Kakaibang determinasyon ang nakita ng netizen na si Gina Alinsubao sa isang pedicab driver sa kanilang lugar sa Caloocan City.
Nilapitan niya si Gina habang naghahanap ito ng masasakyan sa Sangandaan Market, bitbit ang mabibigat na pinamili.
Aniya sa bahagi ng kanyang Facebook post noong August 17, 2021, “Agad na tumulong sa akin at binuhat ang ilan sa aking dala-dala.
“Tinanong niya ako, ‘Saan po tayo, Ma'am?’
“Sabi ko, ‘Sa 10th Avenue, Kuya.’”
Habang sakay sa pedicab ay napansin niya na mabagal lamang ang pagpadyak ng driver.
“Naisip ko, siguro dahil sa bigat ng aking dala.”
Natuklasan niyang isang person with disability (PWD) ang pedicab driver.
“Nang makita ko ang kanyang PWD I.D. na nakasabit sa harap ng sidecar katabi ang rosaryo, napansin niyang nakatingin ako rito.”
Doon na nagsimulang magkuwento kay Gina ang pedicab driver na si Roderick Mugas.
Sabi nito sa kanya, "Ma'am, pasensya na kayo mabagal lang ho ang kaya ko kasi hinihingal ako.'
“Sagot ko sa kanya, ‘Ay, sorry, Kuya... Mabigat yata itong dala ko, pati ako.’"
Ang tugon sa kanya ni Roderick, "Ayos lang po. May leukemia po kasi ako pero stage 1 lang po.
“Nagpapagamot po ako sa PGH. Huwag po kayong mag-alala, hindi po ito nakakahawa.
“Sa totoo po, ako pa po yung mas madaling mahawa ng sakit."
Natahimik si Gina.
Naalala niya ang mga naranasan niya noong buhay pa ang kanyang ina, na nagkaroon rin ng cancer at sa Philippine General Hospital (PGH) din nagpa-chemotheraphy.
At naikuwento niya kay Roderick ang kanyang ina at ang pagkakapareho ng kanilang karanasan.
BILIB SA POSITIBONG PANANAW NG PWD
Nang makarating na sila sa kanyang inuuwian, naisip ni Gina na kunan ng picture si Roderick.
Obserbasyon niya rito habang kinukunan ng larawan, “Nakita ko ang positibong pagtingin niya sa buhay gaya ng ngiti sa kanyang labi.”
Bilib siya kay Roderick dahil sa kabila ng hirap ng kalagayan nito sanhi ng sakit, nagagawa pa niyang maghanapbuhay para mairaos ang pamilya, at para may magastos sa pagpapagamot.
Matapos mai-post ni Gina ang tungkol kay Roderick sa kanyang Facebook account, marami ang naantig ang kalooban at gustong magbigay ng tulong.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gina noong August 30 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Itinanong sa kanya ng writer na ito kung nakakausap pa niya si Roderick.
Aniya, kinumusta niya ito noong August 29, “Mabuti naman daw po siya, nagpe-pedicab pa rin.”
Ibinigay rin ni Gina sa PEP.ph ang contact details ni Roderick.
PAMILYADO KAYA KAILANGANG KUMAYOD
September 1 ay nakapanayam ng PEP.ph si Roderick sa pamamagitan ng telepono.
Kuwento niya, 44 years old na siya ngayon, at residente ng 514 Bisig ng Kabataan, Sangandaan, Caloocan City.
May tatlong anak si Roderick at ang kanyang maybahay na si Kathleen, 35. Grade 8 na ang kanilang panganay habang kinder naman ang bunso.
Pagbabahagi pa ni Roderick, dati siyang employed sa isang clothing company bilang quality controller.
“Nagtrabaho po ako from 2005 to 2015. Noong ika-10 taon ko sa kumpanya, nag-alok na po sila ng separation pay.
“Tagilid na raw po ang barko. Ibig pong sabihin, hindi na kumikita. Magsasara na.”
Dinala niya sa Department of Labor and Employment ang offer ng kumpanya, at ang sabi sa kanya ng ahensiya ay makatarungan naman at alinsunod sa mga batas.
“Tama raw po ang computation, kaya tinanggap ko na,” ani Roderick.
Dahil nahirapan na siyang humanap ng trabaho, doon na siya nagsimulang mag-pedicab.
December 2018 ay nagkasakit siya.
Hindi agad nalaman ng mga doktor kung ano ang sakit niya. “Pero noong January 28, 2019, lumabas nga po yung resulta na may leukemia ako...”
Inamin ni Roderick na nanlumo siya sa nalaman. Agad siyang nag-alala para sa kanyang pamilya .
NAGPATULOY SA PAGPADYAK
Dahil sa hirap ng buhay, kahit may mabigat na karamdaman at kailangang magpa-chemotherapy ay nagpatuloy si Roderick sa pagpadyak.
Nakakakuha naman siya ng ayuda para sa kanyang mga gamot sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
“Sa pang-laboratory po ako nahihirapan,” ani Roderick. “Umaabot po sa PHP16,000 ang kailangan ko lagi basta magpapa-laboratory.
“Wala rin pong trabaho ang misis ko. Siya po ang nag-aasikaso sa akin lalo na pag pupunta sa ospital, at sa mga bata.”
Kada taon ay nabibigyan siya ng tanggapan ni Caloocan City 1st District Rep. Along Malapitan ng PHP10,000.
“Pag natatanggap ko po, yung PHP6,000 na lang ang hinahanapan ko ng paraan na maipon para sa pang-laboratory ko.
“Dati rin po, noong may People's Day pa si Mayor Oca Malapitan, nabibigyan din po ako ng PHP1,000 monthly. Simula nagkaroon ng pandemic, natigil na po ang pagkuha ko ng PHP1,000.”
"NAHIHIRAPANG KUMITA...PERO NAGTITIYAGA"
Nang magkaroon ng pandemic ay humina ang kanyang kita sa pagpe-pedicab.
“Nahihirapan po talaga sa kitaan ngayon,” pagtatapat niya.
Dugtong niya, “Pero nagtitiyaga po.”
Paminsan-minsan naman ay may mga mabubuti ang kalooban, gaya ni Gina, na nag-aabot sa kanya ng tulong.
Noong August 24, nag-post ang misis ni Roderick na nagbigay si Gina at iba pang netizens ng pambili ng kanyang gamot.
Labis-labis ang kanyang pasasalamat sa mga may mabubuting kalooban na kinakapa ang kanyang kalagayan.
Kinumusta ng PEP.ph si Roderick kung ano ang pakiramdam ng kanyang pangangatawan ngayon.
Masaya niyang pagbabalita, “Okey naman po ang aking pakiramdam.
“Maganda rin po ang resulta ng aking laboratory. Pati po mga doktor na tumitingin sa akin, natuwa sa resulta.
“Sabi po nila diretso lang ang gamutan para mas lumakas pa ako.”
Nasa tinig ni Roderick ang sigla. Hindi mahahalatang mayroon siyang karamdaman. Puno rin ng pagiging positibo ang kanyang pagsasalita.
Sa huli ay sinabi namin sa kanya na huwag masyadong magpapakapagod, at laging mag-iingat.
TULONG MULA SA NETIZENS
Sa abot naman ng makakaya ni Gina ay patuloy ito sa pag-alalay kay Roderick.
Sinasagot niya ang ibang netizens na nagtatanong sa kanyang Facebook post kung paano matutulungan si Roderick.
Marami na rin ang nag-share ng kanyang post.
Ibinahagi ni Gina ang mga numerong maaaring tawagan ng mga nais na mag-donate ng dugo o magbigay ng tulong pinansyal kay Roderick: 09101247664 at 09511878769.
Hindi niya itinatago ang paghanga sa determinadong PWD.
Ayon kay Gina, “Alam kong nahihirapan siya sa hanapbuhay ngayon.
“Pero nagpapatuloy pa rin, humahanga ako sa mga gaya niya.
“Hindi laging kailangang mamalimos o manghingi ng pera para kaawaan, kundi dapat ay magsikap sa kahit anong mabuting paraan.”