Madalas sabihin ng ating mga magulang na mag-aral muna bago makipagrelasyon.
Pero ibahin niyo ang kuwento ng magkasintahang Jonel Gallaza at Jhane Eyre “Jani” Olmedo mula Leyte.
Bukod kasi sa magna cum laude graduates sila, parehong topnotchers din sila sa kanya-kanyang board exams.
Bahagi ng Facebook post ni Jonel noong March 11, 2022, “From both Magna Cum Laude to both Topnotchers!”
Binati ni Jonel ang girlfriend na si Jani matapos lumabas ang results ng Licensure Examination for Teachers (LET) na ginanap noong January 2022.
Nakakuha si Jani ng 92.40 rating na nagluklok sa kanya sa Top 3 among 22,454 secondary teachers na nag-take ng board exam.
Sina Jonel at Jani ay batchmates sa Leyte Normal University at naging classmates sa ilang subjects.
Si Jonel ay kumuha ng Bachelor in Secondary Education Major in Mathematics.
Si Jani ay may kursong Bachelor in Secondary Education Major in Biological Sciences.
Noong 2019, pareho silang nagtapos bilang magna cum laude.
Noong September 2019, kumuha ng board exam si Jonel, at naging Top 8 with his 91 percent rating.
Pero bakit inabot si Jani ng dalawang taon bago nakapag-board exam?
Dapat kasi ay kukuha si Jani ng board exam noong March 2020, pero inabot na siya ng pandemya.

“Their exam was postponed many times,” mensahe ni Jonel sa PEP.ph nitong Biyernes, March 18, 2022.
“Nung January 2022 lang po siya nagka-chance ulit maka-take ng exam.”
Sa kabila nito, walang sinayang na pagkakataon ang dalawa nitong pandemic.
Pareho silang nag-enroll para kumuha ng master’s degree.
At hindi tumigil si Jani sa pagbabasa at pagre-review.
THEY INSPIRE EACH OTHER
Ang sabi ni Jani, malaking bagay na very supportive ang kanyang boyfriend na naging topnotcher sa board.
“Siya po ang first ko na inspiration para ma-reach yung dream ko na iyon,” sabi ni Jani sa interview niya sa TeleRadyo noong March 17, 2022.
Tinulungan ni Jonel si Jani sa pag-review, partikular sa math dahil doon mahina ang girlfriend.
“Since math major naman po siya, siya po yung tumulong sa akin maging simple at maintindihan,” paliwanag ni Jani.
Si Jonel din ang naghikayat kay Jani na pumasok sa isang review center sa Davao, kunsaan nag-review noon si Jonel.
Sinamahan pa ni Jonel ang girlfriend habang nagre-review sa Davao.
JONEL AND JANI'S LOVE STORY
Paano nga ba nagsimula ang kanilang pag-iibigan?
Ang kuwento ni Jonel sa TeleRadyo, “Nagkakilala po kami nung first year college po kami. Siya po talaga matalino. Mag-classmate po kami."
Ginawang inspirasyon ni Jonel si Jani para gumanda ang kanyang grades.
Sabi pa ni Jonel, “Pareho kaming may goal na mag-graduate na may latin honor. Through that po, palagi po kaming magsabay mag-aral, mag-update, nagtutulungan.”
At unti-unting nagkalapit ang loob ng dalawa.
Pareho rin sila ng gusto: ang magturo sa high school o kolehiyo at makakuha ng master’s degree.
Isang semester na lamang ang natitira bago nila magtapos ang kanilang master’s.
May unawaan din ang magkasintahan na tutulungan muna ang kani-kanilang pamilya bago sila magplano ng kanilang future together.
Sabi ni Jonel, nauunawaan niya ang mga magkasintahang estudyante na tinututulan ng mga magulang.
Payo niya, patunayan sa mga magulang na tama ang kanilang relasyon at magandang impluwensiya sila sa isa't isa.
Sabi naman ni Jani, dapat magkaroon ng kasunduhan ang magkasintahan tungkol sa magiging prayoridad nila sa buhay.