PEP EXCLUSIVE Katrina Halili on motherhood: “Parang sa lahat nga po ng pinagdaanan ko sa buhay, ito yung ngumiti ako nang sobra. Ito yung sobrang saya lang."

IMAGE Gorgy Rula

Hindi mapagsidlan ang katuwaan ni Katrina Halili sa pagiging isa nang ganap na ina. Saad niya, "Tingin ko, tama rin yung pagkakaroon ko ng baby sa age ko ngayon na 26. Parang gusto ko ngang sabihin sa iba na ang sarap ng may baby. Parang gusto kong i-share sa kanila na ang sarap ng may baby, mag-baby na kayo!”


Nakausap si Katrina Halili ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa telepono kahapon, November 15.

Base sa pakikipag-usap namin sa kanya, masasabing “mommy na mommy” na si Katrina dala ng kaligayahan nito sa pagiging isang ina.

Proud na proud kasi ang Kapuso actress habang nagkukuwento tungkol sa magtu-two months na baby nila ni Kris Lawrence na si Katrence—o si Katie.

Kumusta na siya ngayon?

“Okay naman po. Masaya naman po ang feeling ng mga tao dito sa bahay po. Ang sarap ng feeling na may baby sa bahay,” sagot niya.

SPOILED KID? Biniro namin siya na malamang ay spoiled si Katie sa kanilang lahat.

“Slight!” ang natawang sagot naman ni Katrina.

“Kapag umiyak kasi, si Kris, kinakarga rin niya agad.

“Kasi nga, nakakaawa. Tapos minsan, nagme-make face.

“Sabi ko, ‘Naku, Katrence, kapag malaki ka na, ‘wag kang gaganyan, naku, baka ano ang magawa ko…’ parang maaawa ka.

“Sabi nga namin ni Kris, para kaming mga fans.

“Lalo na kapag karga mo siya, tapos yung kamay niya, parang nakayakap sa ‘yo, tapos mag-i-smile, naku!

“Pero siyempre, tina-try rin naman namin na hindi kargahin agad, kasi nga, baka masanay. Kami rin ang mahihirapan.”

Sa ngayon, parang hati raw sa kanilang dalawa ni Kris ang mga nakuhang features ng anak.

“Medyo hati po, e. Si Kris ang parang kahawig niya noong ipinanganak siya.

“Pero ngayon, marami na ang nagsasabi na mas kahawig ko na raw. Maputi rin siya.”

BREASTFEEDING. Nakakatuwa rin ang kuwento ni Katrina sa kanyang pagpapa-breastfeed sa anak.

Hindi raw talaga siya tumigil hangga’t hindi siya nilalabasan ng maraming gatas.

Kuwento ni Katrina, “Noong una kasi, talagang ang konti lang ng lumalabas na milk sa akin.

“Pero ngayon, ang dami na. Nakakuha 'ko ng 17 ounces kapag nagpa-pump ako, iba pa yung naiinom nang diretso ni Baby.

“Kapag nagpa-pump ako, pinapadede ko pa rin sa kanya yung natitira.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi, dapat daw talagang nauubos yung gatas para lalong dumami.

“Talagang kinarir ko na dumami yung milk, hindi ako tumigil.

“Ang dami ko rin malunggay na kinain, ininom, pati mga medicine, para mas dumami ang milk.

“Kaya ngayon, full breastfeeding na ako kay Katie.”

Ang breastmilk ay sinasabi ng mga dalubhasa na siyang pinakamahusay na ipainom sa bata.

Liban dito, sinasabi ring ang pagkalong at pagyakap sa bata habang siya ay nagbi-breastfeed ay may epekto sa pagbibigay ng pakiramdam sa bata na siya ay minamahal.

HANDS-ON MOM. Hands-on nga raw sila ni Kris sa pag-aalaga sa anak.

“Kasama ko rin kasi sa bahay ang pinsan ko, nurse siya.

“Siya yung nagpapaligo sa umaga kasi maagang maligo si Katie.

“Ako kasi, mas sa gabi ako sa kanya na nagbabantay.

“Lalo na kapag umiyak, kapag kailangang uminom ng gatas, ako ang gising.

“Sa umaga naman, paggising niya, si Kris naman ang nag-aalaga sa kanya.”

Tulad niya, maasikaso rin daw ang partner niyang si Kris sa kanilang mag-ina.

“Hands-on din naman po siya. Nandito naman siya palagi. Inaalagaan niya kaming mag-ina,” sabi ni Katrina.

May nakita ba siyang mga pagbabago sa relasyon nila ni Kris ngayong may anak na sila?

Sagot ng aktres, “Mas naging strong ang relationship namin.

“Nagtutulungan kami palagi, at napansin ko, mas naging responsible ako.

“Siya rin naman, mas naging responsible rin siya.”

Dumaan ba siya sa “post-partum depression” pagkatapos niyang manganak?

