Saludo ang netizens sa inspiring na kuwento ni Jomar Magpili, isang amang nakapagtapos ng high school sa edad na 49 anyos.
Sa Facebook post ng Pilipino Star Ngayon, ikinuwento ng anak ni Jomar na si Marjorie Magpili na hindi nakapagtapos noon ng secondary education ang ama dahil sa hirap ng buhay.
Huminto ito ng pag-aaral para makapagpatuloy naman ang iba niyang mga kapatid.
Nang magkapamilya si Jomar, kumayod naman siya para makapag-aral ang kanyang mga anak.
Kaya kahit na 49 anyos na si Jomar, nagdesisyon pa rin siyang ituloy ang pag-aaral at makapagtapos ng high school.
Read also:
- 30 inmates, nagtapos ng elementary at junior high school sa Baguio City Jail
- Heto ang resibo! Jechel Fillone, kakaiba ang bitbit na flower bouquet sa graduation
- VIRAL: Gulay bouquet ng cum laude graduate mula sa nanay niyang magbubukid
FINISHING HIGH SCHOOL
Nagtrabaho si Mang Jomar bilang utility staff sa isang eskuwelahan for 18 years. Dito rin niya naisipang ipagpatuloy ang kanyang high school.
"Utility siya dun sa school na pinagtatrabahuhan niya at gumawa pa din ng time para masingit at makatapos ng pag-aaral,” pagbabahagi ni Marjorie.
Nang magtapos si Mang Jomar ng high school, hindi nakadalo si Marjorie sa kanyang graduation.
Nasa trabaho kasi siya noon, kaya idinaan na lang ni Marjorie sa isang Facebook post ang mensahe para sa ama.
“Maraming salamat Papa kasi kahit mahirap ang buhay hindi naging hadlang ‘yun para hindi kami makapagtapos ng pag-aaral kaming magkakapatid.
"Salamat din sa suporta. Nakakaproud.
“Ikaw po ang best papa in the world.” saad ni Marjorie Magpili sa kanyang Facebook post.
AN INSPIRATION TO OTHERS
Kung hindi man nakapagtapos si Mang Jomar ng high school noon dahil sa kahirapan, ngayon ay masasabi na niyang high school graduate na siya.
Patunay siya na hindi hadlang ang edad para ipagpatuloy ang edukasyon.
Nawa'y ang kanyang kuwento ay maging inspirasyon sa iba na seryosohin ang buhay-estudyante.
Dahil sa bandang huli, tayo pa rin ang makikinabang sa ating pinaghirapan at pinag-aralan.