabuti, napakabait, napakalambing.”

MESSAGE TO JODI. Ano ang mensahe niya para kay Jodi?

“Naaawa ako sa iyo kasi ang hirap ng dinadala mo. Yung kasinungalingan na binubuo mo sa utak mo, pinapaniwalaan mo.

"Masakit yun e, yung nakapanakit ka ng tao ni hindi mo magawang mag-sorry dahil dine-deny mo pati sa sarili mo. Alam mo yung totoo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ngayon, sige, okay lang sa akin kung mag-react ka dito, wala akong pakialam. Pero mag-ingat ka kasi tandaan mo, nasa akin pa rin yung huling halakhak dahil ako ang may pruweba at ako ang inapakan mo dati.”

JODI’S NEW BOYFRIEND. Tila naging blind item naman ang dating ng pagtatanong ni Cristy Fermin kay Iwa tungkol sa bagong karelasyon ngayon ni Jodi. Bagama’t nagbigay ng clue sina Cristy at Iwa ay hindi naman nila pinangalanan ang lalaki.

Artista ba ang boyfriend niya [Jodi] ngayon?

“Opo.”

Alam ba ni Thirdy ang mga nangyayari?

“Opo. Kasi mismong yung bata ang nagkukuwento sa amin kung sino yung nakakasama ng mommy niya.”

Kilala ba namin siya?

“Kilalang-kilala n’yo po.”

Magbibigay pa sana si Iwa ng karagdangang clue pero pinigil siya ni Cristy dahil baka maibulgar din ito ng aktres.

Kinakapatid siya ni Pampi Lacson?

“Opo.”

Isa siyang aktor-pulitiko?

“Tama.”

Mula sa pamilya ng mga pulitiko?

“Tama.”

"Eto, sasagutin mo lang ako ng oo o hindi," ang simula ni Cristy.

"Isang gabi ay may tumawag kay Pampi na umuwi ng bahay dahil nandun yung aktor-pulitiko sa kanilang bahay.

"Hindi kumibo si Pampi, umalis lang, nagpalamig. Samantalang yun na ang pagkakataon para gumawa siya ng paraan para maampat yung relasyon. Oo o hindi?" tanong ni Cristy kay Iwa.

“Oo.”

May huling pahayag pa si Iwa bago natapos ang interview.

“Sorry po sa mga natatapakan ko ngayon. Pero ginawa ko lang po ito kasi panahon na po para ipagtanggol ko naman ang sarili ko.”

Sinubukan ng PEP kunan si Jodi ng pahayag subalit pinili nitong manahimik na lang.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN