Dahil sa kahirapan, inisip ni Jomel Sta. Rosa na wala siyang "pribilehiyong mangarap."
Ang mensahe niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong September 8, 2022, “Noon, wala naman talaga akong alam sa sinasabi nilang pangarap."
Pero dahil sa kanyang pagsusumikap, nagtapos si Jomel, 23, ng magna cum laude sa kursong Bachelor of Arts in Communication mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa.
Siya ang kauna-unahang college graduate sa kanilang pamilya.
Ang tatay niya ay isang welder at ang nanay niya ay tagagawa ng rosaryo.
Dahil sa kanyang tagumpay, ito na ang goal ni Jomel: “I always remind myself that ‘I will be the game changer’ for our family's trying situations.”
nagsimulang mangarap si jomel
Laki si Jomel sa hirap, at alam niya ang buhay ng salat sa pagkain at karangyaan.
Pagbabahagi niya, “I witnessed my parents sobbing over their incapacity to meet our needs, lalo na sa pag-aaral, at sa kakainin sa araw-araw para lang magkaroon ng laman ang tiyan.”
Ito ang nag-udyok sa kanya na mangarap para sa pamilya.
Hindi naging madali ang tinahak niyang landas.
Saksi ang kanyang katawan sa pagiging salat nila sa buhay.
Sa tuwing bibisita siya sa clinic ay sinasabihan siyang “undernourished.”
Hindi naman daw niya iyon ipinagtaka.
“Kapos kami sa buhay. Wala naman akong panahon para mag-demand sa malaking baon. Minsan nga pamasahe pa lang kulang na.

“’Tapos ang pagkain naming pamilya ay sitsirya, tubig at asin, toyo't mantika, at minsan wala talaga.”
Hindi rin regular ang pagiging welder ng ama ni Jomel.
“Suwertihan na lang kung may gawa siya para may makain kaming masarap sa hapagkainan,” ani Jomel.
“’Tapos si Mama, gumagawa ng rosaryo sa St. Peregrine Parish, ‘tapos minsan may inuuwi siyang tsokolate sa amin.
“Noong panahon na iyon, pakiramdam naming magkakapatid fiesta kasi may masarap kaming kakainin.”
Jomel Sta. Rosa kasama ang ina at ama sa graduation nito lamang August 11, 2022.
Nang tumama ang pandemya, nadagdagan ang hamon para kay Jomel.
“Wala akong maayos na cellphone, wala akong laptop, at wala kaming Internet connection.
“Ang gusto ko na lang ay tumigil sa pag-aaral kasi parang pakiramdam ko, kahit anong pilit ko, wala namang nangyayari.”
Buti na lang at naka-apply siya ng scholarship para mabigyan siya ng financial aid at makabili ng kailangang gadgets sa pag-aaral.
Hindi rin nawala ang suporta ng kanyang pamilya, na siyang inspirasyon ni Jomel para huwag sumuko.
Read also:
- Seaman’s son finishes summa cum laude in university where U.S. President Joe Biden graduated
- Pang-MMK story ni Baltazar Dela Trinidad, 28, magna cum laude at board topnotcher
- Jonathan Agullana: summa cum laude, board topnotcher, "unang degree holder" ng pamilya
kabutihan ng ibang tao
Malaking bagay para kay Jomel ang tulong na nukuha niya mula sa ibang tao.
“During my first year college, we need to buy books and uniform pero wala kaming pera.
“Ang gamit ko nga lang ay lumang sapatos at sirang bag, pero pumasok pa rin ako.
“As soon as I walked into the room and sat down, my classmates handed me books and uniform.
“Sabi ko, ‘Kanino iyan?’ Then, they replied, ‘Para sa iyo, pinag-ambagan namin.’"
Tanging pasasalamat lang daw ang nasambit ni Jomel.
“Na-realize ko na sobrang bait ng Panginoon. Dahil sa mga taong kagaya nila, may mga pangarap na nagpapatuloy.
“Hindi ko maaabot ang karangalang ito kung wala sila.”
SAKRIPISYO NG KAPATID
Taong 2018 ay naoperahan si Jomel dahil sa appendicitis.
Pero mas nagpursigi pa siya sa kanyang pag-aaral.
“Sabi ko, wala na nga kaming pera, nagiging pabigat pa ako.”
Pero wala raw siyang narinig na reklamo mula sa kanyang mga magulang.
Hindi rin lingid sa kaalaman ni Jomel na nagkautang ang kanyang mga magulang para pantustos sa kanilang magkakapatid.
“Pero kahit kailan, hindi nila pinakita sa akin na pagod na sila.”
Malaki rin ang pasasalamat ni Jomel sa kanyang ate na mas piniling huminto ng pag-aaral para magtrabaho at makatulong sa pamilya.
Isang buwan matapos ang operasyon, nagtrabaho si Jomel para maging service crew ng isang fast-food store para makatulong sa kanyang pamilya at matustusan ang kanyang pag-aaral.
Nagbunga ang pagsusumikap ni Jomel.
“Hindi ko akalain na ako ang mangunguna sa aming kursong Bachelor of Arts in Communication at pinarangalang magna cum laude nitong August 11, 2022.”
Sa wakas ay masusuklian na rin niya ang paghihirap ng kanyang mga magulang.
“Gusto ko makasama sa entablado si Papa, ayun lang kasi ang tanging regalo na maibibigay ko sa kanya, na mayroon siyang anak na napagtapos bilang Magna Cum Laude. Kahit hindi niya kayang magbasa at magsulat, sinuportahan niya pa rin kami.”
Ang naging escape ni Jomel ay ang panonood ng BL series. Aniya, nakatulong ito para panandaliang makalimutan ang mga problema.
payo sa mga estudyante
Ano naman ang maipapayo ni Jomel sa mga estudyanteng may mga pinagdadaanan din?
“Lagi kong dala-dala ang winika ng isa sa aking propesor sa kolehiyo na si Mr. Cid Santillan: ‘You have to be kind to yourself, listen also to your body, not just on the state of your mind.’
“Nakaka-pressure ang bagay na gusto nating maabot, pero kung napapagod ka na, ayos lang magpahinga.
“Ang importante pinipili mo palagi na magpatuloy.”
Sa ngayon, sinisimulan na ni Jomel ang susunod niyang hakbang.
“Ako'y naghahanda nang magtrabaho at harapin ang tunay na laban ng mundo, at pagyabungin ang kaalaman na aking mga natutunan sa kolehiyo, kagaya ng pagsusulat, pag-arte, at pagiging news anchor.”