“Malaking pagbabago.”
Ganito inilarawan ng ballpoint-pen artist na si James Abayon Lolo ang naging epekto sa kanyang buhay ng pagba-viral noong nakaraang buwan ng kanyang mga obra.
Ang detalyado at buhay na buhay na sketches kasi ni James, iginuhit niya sa mga resibo gamit ang ballpen.
Ilang araw na bumandera sa social media ang litrato ng mga artworks ng 21-year-old Dabawenyo student.
Na-feature rin siya sa maraming TV program at news sites.
Nagbigay-daan ito upang madiskubre ng maraming tao, maging ng mga nasa ibang bansa, ang husay ni James bilang visual artist, kundi maging ang kuwento ng kanyang buhay at ng kanyang simpleng pangarap.
Paano nabago ng pagba-viral ng artworks ni James ang kanyang buhay?
“Malaki po, malaking pagbabago. Nakakilala po ako ng mga prominent persons. Nakakilala ako ng new friends,” sinabi ni James nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Facebook Messenger.
“Sobra ring nakatulong ito dahil mas dumami po iyong clients ko at nakatulong ako sa aking pamilya.”
WORKING STUDENT JAMES: THE BREADWINNER
Simple ang pamumuhay ng pamilya ni James, na taga-Barangay Anibongan sa Maco, Davao de Oro.
Sa katunayan, dahil sa pandemya noong nakaraang taon ay nawalan ng trabaho ang kanyang ama.
Sa pagtanggap ng commissioned works at pagbebenta ng kanyang mga obra, si James ang tumatayo ngayong breadwinner ng kanyang pamilya.

Sinusuportahan niya ang pangangailangan ng kanyang ama, ina, at nakababatang kapatid na babae.
Pinagsasabay ni James ang pagpipinta at ang pagkumpleto sa kanyang modules at online classes.
“Mina-manage ko po oras ko by setting schedules on doing my commissions and modules/classes.
“Minsan ginagawa ko modules ko sa umaga at commissions sa gabi po,” sabi ni James sa PEP.ph.
Technical-Vocational Teacher Education ang tinatapos ni James sa University of Southeastern Philippines, na nasa Tagum City, Davao del Norte.
Fine Arts daw sana ang gustong ipursige ni James, pero dahil sa kakapusang pinansiyal, kinailangan niyang magpalit ng kurso.
Plano ni James na magtrabaho pag natapos niya ang kanyang kursong Technical-Vocational Teacher Education ‘tsaka siya mag-aaral ng Fine Arts.
“Gusto ko maging successful artist someday,” ani James.
BALLPOINT ARTWORKS ON RECEIPTS
Kung pagbabatayan ang dami ng likes, shares, at features na natanggap ng mga obra ni James sa resibo, malinaw na marami nang kumbinsido sa kanyang potensiyal bilang isang “successful artist.”
“Naisipan ko pong mag-sketch sa resibo kasi para sa akin unique po siya. Parang konti lang po ang nakakagawa ng ganun,” paliwanag ni James kung paanong resibo ang naisipan niyang gamitin para sa kanyang sketches.
“Hindi lang po siya unique, nakakatulong din po sa kalikasan. Imbes na itapon iyong resibo, nagagamit ko pa para makalikha ng obra.”
Kuwento ni James, nasa high school siya nang makahiligan niya ang pagguhit. Sa simula pa lang daw ay ballpoint pen talaga ang gamit niya sa kanyang sketches.
“Nag-start po akong mag-drawing sa resibo last year po,” kuwento ni James. “Ang una ko pong nagawa ay ang basketball superstar na si LeBron James.”
Si LeBron James, na 36-year-old American professional basketball player, ay forward ng Los Angeles Lakers sa National Basketball Association (NBA).
Itinuturing si LeBron bilang isa sa pinakamahuhusay na NBA player sa kasaysayan.
THE LAST SUPPER
Sa mga obra sa resibo na in-upload ni James, naging agaw-pansin sa lahat ang sketch niya ng The Last Supper gamit ang multi-colored pens.
Ang The Last Supper ay ang 15th century mural painting ng Italian artist na si Leonardo da Vinci (1452-1519). Tampok sa obra si Jesus Christ kasama ang kanyang mga disipulo.
“Two and half days ko po iyon ginawa,” pagdedetalye ni James sa PEP.ph tungkol sa kanyang viral na obra.
