Tatlong graduates mula sa magkakaibang unibersidad ang nag-top 1 sa Civil Engineering licensure examination nitong May 2022.
Triple tie sina Arianne Joyce Dameg (University of the Philippines, Diliman), Archigine Labrador (University of Saint Louis Tuguegarao), at Jameson Lim (Xavier University Ateneo Cagayan de Oro) para sa top spot ng board exam.
Ang tatlo ay nakakuha ng 93.95 average rating at nanguna sa 5,836 board passers mula sa 13,781 na kumuha ng exam.
Ang only girl sa tatlo na si Arianne ay hindi raw inakalang magta-top one siya. Sa mock exams daw habang nagre-review ay sakto lang ang kanyang nakukuhang average.
Si Arianne ay nagtapos bilang magna cum laude sa UP Diliman. Siya ay tubong Alaminos, Pangasinan.
“Ang lagi ko lang pong pinagdadasal is makapasa. Sobra-sobra na yung blessings na binigay,” sabi nito sa panayam niya sa Bombo Radyo Dagupan, May 12, 2022.
“Sobrang gulat ako na nakita ko yung pangalan ko sa pinakaunahan ng listahan.
“Hindi po talaga pumapasok sa isip ko na may possibility na mag-top ako kasi sobrang nahirapan ako sa refresher course ng review program ko.”
First take ito ni Arianne sa licensure exam.
Payo niya sa mga nahihirapan sa pagri-review, “Wag mawalan ng motivation at support system.

“Siguro yung aral laging samahan mo ng dasal.”
Si Jameson Lim naman ay nagtapos bilang summa cum laude sa Xavier University Ateneo de Cagayan.
Noong 2021, siya ay naging kinatawan ng Pilipinas at naging second place sa International Essay Competition sa International Conference on Disaster Resilient Infrastructure Annual Conference.
Ang advocacy ni Jameson ay tumulong sa pagtatayo ng mga komunidad at mag-raise ng awareness sa mga kabataan tungkol sa mas magandang kinabukasan.
Samantala, si Archigine Labrador ay tubong Baggao, Cagayan.
Sa kanyang Facebook post noong May 7, mahihinuhang nahirapan din si Archi sa board exam.
Nakuha niyang magbiro tungkol sa hirap sa pagsagot ng exam.
Ibinahagi niya ang isang meme tungkol sa mahirap na problem solving, pero madali ang terminologies.
Caption niya rito (published as is): “Feel ko tuloy ako yung pinapatamaan dun sa isang probab problem na ano raw chance niya makapasa kung puro hula. Hahaha.”
Pero sumunod dito ay ang pag-post niya ng results mula sa Professional Regulation Commission na nagpapakita na si Archi ay isa sa tatlong nag-top 1.
“THANK YOU” simpleng caption ni Archi.