Watch Now

Student mom na inutang ang bayad sa application fee, Top 6 sa board exam for teachers

by KC Cordero
May 16, 2022
Melissa Marvic wearing a toga, and while still pregnant.
Buntis at kinakailangang magtrabaho ni Melissa Marvic nang kumuha siya ng March 2022 Licensure Examination for Professional Teachers. Sulit naman ang kanyang mga sakripisyo dahil Top 6 siya—at sa mismong araw pa ng panganganak niya lumabas ang resulta.

Dobleng selebrasyon ang naganap kay Melissa Marvic noong April 29, 2022.

Isinilang niya ang ikatlong anak nila ng mister niyang si Elmer.

Natanggap din niya ang balitang Top 6 siya sa March 2022 Licensure Examination for Professional Teachers (LET) secondary level.

Nakakuha siya ng rating na 91 percent.

Melissa Marvic congratulated by her school

Sa panayam kay Melissa ng Palawan News noong May 6, sinabi niyang ang karanasan niya noong araw na iyon ay masyadong surreal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ang kaibigan niyang si Archie ang naghatid sa kanya ng magandang balita.

Kuwento niya, sabi umano ni Archie, “‘Ate, nakita mo na ba yung result? Hindi ka lang pumasa, Top 6 ka! Top 6!’

“’Tapos hindi pa ako umimik agad, pino-process ko pa kasi parang nagha-hallucinate pa ako dahil sa anesthesia.”

Sumailalim kasi siya sa ceasarian operation nang manganak.

BUNTIS HABANG NAGRE-REVIEW, NAG-AALAGA PA NG MGA ANAK

Produkto si Melissa ng Fullbright College sa Puerto Prinsesa, Palawan.

Nang kumuha siya ng LET ay isa na siyang English subject teacher for STEM (Science, Technology, Engineering, and Mathematics) ng Grade 11 students sa Metro Manila College.

Pagbabahagi niya, “Yung mga panahon na iyon, wala akong kasambahay. Mano-mano akong nagre-review, nagtuturo sa school at nag-aalaga sa mga anak ko.

“Before the exams, nagtuturo pa ako niyan noong Biyernes. 'Tapos noong Sabado, nagdi-disseminate pa ako ng grading sheet.”

Umiiyak na siya noon dahil sa stress, at gusto sana niyang magpaalam muna kahit tatlong araw lang na leave dahil araw ng Linggo ay exam na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Nahiya lang akong magpaalam sa coordinator kasi alam kong sa susunod na linggo manganganak na ako, ‘tapos magli-leave na naman at maiiwan ko na naman ang trabaho ko.”

HIRAP NA HIRAP NANG KUMUHA NG EXAM

May isa pang struggle si Melissa nang kumuha ng exam.

Bukod kasi sa buntis siya, left-handed din siya.

Mga right-handed chairs ang nasa exam room kaya hirap na hirap siyang magsulat lalo't nakaharang ang tiyan niya.

Melissa Marvic while taking the LET

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Pag-in ko, naka-arm chair iyan. Kabuwanan ko, ang laki-laki ng tiyan ko 'tapos nakaupo ka sa arm chair at kaliwete ka pa. Paano ko iaabot ang kamay ko sa arm chair na sasagutan ko?

“Ngayon, nakita ako ng representative ng Professional Regulation Commission [PRC] na nag-iikot. Yung mesa na naka-reserve for her, ibinigay niya sa akin, pati monobloc niya. Kaya ayun, kumportable na ako nang mag-exam.”

PANGARAP TALAGA ANG MAGING TEACHER

Kuwento pa ni Melissa ay una siyang nagtapos ng kursong midwifery sa Palawan State University. Nagtrabaho rin siya sa Alabang Medical Center nang ilang buwan.

Pero pangarap talaga niya ang maging teacher. Hindi iyon naaalis sa kanyang isipan. Kaya nag-enroll siya sa Fullbright College.

Melissa Marvic holding a book

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Aniya, “Kinuha ko itong course na ito [BS Secondary Education] kasi gustung-gusto ko ito. Kapag gusto mo kasi ang isang bagay, hindi ka kailangang pilitin ng ibang tao. Talagang ganado kang gawin.”

Sinuportahan ng kanyang mister na si Elmer ang kanyang pangarap na maging guro. Ito rin ang nagbayad sa kanyang matrikula.

Aminado naman siyang nahirapan siya sa pinagdaanan bilang isang working mom na kailangang mag-review para sa board exam.

Dumanas din silang mag-asawa na kapusin sa budget.

“Minsan akong iniwanan sa ere na walang-wala kami ng mga anak ko. Akala ko noon, wala na, tapos na ang laban.

“Sino ba naman ang mag-aakala na yung babae na walang nagtitiwala, nanghihiram lang ng pera para makakain lang kaming mag-iina, ngayon ay topnotcher na?”

NANGUTANG PA NG PAMBAYAD SA APPLICATION FEE

Maging ang PHP900 na application fee sa LET ay inutang din lang ni Melissa.

“Yung best friend ko pa ang nagbigay dahil sagad-sagad yung pera ko that time.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Gusto ni Melissa na maging inspirasyon ang kanyang kuwento sa kahit sino—kabataan, may-edad na, single o may-asawa—para tuparin ng mga ito ang pangarap.

“Iyan ang gusto kong makita ng mga kabataan ngayon, kahit yung mga may asawa na.

“Hindi pa huli ang lahat. Huwag kang bumitaw agad. Huwag kang mawalan ng pag-asa na balang araw, ibang tao ka na.”

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Buntis at kinakailangang magtrabaho ni Melissa Marvic nang kumuha siya ng March 2022 Licensure Examination for Professional Teachers. Sulit naman ang kanyang mga sakripisyo dahil Top 6 siya—at sa mismong araw pa ng panganganak niya lumabas ang resulta.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results