Mayroong 147 summa cum laude (Latin for “with the greatest honors”) ang University of the Philippines Diliman ngayong 2022.
Mas mataas ang bilang na ito kesa sa pinagsamang summa cum laude graduates ng unibersidad mula noong 2018 hanggang 2021. Noong 2021, mayroon lamang 29 summa cum laude sa UP Diliman.
Bukod pa rito, may 652 magna cum laude at 634 cum laude graduates, kaya umaabot sa 1,433 ang mga nakatanggap ng Latin honors ngayong taon sa premyadong unibersidad.
Para maging summa cum laude, nangangailangan ng general weighted average na 1 to 1.20.
Ipinost sa official Facebook page ng UP Diliman ang profiles ng 147 summa cum laude graduates.
GRADE INFLATION AN ISSUE?
Pero pinag-uusapan ngayon ang tinatawag na “grade inflation” dahil sa biglaang paglobo ng bilang ng mga graduates with Latin honors.
Tinawag itong “hyperinflation” ni UP journalism professor Danilo Arao, ayon sa ulat ng www.rporter.world.
Related article: A Record 147 Summa Cum Laude Poised to Graduate From UP Diliman

"It needs to be addressed to know the reasons for having more Latin honor graduates," ani Arao sa reportr.
Pero idinagdag ng UP professor na hindi nito intensiyong "invalidate the deserving honor students."
Ani Arao, hangad niyang matiyak na mananatiling “fair” ang grading system ng unibersidad.
Dugtong pa niya, “In fact, even the concept of ‘grades’ and ‘honors’ should also be revisited.”
Nabanggit ni Arao ang kahalagahan kung bakit kailangan mapag-aralan ang isyu ng grade inflation.
Tinukoy niya ang nabanggit sa Stanford blog kung saan ang inflated grades ay nagiging “disadvantage” sa mga estudyanteng kulang sa resources para makipagsabayan.
Nagsisilbi rin daw itong “unfair competition” pagdating sa mga admissions na nakabase sa grades, gaya ng scholarships, graduate schools, at trabaho.
GRADE INFLATION PHENOMENON
Halos ganito rin ang sinulat ng Inquirer columnist at former UP Diliman professor na si Randy David nitong July 24.
Nabanggit ni David na nangyayari rin ang grade inflation sa iba pang mga bansa, at ang malaking factor dito ay ang Internet.
Digital na raw kasi ang napakaraming impormasyon na maaari nang ma-access ng mga estudyante, pero nahuhuli ang mga professors pagdating dito.
Hindi raw gaya noon na mas pinaghihirapan ng mga estudyante ang pagkuha ng mga impormasyon sa paggawa ng kanilang mga projects.
Sabi ni David sa Inquirer column: “In an environment overflowing with information, schools are more than ever faced with the challenge of cultivating and rewarding students who are not just resourceful and well-informed, but also curious, critical, creative, generous, and honest.”
Binanggit din niya na sa UP Diliman, ipinatutupad ng faculty na hindi magbibigay ng grade na mas mababa sa 3.0 ngayong may pandemya.
Sabi ni David, tinitingnan ngayon ng mga academic authorities sa iba't ibang bahagi ng mundo kung paano masosolusyunan ang problemang ito.
Pagtatapos niya: "In their experience, nothing seems to restore the joy of learning better than abolishing grades altogether."