Nag-self review lamang si Lawrence Dave Carag, 22, pero nag-Top 9 siya sa kalalabas lang na registered master electrician (RME) licensure exam.
Nakakuha ang engineering student na ito ng 91 percent average sa board exam.
Hindi rin ipinaalam ni Lawrence sa mga magulang na kukuha siya ng board exam dahil balak niya silang sorpresahin.
Si Lawrence ay fourth year BS Electrical Engineering student sa Cagayan State University sa Tugegarao City, Cagayan.
Pero bakit nga ba pinili ni Lawrence na hindi mag-enroll sa review center?
“Wala po kasi akong pera na pang-review center, kasi gusto ko po sanang i-surprise yung parents ko if ever na makapasa po ako.
“Kaya hindi na po ako humingi ng pang-review center sa kanila,” mensahe niya sa Philippine Entertainment Portal nitong September 14, 2022.
Isang Overseas Filipino Worker sa Dubai ang kanyang ina.
“Yung biological father ko po, e, iniwan kami nung baby pa lang po ako.”
Bakit hindi na lang siya humingi ng suporta sa ina para pumasok sa review center?
“Pag humingi po ako sa parents ko, e, malalaman na po nila na magte-take ako ng exam. E, secret lang po…

“Kaya sinabi ko po na wala akong pera kasi di ako humingi ng pang-review.”
SIKRETO SA EFFECTIVE SELF-REVIEW
Walang sinayang na oras si Lawrence sa solong pagre-review.
Pinaglaanan talaga niya ito ng panahon, kahit na kinukulang na siya sa tulog.
Sabi niya, “Nagre-review po ako nun almost 18-20 hours a day po.
“Minsan po nalilipasan rin po ako ng gutom, kasi di ko po namamalayan yung oras.
“Natutulog po ako mga 5:00am to 9:00am po.”
Naging masipag din siya sa pagkalap ng review materials.
Sabi ng binata, “Marami pong mga review materials na naglipana sa internet na makakatulong po sa pagre-review.
“May mga nahingi rin po ako dun sa group ng mag-e-exam ng RME po and may EE [electrical engineering reviewer App rin po ako na na-download ko lang po sa [Google] Play Store.”
Sinabayan din niya ng dasal ang pagre-review.
“Yung faith lang po talaga kay God na papasa ako ang pinanghawakan ko po.
“Bago at pagkatapos po ng exam, e, nag-pray po talaga ako.
“At nung ongoing po yung exam, pinagpe-pray ko po every item po, and I thank God for every question po na masagutan ko.”
Pagbabahagi niya, "Ito po yung sinulat ko sa likod po ng test papers ko nung nag-exam po ako, ’If you pray what you believe, and believe what you pray, God does nothing except on answering your Believing prayer.’"
Nais ding pasalamatan ni Lawrence ang Cagayan State University- Carig Campus na marami na ring na-produce na topnotchers dahil daw sa magandang edukasyon nila.
Ano ang susunod niyang plano?
“Balak ko po na tapusin po muna yung pag-aaral ko at mag-review center na po agad para sa preparation ko po para sa REE [registered electrical engineering] licensure examination.”
Sa mga kapwa niya estudyante, may nais iparating si Lawrence.
“Marami man kayong disappointments sa buhay gaya ko, just keep in mind po na may kanya-kanya tayong timeline.
“Basta wag lang tayong susuko at dapat magtiwala lang po tayo sa sarili natin, and the most important po, e, magtiwala po tayo sa plano ni God.
“Kasi mas malayong mas maganda po ang mga plano ni God para sa atin.”
Read also:
- Couple na parehong Top 1 sa board exam, binigyan ng tig-PHP300K cash incentive
- Jonathan Agullana: summa cum laude, board topnotcher, "unang degree holder" ng pamilya
- Eunice Mangune, feeling "incompetent" sa piniling kurso, aba, Top 10 siya sa board exam!
- Lyen Carel Garcia, cum laude, na-“predict” ang pagiging Top 1 sa criminologist board exam