Bea Alonzo and Zanjoe Marudo confirm mutual happiness over their relationship: “Mahal talaga namin ang isa’t isa.”

IMAGE Noel Orsal

Makahulugan ang mga sagot ng magkasintahang Zanjoe Marudo at Bea Alonzo sa tanong kung masaya sila sa kanilang relasyon. Sabi ni Bea, “Mahirap i-compare. Basta kung ano yung present, yun ang mahalaga—masayang-masaya ako ngayon.” Ayon naman kay Zanjoe, “Basta masayang-masaya ako ngayon. E, hindi naman natin puwedeng kumparahin ang lahat ng bagay kasi magkakaiba naman yun.”


Tampok ang magkasintahang Zanjoe Marudo at Bea Alonzo sa pelikulang 24/7 In Love ng Star Cinema.

Ang 24/7 In Love ang 20th anniversary film presentation ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.

Makakasama nila rito ang labintatlo pang talents ng Star Magic: Piolo Pascual, John Lloyd Cruz, Angelica Panganiban, Kim Chiu, Gerald Anderson, Diether Ocampo, Maja Salvador, Sam Milby, Pokwang, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Xyriel Manabat, at Zaijian Jaranilla.

Ginanap ang presscon ng 24/7 In Love kagabi, Huwebes, November 8, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kina Zanjoe at Bea pagkatapos ng presscon proper, inalam namin ang kanilang mga saloobin.

GAY ROLE. Bading ang role ni Zanjoe sa pelikula. Totoo bang nailang ang aktor sa kanyang role?

Tumango ang aktor at sinabing, “Oo. Kasi, unang-una, biglaan, e. Biglaang shooting na, walang preparasyon.

“Hindi na ako nakapag-prepare kung ano ang gagawin ko. Nag-shooting na agad kami.

“Ayun, habang inaaral ko yung character, dagdag pa yung kasama ko si Bea, medyo nagkaroon ng problema sa umpisa.”

Kay Bea naman, totoo bang nailang siya kay Zanjoe nang una niya itong makita na umaarte na bading?

“Hindi," mabilis na tugon ng aktres.

"Kasi yung narinig ko lang na magkakatrabaho kami, medyo kinabahan ako.

“Parang naiisip ko lang na baka mailang ako.

"Pero noong nandoon ako, wala naman.

“Natuwa pa nga ako kasi, at least, meron kaming limang araw na magkasama kami nang buong araw.”



TIME FOR BONDING. Ibig sabihin, nakapag-bonding sila nang husto ni Zanjoe sa set ng movie?

“Oo, talaga," sambit ni Bea.

"At saka ang sarap rin pala na somehow katrabaho mo yung boyfriend at saka wala kayong issue.

“Kasi nung time na yun, ang tagal naming hindi nagkikita, kasi kagagawa ko pa lang ng [The] Mistress.

“So, ang sarap na lagi ko siyang kasama.”

Ang The Mistress ang kapapalabas lang na pelikula ni Bea katambal si John Lloyd Cruz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DISCOVERIES. Ano naman ang nadiskubre nila sa isa’t isa sa limang araw nilang shooting?

Sabi ni Bea, “Pawisin pala siya pag eksena!

"Para siyang kinakabahan lagi. Nakakatuwa rin siya dahil hindi siya nagre-relax.

“So, para rin ako tuloy, kinakabahan, kasi iniisip ko na, ‘Shit! Kina-career niya… kailangan karerin ko rin.'”

Ibig bang sabihin nito ay parang may kumpetisyon sila ng acting sa set?

Pagtutuwid agad ni Bea, “Hindi naman.

“Feeling ko lang na parang pinapaganda niya ito kaya kailangang pagandahin ko rin para maging maganda yung episode namin."

Ano naman ang nadiskubre ni Zanjoe kay Bea sa limang shooting days nila?

Sa halip na sagutin ni Zanjoe ang tanong, nag-explain muna siya sa naunang comment sa kanya ni Bea tungkol sa pagpapawis niya sa eksena.

Aniya, “Mainit lang talaga sa location kaya ako pinapawisan."

Hirit naman ni Bea: “Wooh, katabi mo kasi ako kaya ka pinapawisan!”

