“Nakakataba ng puso” para sa isang doctor to the barrio ang pagsisikap ng gipit niyang pasyente na maibalik ang perang kanyang iniabono.
Ginamot ng 28-year-old na si Dr. Alfie Calingacion ang pasyente anim na buwan na ang nakalipas sa Loon, Bohol.
Buong pagmamalaking ipinost ng doktor sa Twitter noong March 4, 2021, ang mga litrato ng isang puting improvised envelope na na may “To: Doc Alfie.”
Sa isa pang litrato, masisilip sa loob ng envelope ang ilang piraso ng PHP100 at PHP50 bills na magkakasaping nakatupi sa apat.
Ayon sa caption ni Doc Alfie: “I had a patient who had no money for the medications I prescribed. So I gave him money.
“This happened last year, I even forgot his name and face already.
“Then he came back today saying, ‘Doc bayad ko sa akong utang nimo.’
“Grabe! Di ko naman sinabi na need nya ako bayaran. [loudly crying face emoji]”
THE YOUNG DOCTOR TO THE BARRIO
Tubong Negros Oriental si Doc Alfie, pero sa Cebu siya nag-aral ng medisina.
Nang maging ganap na doktor, pinili niyang maging volunteer ng Doctors To The Barrios (DTTB) program ng Department of Health (DOH) noong January 2020.
Layunin ng DTTB na tiyaking may de-kalidad na health care service ang mga liblib at mahihirap na lugar sa bansa sa pamamagitan ng pagde-deploy doon ng mahuhusay na community-oriented physicians.

Sa Loon, Bohol naka-deploy si Doc Alfie sa nakalipas na mahigit isang taon.
Sa rural health center ng Loon nanggagamot si Doc Alfie, kung saan kumonsulta sa kanya ang lalaking pasyente noong August 2020.
THE PATIENT
Sa kuwento ni Doc Alfie sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinabi niyang iniinda raw noon ng pasyente ang impeksiyon sa magkabilang binti nito.
Sa sitwasyon raw ng pasyente, kailangang mainom nito kaagad ang mga gamot na inireseta niya.
Nagkataon namang wala ang prescribed niyang gamot sa supplies ng health center.
“Usually naman po, our health center gives free medications, as long as available iyong intended/appropriate medications for him or her,” paliwanag ni Doc Alfie sa PEP.ph sa palitan ng private messages sa Facebook.
“In cases lang po na wala, most often we channel them to DSWD [Department of Social Welfare and Development].
“But minsan din, kung alam ko na talagang walang-walang kahit pamasahe, yun, binibigyan ko,” anang doktor.
Katuwiran ni Doc Alfie, bahagi ng tungkulin ng mga doktor na tulad niya ang siguruhing malulunasan ang sakit ng kanilang pasyente.
“That’s what we ought to do. Walang purpose if we just prescribe medications then our patients cannot comply due to financial difficulties,” sabi ni Doc Alfie.
“NAKAKATABA NG PUSO”
Kaya naman ganoon na lang daw ang gulat ni Doc Alfie nang bumalik sa kanya ang pasyente nitong March 4.
Kuwento ng doktor, maayos na ang lagay ng pasyente, na inakala niyang pumunta sa health center para magpakonsulta muli.
“I was shocked. Akala ko pumunta siya to have another medical consultation. But, ayun, he gave back the money.
“Nag-insist pa ako na hindi tanggapin iyong pera since alam ko na need niya yon. But sabi niya, hindi sa kanya iyong pera kaya kailangan niya itong bayaran.”
Sinabi ni Doc Alfie na naantig ang kanyang damdamin sa posibilidad na pinag-ipunan pa ng pasyente ang pambayad sa kanya.
Na sa kabila ng gipit na kalagayan, sinikap nitong maibalik ang iniabono ng doktor para masigurong makakainom ito ng gamot at gagaling sa sakit.
“Nakakataba po ng puso!” pagbibigay-diin ni Doc Alfie. “Kasi when I gave him the money last year pa, hindi ko naman sinabi sa kanya na need niyang bayaran. All I wanted was for him to be cured.”
“THANK YOU” FROM BARRIO PATIENTS
Bilang manggagamot sa malalayo at maliliit na komunidad sa lalawigan, aminado si Doc Alfie sa mga pangunahing challenges na kinakaharap ng mga tulad niya.
Ito raw ay ang “1) limited health budget allocation of the government, 2) inaccessibility of certain areas, and 3) inadequate human resource for health (doctor, nurses, midwives, etc.) to population ratio.”
Ayon sa website ng DOH (doh.gov.ph), ang mga doctor to the barrio ay idine-deploy sa mga government hospitals at rural health centers sa mga third hanggang sixth class municipalities o iyong pinakamahihirap na bayan sa Pilipinas.
Kabilang sa mga kuwalipikasyon ng isang DTTB volunteer ay ang pagiging interesado sa community health at ang kahandaan “to work in depressed and hard to reach areas for two years.”
Sa kabila ng challenges na araw-araw kinakaharap ng isang kagaya niya, pipiliin pa rin ni Doc Alfie ang maging isang doctor to the barrio.
Wala raw kasing katulad ang “personal fulfillment of helping those marginalized and less privileged people.”
Paliwanag ni Doc Alfie, iba raw ang dating sa pakiramdam ng pasasalamat ng isang pasyenteng hindi magawang gastusan ang sariling kalusugan.
"As doctors, we often hear the words ‘thank you’ from our patients, but it’s a different kind of satisfaction when we hear those words coming from people who cannot afford even the basic healthcare services.
“It hits differently, especially if I hear them say that it is the first time in their lives to see a doctor,” dagdag pa ng batang-batang doctor to the barrio.