“You cannot touch them, hug them… you can't even be physically near them in their last moments… you just have to settle with a video call to say goodbye.”
Ganito ilarawan ng isang frontline doctor ang personal niyang nararamdaman tuwing masasaksihan ang mga huling sandali sa buhay ng isang COVID-19 patient.
Lalo na ang emosyunal na pamamaalam—virtually—ng pasyente sa mga mahal sa buhay, na walang magawa kundi mag-iyakan habang pinagmamasdan sa maliit na camera ang pinakamamahal na unti-unting binabawian ng lakas… ng buhay.
“We're not supposed to feel too much but we're all only human,” sabi ni Dr. CB Javier, 27, internal medicine resident doctor ng Makati Medical Center.
“Seeing the weeping and the pain of the families via video call, when their mother or sister is dying, personally just hits me through and through.”
Para kay Doc CB, “fulfilling and sad” ang maging isang tulad niyang healthcare professional sa panahon ng pandemya.
Paliwanag niya, "You can do what you trained your whole life for, but at the same time you have to deal with the sorrow and despair of every family of the patient that you just lost.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Doc CB sa pamamagitan ng Facebook Messenger ilang oras pagkatapos ng kanyang duty sa intensive care unit (ICU) para sa mga COVID-19 patients.
“MENTAL EXHAUSTION” IS REAL
Aminado si Doc CB na tulad ng maraming ospital sa Metro Manila, dagsa rin ang mga dinapuan ng coronavirus sa ospital na kanyang pinagtatrabahuhan.
Sabi niya, “Our ratios are not ideal, but it's the same problem across all hospitals.
“We work with what we have and make sure that we provide the best care possible.”
Tanong ng PEP.ph, kumusta na nga ba sa ngayon ang medical frontliners na tulad ni Doc CB?
“We are getting by. Often, we don't have the luxury of time to cope per se. If we have free time, mostly we choose to rest and sleep.”
Higit daw sa pisikal na pagod, mas iniinda ng healthcare frontliners na tulad ni Doc CB ang “mental exhaustion” ngayong biglang dami ang nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa.
“We are used to the long hours, about 30 hour straight shifts. But what really bears us down is the mental exhaustion.
“It's been pretty hard on us, this current surge, because there's that certain fatigue, mentally and physically, that sets in.”
Dr.
PANDEMIC HEROES
Sa kabila nito, nananatili raw na matatag si Doc CB dahil sa “good support system” ng kanyang pamilya.
“Albeit I don't see my partner and my daughter often but given that we're all healthy, we are more than okay,” katwiran ni Doc CB.
Bukod sa kanyang pamilya, kumukuha rin daw ng lakas ng loob si Doc CB sa mga kapwa niya frontliners sa ospital.
Kinakapitan daw nila ang isa’t isa sa nakalipas na mahigit isang taon ng pananalasa ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Pagmamalaki ni Doc CB sa kanyang mga katrabaho: “We uplift each other, we make working together as easy and as smooth as possible.
“Despite the heavy workload, we try to laugh it all out and we all try to learn from each other as well.
“I got nothing but praises to give our nurses, pharmacists, guards, clerks and helpers who do a hell of a job for the patients.”
“SOBRANG DAMI NG PASYENTE”
Totoong hindi biro ang naging pagganap sa tungkulin, ang mga pagtitiis, at mga pagsasakripisyo ng medical frontliners sa nakalipas na mahigit isang taon.
Bilang first line of defense laban sa COVID-19, trabaho nilang bigyang-lunas ang lahat ng nagpositibo sa virus, maging ang mga non-COVID patients.
Kasabay nito, responsibilidad din nilang protektahan ang sarili at ang kanilang mga mahal sa buhay laban sa virus.
Ito naman ang binigyang-diin ng frontline nurse na si Richard Anthony Fernandez nang magbalik-tanaw siya sa mga unang buwan ng pandemic noong 2020.
“Sobrang dami ng pasyente, sobrang dami din ng problema ng mga staff. Sa sobrang dami ng pasyente, yung dating eight hours na duty, naging 12 hours,” aniya.
Si Richard, 42, ay nurse manager sa Southeast Asian Medical Center sa Bacoor City, Cavite, at pitong taon nang healthcare worker.
Siya ay isang COVID-19 survivor.
A COVID-19 SURVIVOR
September 2020, nagkaroon ng exposure si Richard sa isang suspected COVID-19 patient na pumanaw.
Makalipas ang ilang araw, nakumpirma niyang nahawahan siya ng pasyente.
Sabi ni Richard, “I tested positive. Parang gumuho yung mundo ko; una kong inisip kumusta pamilya ko, may na-expose ba akong virus sa kanila?
“Yung mga kasama ko sa accommodations, kumusta sila? Pati yung ibang staff sa ibang areas… baka nahawa ko sila.”
Nilagnat daw at nawalan ng pang-amoy at panlasa si Richard at kalaunan ay lumala ang kanyang mga sintomas.
“Nung una, okey pa ako. Kasi alam kong maraming gustong tumulong sa akin para gumaling; maraming nagpapadala ng food, medicine, and even prayers.
“Pero dumating yung point na parang nagwo-worsen yung symptoms ko... nahihirapan akong huminga, nag-diarrhea ako.”
Dala ng pangambang mag-alala ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang misis, nagpasya raw si Richard na ilihim sa mga ito ang kanyang sitwasyon.
Sa buong panahon na inakala ng kanyang pamilya na pinili niyang manatili sa ospital para hindi maiuwi ang virus sa bahay, mahigit 10 araw na naka-confine at naka-isolate si Richard sa pinagtatrabahuhang pagamutan.
“ANG PINAKAMATINDI, YUNG MAGPAGALING NANG MAG-ISA”
“Wala na akong nagawa kundi magdasal at umiyak,” kuwento ni Richard sa PEP.ph. at sinabing pinagsisisihan niya ang ginawang paglilihim sa kanyang pamilya.
Dagdag niya: “Ang pinakamatinding pinagdaanan ko, e yung magpagaling nang mag-isa. Walang kasama, walang nag-aalalay sa ‘yo, lalo nung time na nahihirapan akong huminga.”
Gayunman, nagsilbing eye opener daw ang pagkakasakit ni Richard para mapatotohanan niyang delikado talaga ang COVID-19.
Paliwanag ni Richard, “Naging mas cautious ako para maiwasan ko na magkaroon ulit ng virus at maipasa ito sa iba.
“Natutuhan ko rin to value life… and help others sa paraang kaya mo.”
HEALTH WORKERS TO PUBLIC: “DO YOUR PART”
At ngayon nga na patuloy sa paglobo ang bilang ng nagkakahawahan ng COVID-19 at punuan na ang mga ospital, nakikisimpatiya si Richard sa mga kapwa niya healthcare frontliner tulad ni Doc CB.
Mensahe ni Richard sa mga tulad niyang pandemic hero: “Kapit lang, laban lang.
“Laging mag-iingat at huwag kalilimutang magdasal. Maigugupo din natin ang pandemyang ito.”
Sa kabilang banda, sinabi ni Richard na hindi magtatagumpay ang medical frontliners laban sa COVID-19 kung hindi makikipagtulungan ang publiko sa kanila.
Pansin daw kasi niya na napakarami pa ring Pinoy ang hindi nakikiisa sa mga pagsisikap ng gobyerno at ng healthcare sector laban sa banta ng coronavirus.
“After one year, mas lalo kaming nahihirapan kasi mas marami pa rin ang hindi sineseryoso ang COVID.
Dahil dito, may pakiusap si Richard sa publiko: “Maawa kayo, hindi lang para sa amin, kundi para sa pamilya ninyo.
“Iisa lang ang buhay. Gawin at sundin ang tama. Pasasaan ba at babalik din tayo sa normal nating mga buhay," ani Richard.
Si Doc CB, pag-asa naman ang hangad para sa lahat ng Pilipino—na hinikayat niyang magpabakuna kontra COVID-19.
Sabi ni Doc CB: “Be hopeful. We will all end this pandemic together.
“But for us to do that, we should all do our part: get vaccinated, socially distance, wash your hands and wear a mask.
“Who knows, by doing this you might have already saved a life or two,” sabi pa ni Doc CB.
Sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes, April 9, umabot na sa 178,351 ang kasalukuyang ginagamot sa COVID-19 sa bansa.
Pumalo na sa 840,554 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, at 14,520 sa bilang na ito ang binawian ng buhay, ayon sa DOH.