Kumpiyansa si Crisiolo Langamen Jr., 25, ng Bohol na papasa siya sa June 2022 criminologist licensure examination.
Pero ikinagulat niyang napabilang siya sa topnotchers at naging Top 8. Nakakuha siya ng average na 88.30 percent.
Mensahe ni Crisiolo sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong July 27, 2022, “Di ko inaasahan kasi sobrang dami ng nag-take at ang dami ng magagaling.
"Pinapanalangin ko na sana maging posible. Pero alam ko sa sarili ko na papasa ako."
Si Crisiolo ay nagtapos ng Criminology mula sa Trinidad Municipal College sa Bohol.
AVERAGE STUDENT
Nakuha raw sa dasal at pagtitiyaga ang kanyang pagiging topnotcher.
Sabi nga ni Crisiolo, pinagtiyagaan niya ang mag-review ng isang taon. Marami siyang hinarap na pagsubok.
Hindi biro ang 12 hanggang 16 hours araw-araw na nagbabasa at nakikinig ng lectures.
Post niya sa Facebook (published as is): “Isa lang po akung average na student, in fact since elementary to college di ko pa naranasan yung maging honor student.
“Noon masaya na ako sa 75 na grades.”
Ang susi niya sa tagumpay: “Preparation and prayer.”
Dugtong niya, “Study kahit masakit na sa ulo, kahit pagod, kahit walang pera, kahit gutom.”
Makahulugan pa niyang pahayag, “Di talaga nawawala ang negativities sa buhay, meron talaga iyan.”
Kaya ginawa raw niyang motivation ang mga pangyayaring ito.

Inusisa ng PEP.ph kung ano nga ba ang mga negativities na ito.
Naging matipid sa sagot si Crisiolo, pero may kinalaman daw ito sa mga “Marites...na pilit nanghihila, nagbabato ng masasakit na salita hanggang sa mainsulto ka at di na mapigilan ang sarili.”
Naranasan daw siyang sabihan ng hindi magagandang paratang at magmukhang masama sa ibang tao.
Samantala, ipinaliwanag niya kung bakit inabot siya ng isang taon sa pagre-review.
"Na-delay po kasi ang mga papers namin kaya di nakaabot sa filing,” aniya.
“Halos mawalan ako ng pag-asa pag naiisip ko yung papers ko: CAV or certificate of authentication and verification…
“At yung diploma na muntik di napirmahan ni Mayor, ‘tapos may lakad. Buti nakaabot pa.”
Nagkataon din daw na may mga maling impormasyon pa sa mga papeles at kailangang ipawasto na kumain ng oras.
Si Crisiolo (encircled) sa kanyang on-the-job training
Pero hindi raw tumigil sa pagre-review si Crisiolo habang hinihintay ang mga papeles.
Kaya ngayong inani na niya ang lahat ng kanyang pagsasakripisyo at paghihirap sa pamamagitan ng pagiging topnotcher, hangad niyang maging inspirasyon ang kanyang kuwento sa mga licensure-exam takers.
Ipinaaabot ni Crisiolo ang kanyang pasasalamat sa staff ng Trinidad Municipal College, sa Amici Review Center, at sa lahat ng mga naniniwala at tumulong sa kanya.
Nag-iisip ngayon si Crisiolo na pumasok sa law enforcement o kaya ay magturo.