“Siguro po seven pens ginamit ko dun. Cross hatching technique at layering technique ang ginamit ko po dun.”
Ayon kay James, bukod sa fan siya ni Da Vinci at paborito niyang mag-recreate ng obra nito, “challenging” daw para sa kanya ang pagguhit ng The Last Supper sa napakalimitadong espasyo ng resibo.
“Napili ko ang Last Supper kasi challenging para sa akin,” ani James. “Gusto ko i-challenge iyong self ko para masanay ako sa mas detailed na sketch.”
Para kay James, higit sa maliit na espasyo ng resibo, mahalaga rin daw ang tiyaga sa pag-i-sketch gamit ang ballpen.
Paliwanag niya: “Mahirap po sa ballpoint iyong pag-shade po talaga, kasi kailangan po ng napakaraming pasensiya.
“Hindi po dapat diinan ang pag-shade at dapat maingat ka sa paggamit ng ballpen kasi nag-i-inkblot minsan.”
May nakabili na ba ng viral niyang The Last Supper sketch sa resibo?
“Marami na pong nag-inquire, pero naghihintay pa po ako ng right time na bebentahan nun,” sabi ni James.
JAMES’S FIRST VIRAL SKETCH: VAN GOGH
Hindi ito ang unang beses na nag-viral sa social media ang artwork ni James.
Noong February 2020, humakot ng libu-libong likes at shares ang iginuhit niyang portraits ng sikat na Dutch post-impressionist painter na si Vincent Van Gogh (1853-1890).
Ballpoint pen din ang gamit ni James nang pagsama-samahin niya sa frame ang apat na portraits ni Van Gogh.
Iginuhit iyon ni James sa isang sketchpad, sa loob ng 45 minuto, habang nasa classroom at hinihintay ang pagsisimula ng susunod niyang klase.
Kinilala ng Van Gogh Museum sa Amsterdam ang artwork na iyon ni James nang i-post iyon sa verified official Facebook page ng museo noong April 16, 2020.
THE BALLPOINT PEN ARTWORKS
Sa pagpapatuloy ng kuwento ni James sa PEP.ph, kinumpirma niyang dinagsa siya ng commissioned works pagkatapos mag-viral ng mga artwork niya sa resibo noong nakaraang buwan.
Portraits daw ang karamihan ng ipinapagawa sa kanya ng kanyang mga kliyente.
Depende raw sa ipinapagawa ang tagal ng pagkumpleto ni James sa isang artwork.
“Minsan po kapag marami iyong heads po, inaabot ng 1 to 2 weeks kapag ballpen,” ani James.
“Pero pag graphite or charcoal po, one week lang po.”
Nangangahulugan itong mas kumplikado at metikuloso talaga ang pagguhit gamit ang ballpen.
Magkano naman ang sinisingil ni James sa ballpen artwork?
“Iyong ballpen rates ko po is PHP2,500 to PHP3,500 per face po.”
Dagdag pa ni James, may mga netizens na may mabubuting pusong ang nagpapadala ngayon sa kanya ng art materials matapos na mapabilib ang mga ito sa kanyang mga obra sa resibo.
Sabi ni James: “Usually po pens at painting supplies po iyong inaabot nila sa akin.”
GRATEFUL FOR ALL THE BLESSINGS
Ipinagpapasalamat naman ni James ang lahat ng biyayang dumarating sa kanya ngayon.
Lalo raw siyang nai-inspire, hindi lang para gumawa ng mas marami pang magagandang artwork, kundi upang tuluy-tuloy niyang matulungan ang kanyang pamilya, nagsisilbing motivation niya sa lahat ng kanyang pagsisikap.
“Ang family ko po, I’m striving and doing my best to make them proud at maiahon ko sila sa kahirapan,” sabi ni James.
May mensahe rin siya sa mga kabataang nadi-distract ng pandemic sa pag-abot sa kanilang mga pangarap sa buhay.
Sabi ni James: “Huwag lang sila mawalan ng pag-asa. Laging manalig sa Maykapal, humingi ng guidance sa Kanya, at ipagpatuloy ang passion.
“Gawin ang mga bagay na mahal mo at mahalin mo ang iyong ginagawa.”
Sa mga tulad naman niyang nangangarap maging matagumpay na artist, payo ni James: “Huwag gawing hindrance ang kakulangan sa gamit pang-drawing. Lahat ng bagay na makikita sa paligid ay pupuwedeng gawing obra maestra.”
Use these Lazada vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.