Talentadong Pinoy alumnus Makata on "lumalaki ang ulo" issue: “Hindi naman po. Wala naman po akong ginagawa para masabi nila na ganyan ako.”

IMAGE Noel Orsal

Makata on his brand of comedy: “Ang kaibahan ko, para 'kong nag-ad lib on the spot na magkaka-rhyme....”


Lumalaki na ang following ni Ferdinand "Makata" Clemente, na isa sa pitong grand finalists ng Talentadong Pinoy noong 2010, dahil sa pa-tula niyang istilo sa pagpapatawa.

Sa kasalukuyan, in demand siya sa corporate at provincial shows at may sariling segment na rin siya sa Good Morning Club ng TV5.

Kasabay ng pag-angat ng kanyang career ay ang pagdating din ng mga intriga, na kesyo lumalaki na raw ang kanyang ulo.

Kaya nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Movie Stars Café sa Mall of Asia nitong nakaraang buwan, itinanggi kaagad niya sa kaswal na tono, “Hindi naman po. Wala naman po akong ginagawa para masabi nila na ganyan ako.

“Lagi pong sumasagi sa isip ko na dapat ay hindi ako magyabang dahil alam ko naman na ayaw ng mga tao ng mayayabang. Naghahanap-buhay lang naman po ako para sa pamilya ko.

“Hindi ko naman po pinangarap ang sumikat. Ang sa akin lang ay mabuhay ko ang pamilya sa pamamagitan ng talentong ibinigay sa akin ng Diyos.

“Wala naman po akong karapatan na magyabang,” diin pa niya.

Hindi ba siya naapektuhan ng mga balitang ito?

“Hindi pa po ganoon... pero siyempre po, napapa-isip din ako,” sabi niya.

Kasi, parang bakit ganoon? Friendly naman po ako sa lahat. Mabait naman po akong tao.

“Ipasa-Diyos na lang po natin,” pag-amin niya.

UNIQUE BRAND OF COMEDY. Napunta naman ang usapan sa kakaibang brand of comedy niya. Ano nga ba ang kaibahan niya sa mga dekalibreng komedyante gaya nina Jon Santos, Vice Ganda, John ‘Sweet’ Lapuz, at Allan K?

Opinyon niya, “Yung jokes ko po, parang very casual lang. Parang yung nasa kanto. Parang galing ka lang sa probinsiya.

“Yung mga patawa ko po, hindi siya tipong high end. Hindi pa-ingles-ingles.

“'Tsaka yung mga patawa ko, ganoon pa rin, bini-base ko sa karaniwang experience ng isang tao. Karaniwang buhay. Ganoon po. Yun nga lang, binibigyan ko ng kakaibang flavor. Yung parang pa-tula nga ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang pagkakaalam ko po, e, marami naman ang nag-a-appreciate kasi ibinabalik ko daw po yung kulturang Pilipino na parang nawawala na.

“Yun din nga po, ang kaibahan ko, para 'kong nag-ad lib on the spot na magkaka-rhyme.

“Puwedeng maging seryoso kung me dapat i-endorso, puwede namang patawa kung me dapat tayong kilitiin.”

Hindi ba siya natatakot na baka pagsawaan agad ito ng mga manonood?

“Andoon po siyempre yung pag-aalinlangan,” pag-amin niya.

“Kaya nga po ang ginagawa ko ay gumagawa po ako ng paraan na lagi akong me bagong ibibigay sa kanila.

“Like halimbawa nga po yung paggawa ko ng mga salitang bukod sa me rhyme ay me diin.

“Para pong iisipin ng tao na, ‘Oo nga, nakakatawa pero na-a-absorb pa rin.’”

May mga nagsasabing hindi raw original ang jokes niya. Ano ang reaksyon niya dito?

Depensa niya, “Ako, aminado ako na hindi lahat ng jokes ko ay original... Ginaya ko ganito o kinuha ko sa ganitong tao.

“Pero kaya ko naman po ginamit ay para maipakita ko na ang joke ko ay sulit. Kumbaga, ako ito... Alam nila na ako ito pag ako ang nag-deliver.”

Pero paano ba niya mailalarawan ang mga magagaling na stand-up and television comedians.

“Si Jon [Santos], siya yung impersonator King o Queen. Parang siya na ang sumunod kay Willie Nepomuceno,” aniya.

“And ever since, wala siyang ginaya na hindi talaga nagustuhan ng audience. Ibang klase talaga siya.

“Si Vice Ganda naman, siya yung nagbigay ng sigla sa telebisyon. Dinala niya yung comedy mula sa comedy bar to television at sa movies. Tingnan niyo naman, box-office hits pa ang kanyang mga pelikula.

“Si Sweet naman, hanga ako sa kanya kasi kahit lumabas na si Vice Ganda, andoon pa din yung talent niya. Andoon pa rin yung sarili niyang karisma.

“Si Allan K kasi, iba rin yung pinagmulan niya,” saad niya. “Hanga din ako sa kanya kasi nabasa ko yung kuwento niya ng buhay niya. From amateur singing contests na halos lalaki pa nga siya noon, heto siya, matagumpay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Isa siya na simbolo ng tao na from humble beginnings, heto na siya. Hindi siya nagpapaapekto na kung sino man ang sumibol na mga sikat na komedyante kasi alam niya na may na-establish na siyang pangalan,” pagtatapos ni Makata.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN