Kim Chiu on possibility of Xian Lim being her next boyfriend: "Konting effort pa!"

IMAGE Noel Orsal

Bagamat inamin ni Kim Chiu na pinapasaya siya ni Xian Lim, nilinaw ng young actress na wala pa silang romantikong relasyon. Saad ni Kim, "Oo nga, e, parang pinapangunahan kami ng ibang mga tao... Basta sa aming dalawa, alam po namin kung ano po yung nangyayari at kung ano yung ginagawa namin. Masaya naman kami kung ano kami. And bahala na kung kelan maging kami o kung anuman. Tingnan na lang natin."


May bagong teleserye ang young actress na si Kim Chiu sa ABS-CBN, ang Ina Kapatid Anak.

Gumaganap siya rito bilang si Celine, isang mahirap na may mataas na ambisyon sa buhay.

Paglalarawan ni Kim sa kanyang role, "Ako po rito ay parang isang tsinelas na sobrang sira na, na puwede mong dalhin kahit saan.

"Yung paa mo, malayang-malaya kapag nakasuot ka ng tsinelas.

"Tapos parang ganoon yung character ko, malaya, puwede kong gawin kahit na ano ang gusto ko.

"Mahirap lang yung role ko rito, parang ambisyosa, parang marami siyang gustong marating, lalung-lalo na yung mabago yung buhay niya, yung makasuot siya ng matingkad na sapatos.

"Imbes na tsinelas, gusto ko, matingkad na magandang sapatos.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa pocket presscon ng Ina Kapatid Anak na ginanap kahapon, September 24, sa Whitehouse restaurant sa Quezon City.

DIFFERENT FROM KIM. Masasabi ni Kim na yung role niya dito sa teleserye ay kabaligtaran sa totoong buhay.

"Sobrang iba siya sa kung ano ako as Kim Chiu.

"Pero sa tulong ng direktor namin, tinutulungan nila ako na maging loud, yung maging kanto girl, yung pag the way na umarte ako, parang taga-squatter, taga-probinsiya.

"Yung paa, nakapatong sa upuan pag kumakain. Tapos sobrang ingay, sobrang daldal.

"Ngayon lang ako nakagawa ng character na ganito sa lahat ng mga serye na nagawa ko," saad niya.

Masasabi rin ni Kim na yung character niya sa Ina Kapatid Anak ang pinakamahirap na nagampanan niya, so far.

"Kasi lahat ng roles ko, lagi lang normal—hindi mayaman, hindi mahirap, laging average.

"Doon sa My Binondo Girl, yung role ko bilang si Jade, meron siyang goal. Ang goal niya yung mahanap yung tatay niya.

"Hindi naman niya pinangarap na yumaman siya at maitawid yung pamilya niya sa hirap.

"Kasi medyo may kaya naman yung pamilya ni Jade dati. Parang may bahay sila, bahay ng lola niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Eto, walang-wala talaga. Hindi namin alam kung makakakain kami, kung makakapag-aral ako.

"Yung pinagsu-shooting-an namin, squatters’ area talaga, kaya medyo mahirap.

"Ngayon lang ako nagkaroon ng role na kailangan kong panindigan yung sarili ko, mabuhay para sa pamilya ko.

"Parang dun ka humuhugot sa problema pag pini-play mo yung character na yun.

"Siyempre makaka-relate dito yung iba't ibang tao.

"Kasi lahat naman ng tao may pangarap—at ang pangarap nila, yung yumaman."

CHERRY PIE & EDDIE. Ang vereran actress na si Cherry Pie Picache ang gumaganap na nanay ni Kim sa Ina Kapatid Anak.

Ilang beses na ring nakasama ni Kim si Cherrie sa mga serye, pero ngayon pa lang sila gumanap bilang mag-ina.

"Ilang teleserya na yung pinagsamahan namin ni Ms. Pie—yung Tayong Dalawa, My Binondo Girl, tapos ito. Kaya sobrang close na kami.

"Pero ngayon ko lang siya naging nanay.

“Saka ngayon lang kami hindi magkaaway, magkakampi kami dito sa show na ito, kaya nakakatuwa."

Kasama rin sa Ina Kapatid Anak ang veteran actor na si Eddie Guttierez, na gumaganap naman bilang tatay ni Maja Salvador.

Kuwento ni Kim, may isang eksena siya with Eddie na hindi siya agad nakaarte dahil na-starstruck siya sa veteran actor.

"Sa buong buhay ko, hindi ko pa po kasi nakikita si Eddie Gutierrez. Ngayon lang talaga.

"May eksena kami na binaba niya yung bintana [ng kotse].

"Siyempre, rehearsal, hindi pa siya naka-suit, wala pa siyang ayos, wala pa lahat.

"Pero nung take na, nung kinatok ko, kunwari mayabang ang dating ko.

"Pagkatok ko nang ganyan, e, nakasumbrero siya na pang-Mister Suave! Tapos nag-shades pa, tapos nag-suit pa.

"Hindi po ako nakapag-line. Ang nasabi ko na lang, 'Ay, Tito Eddie, ang pogi ninyo pala!’

"Natawa na lang po siya.

"Give na give na sa akting si Tito Eddie nun, e. Pero sabi ko, 'Tito, teka lang!’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

XIAN LIM. Ang bagong ka-loveteam ni Kim na si Xian Lim ang muli niyang kapareha rito sa Ina Kapatid Anak.

Ayon kay Kim, mas lumalim na ang pagkakaibigan nila ni Xian na nagsimula nung magkatrabaho at magkapareha sila sa una nilang teleserye na magkasama, ang My Binondo Girl.

"Kaming dalawa, siguro mas naging close kami ngayon.

"Sumasama siya sa amin ng mga kabarkada ko, since konti lang yung friends niya from showbiz.

"Yun nga, sabi niya, loner siya, isinasama namin siya. And masaya naman siyang kasama.

Sabi ni Xian sa mga interviews niya, espesyal sa kanya si Kim. Nararamdaman ba ni Kim na talagang espesyal siya kay Xian?

"Opo,” pagkumpirma ng young actress.

"Kasi tinatrato niyang espesyal yung buong pamilya ko.

"Nung magkaroon siya ng mall show sa Cebu, sabi niya gusto niyang dalawin yung lola ko doon.

"Sabi ko, 'Anong gagawin mo sa lola ko?’ Parang ganoon.

"Minsan, sasabihin niya, 'Puwedeng dumalaw sa bahay ninyo?'

"’Anong gagawin mo?’

“’Makikikain lang.’ Ganoon siya.

"Nakakatuwa naman. Pero sana hindi siya magsawa," ngiti ni Kim.

Masasabi ba niyang nakatulong si Xian sa kanya kaya sobrang masaya siya ngayon?

"Sobrang happy!" tili ni Kim.

"Kahit naman hindi dumating si Xian, masaya na naman ako.

"And mas masaya lang ako na nakahanap ako ng bagong kaibigan.”

FALLING IN LOVE AGAIN. Pero ready na ba siya para muling magmahal?

"Puwede na, kasi two years na rin naman,” sagot ni Kim bilang pagtukoy sa breakup nila noon ni Gerald Anderson.

Si Xian na ba ang lalaking susunod niyang mamahalin?

"Konting effort pa!” natatawang sagot ni Kim

Ano ba yung mga bagay na pinapakilig siya ni Xian?

"Siguro yung kapag nagbigay siya ng gift kahit wala namang okasyon.

“Gaya nung binigyan niya ako ng bag na pink na Prada. Sabi ko, 'Anong meron?’ 'Wala lang!"

May mga nagsasabi at nag-iisip na talagang may relasyon na sina Kim at Xian. Hindi lang daw sila basta magkaibigan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero ayon kay Kim, "Oo nga, e, parang pinapangunahan kami ng ibang mga tao.

"Pero, siyempre, wala na rin kaming magagawa kung yun ang gusto nilang isipin.

"Pero wala, parang hayaan na lang natin.

"Basta sa aming dalawa, alam po namin kung ano po yung nangyayari at kung ano yung ginagawa namin.

"Masaya naman kami kung ano kami.

"And bahala na kung kelan maging kami o kung anuman. Tingnan na lang natin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN