Magna cum laude si Jerson Aboabo, isang padyak driver at tagakuha ng kaning baboy na dati ay nilait-lait.
Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Education, major in Filipino, sa Mindanao State University Iligan Institute of Technology (MSU-IIT).
Bukod sa kanyang Latin honors, siya rin ay college leadership awardee at department leadership awardee.
Kuwento ni Jerson sa panayam ng GMA News, ang pagiging padyak driver ang nagtawid sa kanya mula high school hanggang second year college.
Naranasan niyang makutya at malait noong una dahil bumagsak siya sa System Admission and Scholarship Examination (SASE) ng MSU-IIT.
Kahit na pakiramdam niya ay "bobo" siya, hindi siya sumuko sa kagustuhang maka-graduate sa kanyang dream course.
BAGSAK SA ENTRANCE EXAM
Sa isang Facebook post noong July 25, 2022, ibinahagi ni Jerson, sa wikang Bisaya, ang kanyang biyahe sa tagumpay.
Nang bumagsak sa SASE noong 2018, marami siyang narinig na nagpababa ng kanyang kumpiyansa sa sarili.
Baka raw hindi para sa kanya ang MSU-IIT. Sinabihan pa raw siya noon ng, “Hindi ka na nahiya sa sarili mo?”
Post niya (published as is), “Nasabi ko na, maybe IIT is not for me, maybe bobo talaga ako, maybe ‘mag-work muna ako’, and worst, ‘hindi na lang ako mag-aral ng college’."
Pero pinili ni Jerson na huwag magpatalo sa isang kabiguan.
Dahil sa pagbagsak niya sa entrance exam, “Nakita ko ang sarili ko na nag-grow ako holistically during my stay sa IIT.”
Sabi niya, “65 lang ang score ko sa SASE and during that time, grabe ang rejections, discouragement, bullying, and discrimination.
“I was rejected sa mga courses na aking in-aplayan para makapasaok sa waitlist.”
Aniya, “I was bullied and discriminated just because of my SASE score.”
Sa kabila nito, mas pinili ni Jerson ang maging positibo.
“Sinabi ko sa aking sarili na papasukin ko ang course na tatanggap sa aking score.”
Nakapasok siya sa MSU-IIT na kanyang dream school at natanggap sa isang engineering course.
Kalaunan, nag-shift siya sa BS Education - Major in Filipino.
PASSION IS THE KEY
Bukod sa kanyang bagsak na score, ang isa pang kinutya kay Jerson ay ang uri ng kanyang trabaho.
Tatagal daw ba siya sa IIT kung “tagakuha lamang siya ng 'lamaw'? Traysikad driver?”
Ang "lamaw" ay salitang Bisaya na tumutukoy sa tira-tirang pagkain sa karinderya. Kung tawagin ito sa Tagalog ay pagpag, na ginagawa ring pagkain ng hayop gaya ng baboy.
Ani Jerson, “Opo. Tagakuha lamang ako ng 'lamaw' na ibinebenta ko ng P20 bawat balde.”
Ikinahiya raw niya ito noong una, subalit kalaunan ay napagtanto niyang dapat ipagmalaki pa niya ito dahil natutustusan niya ang sarili sa pag-aaral.
Ganito rin ang napagtanto niya sa pagiging pedicab driver.
“Na-realize ko din na wala naman dapat ikahiya as long as wala kang inapakang tao.
“Ang hirap ng buhay pero nakayanan at nakarating sa finish line.”
Hamon ang online classes dahil limitado ang kanyang resources. Naglunsad pa nga siya ng solicitation noon para makabili ng laptop.
Marami ang nagtatanong kung paano niya kinaya ang pagtatrabaho at pag-aaral.
Ang sagot ni Jerson: “Passion to understand na makayang maging motivator in a world full of critics.”
May mga oras nga raw naiiyak siya sa gabi dahil wala siyang pera at mahirap kumita ng pera.
Pero ang lahat ng ito ay nagdagdag ng kulay sa collge journey ni Jerson.
“My four years in IIT was definitely the time of my life na hindi ko makalimutan.
“My heart is full knowing na si Lord ay kasama ko since the beginning.”
Pinasalamatan din ni Jerson ang lahat ng taong tumulong sa kanya para makamit ang kanyang tagumpay.