Hinangaan ng maraming netizens ang pagmamahal na ipinamalas sa kanilang mga alagang hayop ng mga residenteng labis na naapektuhan ng Super Typhoon Rolly kahapon, November 1.
Ang Super Typhoon Rolly ang sinasabing pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong 2020.
Ang Pilipinas ang hinagupit nang husto ni Rolly, kung saan una itong nag-landfall sa lalawigan ng Catanduanes.
Bago pa man ito mag-landfall sa Catanduanes, itinaas na ng PAG-ASA sa Signal No. 5 ang lakas nito.
Sa post ng news personality mula sa DWZR Legaspi na si Vince Villar, sinabi nitong masuwerte ang mga alagang hayop ng mga taong hindi nag-abandona sa kanila sa kabila ng paglikas ng mga amo nila sa evacuation centers.
Nakalagay sa kanyang post: “Maswerteng mga ayam sa saindang maboboot na amo. #RollyPH [Maswerteng mga aso sa kanilang mababait na amo. #RollyPH]”
Kalakip ng kanyang post ang pitong larawan na nagpapakita ng katiyagaan ng mga Pinoy sa pag-akay sa kanilang mga alagang aso.
“ISANG TUTA AT ISANG MANOK NA LANG NASALBA”
Sa isa pang post ni Villar, ipinagtanggol niya ang isang matandang lalaki na pinagtawanan daw sa kanyang unang post.
Dala ng lalaki ang isang tuta at isang manok na binalikan daw nito sa bahay matapos madala ang kanyang pamilya sa evacuation center.

Nakalagay sa caption niya, “Guys, binura ko yung photo na to sa original post ko..
“Naawa kasi ako, kasi pinagtawanan lang. Kasalanan ko dahil di ko agad nalagyan ng caption.
“Yung nasa kanang kamay niya, tuta po ang hawak niya..
“Nasa evacuation center family niya..
“Pakatapos bagyo, binalikan niya bahay niya.. Subalit nalubog na din sa lahar..
“Isang tuta at isang manok na lang nasalba niya.. Medyo tulala nga si Tatay nung nadatnan ko..
“Grabe kasi pinsala ng lahar sa lugar nila.
“Pero, ayos na rin daw kasi ang importante ligtas naman family niya..
“Sa lugar nila 2 ang namatay, at 3 pa ang nawawala na pinaniniwalaang nabaon din sa lahar.. #Rolly”
“HATS OFF SA INYO”
Payo naman ng Gawad Filipino awardee na si Baby Aquino, kung hindi talaga maiwasang maiwan ang mga alagang hayop sa bahay kapag may kalamidad, huwag na lang itali ang mga ito para makadiskarte at makatakbo upang iligtas ang kanilang mga sarili.
SUPER TYPHOON ROLLY DAMAGE, DEATH TOLL
Umalis din kaagad si Super Typhoon Rolly sa bansa kinagabihan, pero nag-iwan ito ng malaking pinsala lalo na sa Catanduanes at Albay.
Ayon sa ulat ng CNN Philippines, halos nasa 10,000 bahay ang nasira sa Catanduanes pa lamang.
May naitala ring limang kataong namatay sa pagkalunod.
Nag-iwan naman ng 16 patay sa Bicol region ang bagyo, ayon sa Office of Civil Defense.
Bukod sa mga kabahayan at pinsala sa buhay, tinatayang nasa P700 million hanggang P1 bilyon ang halaga ng pinsalang dulot ni Rolly sa mga kalsada, tulay, at mga paaralan.
Tinataya namang mahigit sa P600 million ang napinsala sa agricultural products.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika