Isang 18 anyos na lalaking estudyante mula sa Lupao, Davao Oriental, ang bumida kamakailan sa social media sa paglikha ng 100 sketches ng mukha ng mga sikat na K-pop artist.
Ang nakamamangha: Iginuhit niya silang lahat nang sabay-sabay.
Pangalawang beses na ito ni Alexis Bantiles na mag-viral sa social media sa pagpapamalas ng kanyang pambihirang talento this 2022.
Una siyang nakilala ng netizens nitong March, nang mag-viral ang video niya habang sabay-sabay na iginuguhit—sa pamamagitan ng magkakadugtong na ballpoint pens na itinali sa patpat—ang 11 superhero characters, gamit ang kanyang magkabilang kamay, magkabilang paa, at bibig.
Itinampok ng iba’t ibang local at international media outlet ang viral video ng sabay-sabay na pagdo-drawing ni Alexis kina Spiderman, Iron Man, Thor, The Hulk, at iba pa.
FROM HEROES TO IDOLS
Nito lamang Mayo, muling napahanga ng teen artist ang netizens sa kanyang naiibang sketching technique, kung saan mga sikat na K-pop artists naman ang sabay-sabay niyang iginuhit.
Ang video ay unang ibinahagi ng social media-focused news organization na Now This, na nakabase sa New York.
Sa video, makikitang gamit ni Alexis ang isang mahabang patpat, kung saan nakakabit at may ilang pulgadang distansiya sa isa’t isa ang 30 colored ballpoint pens.
Ang mga ballpen, eksaktong nakaposisyon sa tapat ng 100 puting papel na maayos na nakahilera sa ibabaw ng isang 20-talampakang mesa na kahoy.
Sa gitna ng mesa nakapuwesto si Alexis, na lumilipat-lipat upang matutukan ang pagguhit sa mga K-pop idols na inihilera niya kada grupo.
Sa huling bahagi ng video, makikita ang sketches ni Alexis sa portrait ng bawat miyembro ng K-pop groups na BTS, Super Junior, EXO, Blackpink, 2NE1, Twice, Momoland, at iba pa.
Ang finished product ni Alexis Bantiles na iginuhit ang 100 K-pop artists nang sabay-sabay.
ART TECHNIQUE
“Drawing in simultaneous” ang tawag ni Alexis sa naiibang paraan niya ng maramihang pagguhit, na inspired ng “draw-like-a-printer” trend sa social media.
Aniya, “I have been doing different art challenges before, but ‘drawing in simultaneous’ started just last year of 2021,” kuwento ni Alexis nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pamamagitan ng messenger kamakailan.
Ayon kay Alexis, ang typical art work na commissioned sa kanya ay karaniwang kinukumpleto niya sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.
Pero ang paggawa raw ng 100 sketches ng K-pop artists ay tumagal nang halos isang linggo.
Bago ang aktuwal na sabay-sabay na pagguhit, pumili muna si Alexis ng reference para sa bawat isa sa 100 Korean idols, at isa-isang in-sketch ang mga iyon para magsilbing guide.
Pero paano nga ba niya napagtuunan ang detalye ng bawat isa sa 100 sketches gayung magkakasabay niyang iginuhit ang mga iyon gamit ang patpat na nakakabitan ng 30 ballpens?
“When drawing in simultaneous, you have to cut your focus from every drawing. Pause… at least five seconds per sketch,” ani Alexis.
“Slowing down makes it easier for you to complete the whole process,” dagdag niya.
THE BIG DREAM
Sa kabila ng kanyang pambihirang talento sa pagguhit, iba ang sinabi ni Alexis sa PEP.ph na kanyang “ultimate dream.”
“I want to be a YouTuber and make videos, but my ultimate dream is to become a filmmaker-actor, just like Stephen Chow!” ani Alexis.
Si Stephen Chow ang 59-year-old Hong Kong actor-director, na nakilala sa comedy films na Shaolin Soccer (2001) at Kung Fu Hustle (2004).
Ang payo ni Alexis sa mga talentadong kabataan na tulad niya: “If an idea suddenly pops up in your head, write it down, then do it. Who knows, that idea might change your life for the better.
“Just keep giving your best and be consistent, sooner or later your talent and your story will also be known all over the world,” pagtatapos ni Alexis.