Paolo Contis on Lian Paz's allegations: “Bakit parang lahat na lang may kasalanan? Ako may kasalanan, mga kaibigan ko may kasalanan. Siya, wala?”

IMAGE Noel Orsal / Arniel C. Serato

Napilitang magsalita si Paolo Contis upang sagutin ang mga paratang ng kanyang asawang si Lian Paz kaugnay ng kanilang paghihiwalay. Sabi ng aktor, “Ayoko na sanang sagutin siya na magsisiraan pa kami sa publiko. Basta problema ko ito, haharapin ko ito. Wala akong ibang sinisisi kundi sarili ko. Ayoko na lang magdamay ng ibang tao.”


Pagkatapos magsalita uli ni Lian Paz sa H.O.T. TV tungkol sa “tunay” na dahilan ng hiwalayan nila ni Paolo Contis, pakiramdam daw ng dating dancer ay para siyang nabunutan ng tinik.

Nasabi na raw kasi niya ang gusto niyang sabihin.

“Matagal ko nang kinimkim ito, e. Nirerespeto ko kasi siya, e, di ba?” sabi ni Lian nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), matapos niyang magpa-interview kay Roderick Paulate sa H.O.T. TV noong Linggo, October 28.

(CLICK HERE to read related story.)

Ayon pa sa dating miyembro ng EB Babes, “Ganun ang marriage, di ba? Dapat natitira pa ang respect kahit na anong mangyari?

“Siya ba nirerespeto ba niya ako?

“Of all the things na nalaman ko nung nandun siya sa Amerika?”



SPLURGING IN AMERICA? Ang tinutukoy ni Lian ay ang mga ginawa diumano ni Paolo sa Amerika nung huling laban ni Manny Pacquiao.

Imbitado ng Pambansang Kamao si Paolo, kasabay pa ng ilang kasamahan sa Manny Many Prizes, isang game show sa GMA-7.

Nakarating daw kay Lian na nag-splurge nang husto si Paolo ng pera roon kasama ang mga barkada nito, at may kasama pang mga babae.

Meron pa raw yung nagre-rent doon si Paolo ng limousine na ginagamit nito kasama ng mga barkada niya.

Ayon kay Paolo, ayaw na sana niyang sagutin pa si Lian.

Iniiwasan raw kasi niyang nagsasagutan sila sa harap ng publiko.

Mas iniisip pa rin daw niyang ina ito ng dalawa niyang anak.

Pero nitong huli'y kinausap daw si Paolo ng manager niyang si Lolit Solis, aka Manay Lolit, at sinabihan itong magsalita na upang maipagtanggol ang sarili.

Lalabas nga ang aktor sa Startalk ngayong Sabado, Nobyembre 3, upang sagutin ang mga ibinibintang ni Lian.

Nauna na ngang nakausap ng PEP si Paolo sa taping ng Aso Ni San Roque, noong Martes, Oktubre 30, at dito ay itinanggi ng aktor ang mga ibinibintang sa kanya ng asawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabi nitong nagtataka siya kung bakit nasabi ni Lian na gumastos siya nang malaki sa Amerika.

Saad ni Paolo, “May problema na kami nun. May problema ako sa pera, paano ako makakagastos nang malaki?

“Sinong mga babae ang mga sinabi niya?

“Kasama ko ang mga kaibigan ko sa Manny Many Prizes—na lahat naman ng ginawa namin doon, sagot ni Kuya Manny yun.

“Totoong sa limo kami, pero hindi ako ang nagbayad nun.”

Lahat daw dun ay provided ni Manny Pacquiao bilang guests nito.


THIRD PARTY. Sa interview ni Lian sa H.O.T. TV ay sinabi nitong may third party involved sa kanilang hiwalayan ni Paolo.

Sabi pa ni Lian sa PEP, “Confirmed ito, at alam ko na may relasyon sila.

“At matagal na ito—one year nga, e. Kilala ko na kung sino siya.”

Hindi lang daw niya mabanggit kung sino ito dahil non-showbiz ang babae.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Paolo.

Meron din siyang sagot sa paratang na ito ni Lian, pero nakiusap ang aktor na huwag nang isulat.

Sabi na lang ni Paolo, “Meron pa siyang sinasabing mayaman daw ang babae—how I wish!

“Binigyan pa raw ako ng Land Cruiser—saan yun?”

Ayon sa aktor, nagrerenta lang nga raw siya ngayon ng kotseng ginagamit sa taping.

Inamin ni Paolo na may pinagdadaanan siya ngayong problema na may kinalaman sa pera.

Unti-unti na raw niya itong inaayos sa tulong ni Manay Lolit at mga malalapit na kaibigan.

Buwelta pa ni Paolo kay Lian: “Nung paldu-paldo ako, nakatikim naman siya, a. Ngayong wala ako, saan siya?”

Ibinahagi naman ni Manay Lolit sa PEP ang isa mga texts na ipinadala sa kanya ni Paolo: “Alam n’yo naman po Nay na madami akong utang. Inaayos ko po 'yan ngayon.”

Sabi ng aktor sa PEP: “Siyempre, damay siya sa kapalpakan ko dati dahil asawa ko siya. Gusto lang niya, sa ginhawa lang siya kasali.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



CHILD SUPPORT. Sabi ni Lian, pati raw sa suporta sa mga bata ay nagkukulang na si Paolo at wala raw itong binibigay.

Muling itinatanggi ito ni Paolo.

Saad ng aktor, “Nakikita ko ang mga bata. Hindi doon sa bahay sa Pasig. Hindi ako pupunta dun.

“Bakit ako pupunta dun? Nandun ang nanay niya, kapatid niya, nandun sila.

“Bakit ako pupunta sa giyera?

“Pinapupunta ko ang mga bata sa Podium. Minsan sa mommy ko. Doon ko nakikita ang mga anak ko.

“Nagbibigay ako ng pera sa yaya para pang-grocery sa mga kailangan ng mga bata.

“Hindi ako nagkukulang,” diin ni Paolo.


PAOLO’S FRIENDS. Pinagbibintangan din ni Lian ang ilang kaibigan ni Paolo. Ang mga ito raw ang nagpapahamak kay Paolo kaya umabot ito sa mabibigat na problema.

Sabi ni Lian, “Bigla siyang nagbago, e.

“Kaya sinasabi ko sa kanya na piliin niya ang mga taong sinasamahan niya, kasi they’re pulling him down.

“Pero matanda naman na siya para maudyukan, di ba?

“Dapat may sarili din tayong utak.”

Sa parte naman ni Paolo, tinatanong nito kung sino itong mga kaibigang tinutukoy ni Lian.

Sabi niya, “Bakit parang lahat na lang may kasalanan?

“Ako may kasalanan, mga kaibigan ko may kasalanan. Siya, wala?”

Dagdag pa ni Paolo, “Iniisip ko na lang, how many years from now, mapapapanood ito ng mga anak namin sa YouTube, sa Internet.

“Hindi maganda na makita nila ito.

“Ayoko na sanang sagutin siya na magsisiraan pa kami sa publiko.

“Basta problema ko ito, haharapin ko ito.

“Wala akong ibang sinisisi kundi sarili ko. Ayoko na lang magdamay ng ibang tao.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN