Ibang level na ang kasikatan ngayon ng volleyball player na si Deanna Wong, ang star setter ng Choco Mucho.
Noong April 15, 2022, Good Friday, ay nag-post ng isang video ang ina ni Deanna na si Judin Alvizo-Wong. Makikita ang napakaraming fans ni Deanna na nasa labas ng kanilang tahanan sa Minglanilla, Cebu.
Ang caption ni Judin sa kanyang post (published as is): “Unsaon namug gawas pag adto sa simbahan kung ing ani kadaghan nag atang pirmi sa gate?
“Ang uban gikan pag mindanao ug other parts of the visayas.. uban alas sais pa sa buntag.”
Roughly translated, ang ibig niyang sabihin ay: “Paano tayo makakalabas para pumunta sa simbahan kung ganito karaming tao ang laging nakaabang sa gate?
“Yung iba, taga-Mindanao at iba pang parte ng Visayas. At alas sais pa ng umaga.”
Sa video ay makikitang kumaway si Deanna sa kanyang mga fans. Nasa Cebu siya noon para makapiling ang pamilya sa Holy Week.
Isa pang patunay ng kanyang pagiging popular, kamakailan ay nagbukas ng sari-sari store ang kanyang pamilya at nai-share niya ito sa kanyang Facebook account noong April 11.
Nag-viral ang kanyang post, at dinagsa rin ng mga fans ang tindahan para lang makita si Deanna.
SINO SI DEANNA WONG?
Tubong Cebu ang 24-year-old volleyball player na si Maria Deanna Izabella Alvizo Wong.
Nagtapos siya ng elementary sa Saint Theresa’s College, at high school sa University of San Jose-Recoletos.
Kumuha siya ng AB Interdisciplinary Studies sa Ateneo de Manila University (ADMU), at dito na umalagwa nang todo ang career niya sa volleyball.
Noong March 2015, napili si Deanna bilang bahagi ng collegiate varsity senior women’s volleyball team ng Ateneo, at opisyal na naglaro bilang rookie noong 2016.
Nagsimula siya bilang libero ng Ateneo Lady Eagles sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament Season 79.
Naging setter siya noong UAAP Season 80, kung saan itinanghal siyang Best Setter sa pagtatapos ng tournament.
Nagtapos siya sa kolehiyo noong 2020.
Ang husay niya sa UAAP ang naging daan para kunin siya ng Choco Mucho para maglaro sa Premier Volleyball League, na lalong nagpa-level up ng kanyang popularity.
PABORITO NG VOLLEYBALL FANS
Madalas mag-trending si Deanna lalo na kapag may laro ang kanyang team sa katatapos lang na Premier Volleyball League Open Conference.
Nakaabot lang ang kanyang team sa fourth place matapos matalo ng Creamline sa semifinals.
Kabilang sana siya sa Philippine women’s volleyball team para sa 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam, pero nagkaroon siya ng shin injury.
Mayroon siyang 1.2 million followers sa Instagram. Dinudumog din ng mga fans ang alinmang venue kapag mayroon siyang laro.
Noong April 18 ay ginawaran siya ng parangal ng Local Government ng Minglanilla bilang isa sa Most Outstanding Minglanillahanon ngayong 2022.