Kaya siguro nag-iinit si Zanjoe? Biro namin kay Zanjoe na nakangiti habang nagko-comment.

Sakay naman ng aktor, “Magandang title ‘yan—‘Zanjoe nag-iinit kapag katabi si Bea!’

“Alam ko agad kung ano yung ita-title sa diyaryo, e.”



MORE EXPERIENCED. Pero ano nga ba ang nadiskubre ni Zanjoe kay Bea habang nagsu-shooting sila?

“A… na-discover ko nga na matagal na siya sa industriya at parang alam na alam na niya yung gagawin niya pagdating sa trabaho.

“Alam mong aktor na talaga na, anytime, pag kailangan na yung mga emosyon, yung mga ano, nandoon na agad.

“Hindi katulad naming mga baguhan…”

Naputol ang sagot n Zanjoe dahil sumingit si Bea para mag-react sa sinabi ng kasintahan.

Bulalas ni Bea, “Oy, hindi totoo ‘yan!

“Alam ninyo, ang galing-galing niya doon sa isang eksena…

“Na kahit emotional scene, I was expecting na somehow mawawala yung pagkabading.

“Kasi, di ba, sarili mong emosyon ang pagaganahin mo?

“Pero hindi nawala yung pagiging bading nung character niya kahit emotional na siya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bading ba si Zanjoe the whole time sa pelikula?

“Oo, e,” tugon ni Bea.

“Akala ko mababago ko siya,” pahabol pa niya.



OBVIOUSLY IN LOVE. Doon pa lang sa presscon proper, kapansin-pansin ang pagiging maaliwalas ng aura nina Bea at Zanjoe.

Makikita kasing masaya silang dalawa at kahit hindi man nagpapakita ng kanilang sweetness sa isa’t isa, mararamdamang in love na in love silang dalawa.

Bakit nga ba sila masaya sa kanilang relasyon at lumalabas ang kasiyahan sa kanilang mga hitsura?

“Sagutin mo ‘yan,” malambing na utos ni Bea kay Zanjoe.

Sabi naman ni Zanjoe, “Hindi ko rin ma-explain, e.

“Hindi naman maipapaliwanag yun, e.

“Siguro, wala, e... mahal talaga namin ang isa’t isa.”

May statement si Bea sa nakaraang interview niya na si Zanjoe ang kanyang “most beautiful affair.”

Ano ang masasabi ni Zanjoe dito?

“Talaga?” tanong ng aktor.

Sinabi rin ni Bea sa isang interview na si Zanjoe ang “savior” niya.

Ano ang masaabi ni Zanjoe rito?

“O, di ba? Sa harapan ko talaga?” nakangiting bulalas ni Bea.

Tugon ni Zanjoe, “E, di nakakatuwa.

“Hindi ko naman alam ang mga ganyang bagay. Tapos, ilang taon, malalaman ko.

"So, meron pala akong nagawang mabuti.”

Baling naman namin kay Bea, paano siya pinasasaya ni Zanjoe?

Sagot ng aktres, “Lagi akong pinasasaya ni Zanjoe…

“Alam mo, kahit na yung maliliit lang na bagay, na bigla niya akong iha-hug, bigla niya akong iki-kiss… parang masayang-masaya na ako kasi hindi siya ganoon dati.

“So, somehow, pag gumaganun siya, I feel important.”



MOST HAPPY. Masasabi bang ito na ang happiest relationship nila?

Bea: “Mahirap i-compare. Basta kung ano yung present, yun ang mahalaga—masayang-masaya ako ngayon.”

Zanjoe: “Basta, masayang-masaya ako ngayon. E, hindi naman natin puwedeng kumparahin ang lahat ng bagay kasi magkakaiba naman yun.”

Napag-uusapan na ba nila ang pagkakaroon ng anak? Sabi raw kasi ni Bea ay gusto niyang magkaroon ng twins.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero hindi pa naman tatay! Agad-agad?” mabilis na reaksiyon ng nakangiting si Bea.

Hindi na nagawang mag-comment ni Zanjoe sa tanong dahil hinila na silang papalayo ng kanilang handler palabas ng stage.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN