Vic Sotto on giving expensive gifts: "Puwede pa naman ang romancing, hindi ko pa naman kailangan ng financing... Joke yun, ha!"

IMAGE Glen P. Sibonga

Bagamat hindi itinatanggi ni Vic Sotto ang relasyon nila ni Pauleen Luna, nananatiling tikom ang bibig ng comedian-TV host sa detalye ng kanilang relasyon. Saad ni Vic, “Wala namang dapat itago. And at the same time, wala namang dapat idetalye. Alam n’yo naman, I’m not the type who would go into details about personal matters. And alam ko naman nirerespeto n’yo yun, and I do appreciate that.”


Hindi raw naapektuhan ang pagkakaibigan nina Vic Sotto at Ai-Ai delas Alas kahit na nga nag-backout ang Comedy Queen sa dapat sana’y pagsasama nilang tatlo ni Senator Bong Revilla sa isang elikula para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2012.

“Kung ano yung pagkakaibigan namin noon hanggang ngayon… parang mas matibay pa nga e,” sabi ni Bossing Vic.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si Bossing Vic sa pocket presscon ng pelikulang pinagbibidahan nila nina Bong at Judy Ann Santos—ang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako.

Ginanap ang presscon noong Disyembre 3, Lunes, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Ang naturang pelikula ang entry ng Imus Productions, OctoArts Films, M-Zet TV, APT Entertainment, at GMA Films sa MMFF simula sa Disyembre 25.

Hindi rin daw sumama ang loob ni Bossing kay Ai-Ai sa kabila ng pagsama nito kina Kris Aquino at Vice Ganda sa Star Cinema entry na Sisterakas.

“Mainam kausap si Ai-Ai. Lalaki siyang kausap!” biro ni Bossing Vic.

“Hindi, ano siya, gentlelady, kasi gusto niya talagang gawin ito.

“Napag-usapan na namin, nakapag-meeting na kami but, unfortunately, may mga technicalities, legalities kaya hindi natuloy.

“And, in all fairness kay Ai-Ai, lahat ng naging desisyon niya, bago siya sumagot, bago siya nagdesisyon e ikinonsulta niya sa akin, ipinaalam niya sa akin kahit through text o tawag.

“Ganun siya kainam kausap.

“So, hanggang ngayon, walang bahid ng kung anuman ang aming pagsasamahan.”

Hindi naman isinasara ni Bossing ang posibilidad na makagawa ulit sila ni Ai-Ai ng proyekto.

“Siguro, next year magkasama kami ulit, kasama si Bong, si Juday. Baka apat na kami.

“E, kasi nagtatlo, susunod apat naman, mas maganda.

“Hindi naman sa mas lalaban o ano, ang gusto namin ni Senator Bong, basta paganda nang paganda, palaki nang palaki.

“Hindi baleng mas lumaki ang gastos basta masisiyahan ang mga manonood, okay na sa akin iyon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WORKING WITH JUDAY AND BONG. Pinalitan ni Judy Ann si Ai-Ai, at nabuo ang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako.

First time makasama sa pelikula ni Vic si Juday, pero naging madali at maganda raw ang pagtatrabaho nila.

“Matagal ko nang kaibigan si Juday.

“Katrabaho ko yung asawa niya, si Ryan [Agoncillo]. Every now and then, I can see her.

“Pero my first time to work with her, good experience, kasi doon ko nakita yung pagka-versatile niya as an actress.

“Puwede sa comedy, puwede sa seryoso, puwede sa drama, puwede sa aksyon.

“At yung attitude niya sa trabaho, ang galing, e, dahil walang angal, walang kiyeme, ika nga.

“Kahit pagulungin mo sa tanghaling tapat sa disyerto, wala kang maririnig na angal, e.

“Pag tinanong mo, ‘Ano, okay ka lang Juday?’ ‘Okay lang.’ Kahit alam mong hindi.

“Ganun ka-professional at ganun kainam katrabaho si Juday, so it was a beautiful and happy experience working for the first time with Judy Ann Santos.”

Tungkol naman sa muli nilang pagsasama ni Bong, mas nag-enjoy at mas kampante na raw sila sa isa’t isa.

“Nung kaming nagkatrabaho ni Senator Bong, hindi naman nagtagal yung panahon na naging kampante kami sa isa’t isa.

“This time around, swak na swak na yung working habits namin, yung mga kuwentuhan namin.

“Yung pagiging magkaibigan namin e mas lalong sumolid.”


PAULEEN LUNA. Noong isang taon ay may special role ang girlfriend ni Bossing Vic na si Pauleen Luna sa MMFF movie na Enteng Ng Ina Mo.

Bakit dito sa bagong pelikula nila ay hindi nakasama si Pauleen?

“Dito, hindi e, walang role na maganda. E, yung role niya last year was importante sa istorya,” sagot ng comedian-TV host.

Nagbabagu-bago naman ang mukha ng mga engkantanda, katulad ng asawa ni Entemg sa movie na si Faye—na ginampanan na dati nina Alice Dixson at Kristine Hermosa, at ngayon ay ni Gwen Zamora.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Posible bang si Pauleen ang susunod na maging Faye?

“Why not, coconut?” biro ni Vic.

So, okay lang na magsama sila sa isang movie?

“Bakit hindi? Magaling naman na artista si Pauleen.”

Sa huling interview kay Bossing, hindi niya direktang kinumpirma ang relasyon nila ni Pauleen.

Ang tanging sinabi niya ay “what you see is what you get.”

Ibig sabihin, hindi naman niya itinatago ang kanilang relasyon.

Saad niya, “Wala namang dapat itago. And at the same time, wala namang dapat idetalye.

“Alam n’yo naman, I’m not the type who would go into details about personal matters.

“And alam ko naman nirerespeto n’yo yun, and I do appreciate that.”

Kaya lang, ang hinihintay ng mga tao ay ang pagsagot niya kung may relasyon talaga sila—oo o hindi lang?

“Iyan yung mga kaya lang, iyan ang buwisit, e,” biro niya.

“Hindi mo na kailangang mag-oo o hindi, basta kung ano yung nakikita.

"In other words, tama si Gorgy [Rula, entertainment columnist and PEP contributor], mga tsismoso lang kayo!”

Kasama ba si Pauleen sa Christmas plans niya?

“Lahat ng plano dapat kasama natin ang mga mahal natin sa buhay. Generic yun, ha,” paglilinaw niya.

Kung sa Eat Bulaga! ay generous siya sa pamimigay ng regalo at papremyo sa mga tao, generous din ba siya sa pagbibigay ng regalo sa kanyang mahal sa buhay?

“Dapat lang.”

Nagbibigay ba siya ng regalo na branded na bags, relo, o mga alahas?

“Ang cheap naman nun! Hindi, hindi ako ganun.

“Alam n’yo yun, hindi ako ganun.

“Kumbaga, puwede pa naman ang romancing, hindi ko pa naman kailangan ng financing.

“Joke yun, ha!

"Nadinig ko lang. Inuulit ko lang, parang ang gandang pakinggan, e—pag may romancing, hindi na kailangan ang financing.

“Ngayon, kung hindi mo na kaya ng romancing, hmmm, teka, yung mga branded mo, dun na papasok yun,” biro ulit niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Posible kayang magkasama ang kanyang mga anak at si Pauleen sa kanyang bahay sa Noche Buena o sa Pasko?

Sabi ni Vic, “Hindi ko pinoproblema yun.

“Depende kasi e kung sino ang nandito, kung sino ang makakapunta sa bahay.

“And si Pauleen has her own family. So, hindi namin pinoproblema yun.”

May balak ba silang magsama sa isang trip abroad o bakasyon ni Pauleen pagkatapos ng Christmas at filmfest?

“Sa ngayon, wala pa. Busy-busy-han pa. Kung magkakaroon ng pagkakataon, siguro.

“I don’t know, I have no immediate plans.”


NOT IN A HURRY TO MARRY AGAIN. Dahil masaya ang lovelife ni Bossing Vic ngayon, natanong tuloy siya kung nakita na ba niya ang babaeng kasama niyang tatanda.

“Nakita mo na ba?” biro niya.

“Ako ba? Alam mo, hindi ako palasagot sa mga theoretical na tanong, e.

“Kung ano yung nandiyan. Sabi ko nga noong isang araw, e, what you see is what you get.

“Hindi ako yung tipong, ‘O, eto yung ganito, eto yung gusto ko, ganyan-ganyan.’

“Hindi ako ganun e.”

Pero may chance ba na ikasal siya ulit?

“Ulit? Kanino? Pagdating sa kasalan, pag darating, darating.

“Kung hindi naman, ayos din ako, e. I mean, I’m okay.

“Hindi pinoproblema yung hindi na ako mag-aasawa ulit.

“Gusto kong mag-asawa ulit pero in God’s time. Huwag nating pangunahan ang Diyos.”

Paano kung hingin ng girl?

“Ha? Hingin ng girl, e, di ibibigay ko. Anong hihingin?”

Yung kasal?

“A, kasal… teka sandali. Akala ko iba yung hinihingi, e. Sorry, sorry,” biro na naman ni Bossing Vic.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN