Tagum Cooperative: Samahang nagsimula sa P80, naging P9 billion!

by Mark Angelo Ching
Jul 5, 2021
Ang main office ng Tagum Cooperative ay matatagpuan sa Tagum, Davao del Norte.
PHOTO/S: https://www.facebook.com/OfficialPageTagumCoop

Naaalala niyo pa ba ang Alamat ng Langgam at Tipaklong?

Sa kuwentong ito, palaging tinutukso ng tipaklong ang langgam dahil sa walang kapaguran nitong pag-iipon ng pagkain sa kanyang lungga. Matapos ang ilang araw ay nagkaroon ng sakuna. Nasira ang lahat ng pinagkukunan ng pagkain. Tanging si langgam lamang ang hindi nagutom dahil sa kanyang pag-iimbak.

Isa ang kuwentong ito sa mga pinabasa ng ating mga magulang noong bata pa tayo para ituro ang kahalagahan ng pag-iipon at pagiging masinop.

Sa katunayan ay marami nang mga taong napuri sa telebisyon dahil sa pag-iimpok nila sa alkansiya o sa matagumpay na pagsunod sa mga Ipon Challenge.

Karamihan sa atin ay inilalagay na ng pera sa mga bangko para tumubo ito ng interes.

Ngunit alam niyo bang may isa pang alternatibo para mapalago ang ating pera? Ito ay ang pagsali sa kooperatiba!

WHAT IS A COOPERATIVE?

Ano ang kooperatiba at ano ang kaibahan nito sa bangko?

Continue reading below ↓

Una: Ang nagmamay-ari rito. Ang bangko ay pagmamay-ari ng pribadong indibidwal o grupo. Ang mga naghuhulog ng pera rito ay itinuturing na mga customer lamang.

Samantala, ang kooperatiba ay binubuo ng lahat ng taong naghuhulog dito. Lahat ng miyembro ng kooperatiba ay may stake, o porsiyento ng pag-aari, sa kooperatiba.

Pangalawa: Mas malaki ang interes na nakukuha ng mga nag-iimpok sa kooperatiba kaysa sa bangko. Mas maliit din ang interes sa mga utang sa kooperatiba.

Tingnan ang Tagum Cooperative, ang maituturing na pinakamatagumpay na kooperatiba sa Pilipinas.

Karamihan sa mga miyembro nito ay mga guro na gustong umiwas sa mga naglilipanang loan sharks o mga abusado kung magpautang.

Nag-ambag sila ng tig-80 pesos para masimulan ang kooperatiba, na sa ngayon ay mayroon nang 23 sangay, at ang main branch ng cooperative ay matatagpuan sa siyudad ng Tagum sa Davao del Norte.

Ayon sa website ng Tagum Cooperative, ang total assets nito ay nasa nine billion pesos na.

Continue reading below ↓

Tagum Cooperative gounding members

Malayu-layo na ito sa pinagmulan nila noong 1967, kung kailan binuo ito ng 38 na kataong nagsisimba sa Tagum. Ang unang tawag sa samahan nila ay Holy Name Society.

Continue reading below ↓

Sa ngayon, sa pamumuno ni Chairperson Noel Quidilla, nasa humigit-kumulang na 188,000 na ang mga kasapi nito.

MAKING MONEY GROW VIA GOOD CITIZENSHIP

Paano napalago ang Tagum Cooperative mula sa tig-80 pesos na puhunan?

Simple lamang. Pinanatili ng mga miyembro ang pagiging mabuting mamamayan ng Tagum City.

Sabi ni Fe Adlawan, dating chairperson ng Tagum Cooperative, ”In everything we do, we put God first.”

Continue reading below ↓

Nakapanayam si Adlawan ng ANC noong April 2018 para sa programang Galing Pook.

Fe Adlawan Tagum Cooperative

Sa pagpapatuloy ni Adlawan, “Lahat ng ginagawa natin dito are covered by policies. We have to maintain our credibility and integrity.”

Kasama rin ang Tagum Cooperative sa City Development Council, kaya’t kaakibat sila ng pamahalaan sa pag-unlad.

Continue reading below ↓

Saad ni Adlawan, “Ang mga advocacy nila, ina-adopt namin, habang yung advocacy namin, ina-adopt din nila.”

Nakikita ng Tagum Cooperative na maaaring maging productive ang mga mahihirap at differently abled sa Tagum upang hindi sila maghintay ng limos.

Dahil dito ay marami silang programang naglalayong maiangat ang buhay ng kanilang mga miyembro.

Halimbawa, ang business loan ay hindi utang lamang. Kaakibat nito ang mga training para siguradong lalago ang mga itatayong negosyo.

Isa ang businesswoman na si Alma Libranza sa mga natulungan ng Tagum Cooperative. Nakakuha siya ng 10,000 peso-loan noong 2006 para simulan ang negosyo ng pagbebenta ng tocino.

Saad ni Libranza, “Tumutulong talaga sa nangangailangan. Maliit lang ang interes, at tinutulungan nila kung paano mo mababayaran ang utang mo.”

Direkta ring tinutulungan ng Tagum Cooperative ang mga nangutang sa pamamagitan ng pagtangkilik sa kanilang produkto.

Ayon kay Marivic Tagulob, na nagbebenta ng mga tinatahi niyang bag, nakatulong ang kooperatiba noong nagsisimula pa lamang ang kanyang negosyo sa pamamagitan ng pag-order sa kanya.

Continue reading below ↓

Pag-alala nito, “Nagtawag ang Tagum Coop na magdala ng sample. Yun po ang simula, nag-order po sila sa akin, worth P2,000 lang po yun. Sa ngayon, iba-ibang department na ang um-order sa akin.”

HELPING NEEDY schoolchildren HELP THEMSELVES

Mayroon ding mga program ang Tagum Cooperative na nagbibigay kapangyarihan sa mga nangangailangan, kahit na wala silang kakayahang mangutang.

Noong 2015 ay dumalo si Julius Rosalinda sa isang seminar tungkol sa pag-iimpok.

Hindi pa siya miyembro noon, ngunit binigyan pa rin siya ng 5,000 pesos bilang pangunang kapital. Ginamit niya ito para gumawa ng mga wheelchair na makakatulong sa mga katulad niyang nangangailangan nito.

Sa pagtitiyaga, napalaki niya ang kanyang negosyo at nakilala siya sa kanyang larangan.

Sa katunayan ay naging silver medalist pa siya sa 2016 Abilympics na ginanap sa France. Ang Abilympics ay isang patimpalak kung saan ipinapakita ng mga Persons With Disabiilites (PWD) ang kanilang talento.

Hindi lang sa pagnenegosyo tumutulong ang Tagum Cooperative. Mayroon din silang mga programang direktang tumutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng ilang komunidad.

Continue reading below ↓

Halimbawa, may tinutulungan itong isang elementary school na nagseserbisyo sa mga batang IP—o mga katutubo—sa Kapalong, Davao del Norte. Karamihan sa mga kabataan dito ay malnourished, kaya’t may Feeding Center dito ang Tagum Cooperative.

Tagum Cooperative

Mayroon ding scholarship programs ang Tagum Cooperative para tulungan ang mga mahihirap na kabataan na nais magtapos sa kolehiyo.

Continue reading below ↓

Tagum Cooperative

Tinuturuan din ng kooperatiba ang mga kabataan na maging masinop. Mayroon silang programa sa mismong mga paaralan kung saan ini-engganyo ang mga batang maghulog ng at least five pesos kada linggo sa sarili nilang savings account.

Saad muli ni Adlawan, “We teach the children to save.

"And what’s amazing is when our collectors go to their school, because we have a kiosk there, if they see our collectors arriving, they would run as fast as they could.”

Continue reading below ↓

Bago mag-pandemya ay nasa 55 na paaralan ang mga kiosk na ito, at nagseserbisyo ito sa 55,000 na mga mag-aaral.

Tagum Cooperative

Three years ago, umabot na sa mahigit sa 50 million pesos ang naipon ng lahat ng mga mag-aaral na ito.

Nakatutuwa na napakaraming kabataan sa Tagum ang may alam na sa kahalagahan ng pag-iipon, at inaasahang lalo silang maging masinop sa pagtanda.

Continue reading below ↓

Nawa’y maging modelo ang Tagum Cooperative sa iba pang lugar sa buong Pilipinas.

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Nominate your Lodi.
Sino ang LODI mo?
*Please fill out this field.
This story is about me
Bakit siya LODI para sa ‘yo? Ano ang kahanga-hanga niyang ginawa?
Word: 0/150.
*Please fill out this field.
Anong pangalan mo?
*Please fill out this field.
Email Address
*The email you entered is invalid.
Contact Number
*Please fill out this field.

By signing up, I agree to PEP.ph Term of Use and Privacy Policy.

Your extraordinary story has been submitted.
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Ang main office ng Tagum Cooperative ay matatagpuan sa Tagum, Davao del Norte.
PHOTO/S: https://www.facebook.com/OfficialPageTagumCoop
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results