“Wala naman po,” sagot niya.

“Tingin ko, kung post-partum na matatawag, yun noong nade-depress ako na walang masyadong lumalabas na gatas sa akin.

“Parang sabi ko nga, ‘Ano ba ‘yan, ang laki ng boobs ko, tapos walang gatas!’

“Parang anong silbi, di ba?

“Pero ngayon, okay na!” natatawa niyang kuwento.

EXERCISING. Kahit dalawang buwan pa lang siyang nakakapanganak, sa pamamagitan ng caesarean operation, nag-e-exercise na raw si Katrina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagti-treadmill siya, stationary bike, at minsan ay nagba-badminton din.

Kapag pumayat na raw siya, sa January ay balik-showbiz na rin siya at mananatili pa rin daw siyang isang Kapuso.

“Kailangan kong magpapayat muna. Kaya ngayon, diet-diet muna ako.

“Natuto na rin akong kumain ng healthy foods. Dati kasi, hindi naman ako kumakain ng gulay. As in, hindi talaga.

“Pero ngayon, kumakain na ako ng mga salad… masarap naman pala siya.

“Kasi, may nabasa ako na kung ano yung kinakain mo, lalo na nagpapa-breastfeed, yun din ang naa-absorb ni Baby.

“So, siyempre, gusto ko na healthy rin siya, di ba?”

STILL A KAPUSO. Hindi pa raw alam ni Katrina kung ano ang una niyang magiging show sa pagbabalik-showbiz.

Pipirma pa lang din siyang muli ng kontrata sa GMA-7.

“Nag-end na po ang contract ko noong February [2012].

“Nire-renew nila ako noong May, pero buntis nga ako.

“So, sabi ko, unfair naman kasi hindi rin naman ako makakapag-work pa.

“Hindi ko ine-expect na aalukin nila ako kaya masaya ako na tinawagan nila ako ulit.

“Kapuso pa rin po,” diin niya.

A DIFFERENT OUTLOOK. Nararamdaman daw ni Katrina na nag-iba na ang outlook niya sa buhay.

“Sobrang nag-iba na po.

“Di ba, dati, kapag tinatanong n’yo ako, sinasabi ko, uuwi na lang ako sa Palawan kapag wala nang work?

“Ngayon, hindi na. Ang gusto ko, magtrabaho. Ayoko na yung sa Palawan na lang ako.

“Mas mahal ko ang trabaho ko ngayon. Gusto kong magtagal—lahat para sa anak ko.”

Kaya na niya kayang iwan ang anak kapag nagbalik-showbiz na siya?

“Yun ang tingnan natin!” natatawa niyang sabi.

“Pero siyempre, kailangan kayanin, di ba? Kailangang mag-work. Para rin naman kay Katie yun.”

Ibang-iba raw ang pakiramdam ng isang ina.

Sabi ni Katrina, “Napaka-fulfilling.

“Parang sa lahat nga po ng pinagdaanan ko sa buhay, ito yung ngumiti ako nang sobra. Ito yung sobrang saya lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At saka, tingin ko, tama rin yung pagkakaroon ko ng baby sa age ko ngayon na 26.

“Parang gusto ko ngang sabihin sa iba na ang sarap ng may baby.

“Parang gusto kong i-share sa kanila na ang sarap ng may baby, mag-baby na kayo!” natatawa niyang sabi.

Tila pagkatapos ng lahat ng unos na nangyari sa kanya, napawi ito dahil sa pagkakaroon ng anak.

Pero sabi ni Katrina, “Opo naman, pero wala akong regret sa lahat ng nangyari sa akin.

“May natutunan ako sa lahat ng nangyaring yun.

“Basta ngayon, masaya ako sa buhay ko, masaya ako kay Katie.

“At saka, tingin ko, ang pagiging mommy ay another challenge, pero lifetime challenge na siya at masarap siyang challenge.”

DEDICATION. Pinaplano nina Katrina aty Kris na sa January 2013 ipa-dedicate ang kanilang anak, pagdating ng mommy ni Kris dito sa Pilipinas.

Ilan sa mga napili nilang magiging ninang at ninong ni Katrence ay sina Marian Rivera, Jay-R, Billy Crawford, Nikki Gil, Mark Bautista, Denise Laurel, Sunshine Dizon at ang asawa nito na si Timothy Tan, at ang mga kapatid daw nila ni Kris.

Ngayong Pasko naman, plano ni Katrina na dalhin si Katie sa Palawan at doon daw sila magse-celebrate ng Christmas na mag-anak.

“Mauuna kaming uuwi ni Katie sa Palawan, first time rin ni Katie na makauwi sa Palawan.

“Susunod na lang si Kris kasi may mga shows pa siya.

“Siyempre, magiging masaya ang Christmas at New Year ngayon, talagang magluluto ako!

“Unang-una, first Christmas ni Katie ngayon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN