Ang magsing-irog na ikinakasal ay nagbibitaw ng pangako sa harap ng altar na magsasama sila sa hirap at ginhawa.
Isinasabuhay ito ng mag-asawang mula sa Dalaguete, Cebu, matapos nilang magtapos nang sabay sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS).
Nag-graduate sila noong Martes, September 6, 2022.
Sila ay si Edgardo dela Torre, 41, at misis niyang si Rochelle dela Torre, 39.
Si Edgardo ay nag-graduate ng elementary, habang si Rochelle ay nagtapos sa junior high.
Si Edgardo ay tagagawa ng hollow blocks at barangay tanod, habang ang misis niya ay housewife.
Agad nag-trending ang mga litratong kuha ni Aneza Cayme ng A. Cayme Photography sa mag-asawa nang i-post ang mga ito sa Facebook.
Suot ang kanilang mga toga, bitbit nina Edgardo at Rochelle ang kanilang dalawang anak.
Nagmartsa ang mag-asawa sa stage at tinanggap ang kanilang mga diploma.
MAGKASAMA HANGGANG SA PAG-ABOT NG DIPLOMA
Grade 2 nang mahinto si Edgardo sa kanyang pag-aaral, ulat ng Philippine Star.
Pagkalipas ng 34 years, itinuloy ang naunsiyaming pag-aaral sa pamamagitan ng ALS ng Department of Education o DepEd.
Very proud niyang nabanggit na graduate na siya ng elementary ngayon.
Si Rochelle ay naghintay ng halos 25 taon bago makabalik sa pag-aaral.
Mahirap man pagsabayin ang pag-aaral at pag-aalaga ng pamilya, kinaya ng mag-asawa ang kanilang mga responsibilidad.
Ito ang nakaka-inspire na mensahe ni Edgardo sa mga tulad nila: “Para sa mga kabataan at sa mga ka-edad ko rin, patuloy lang kayo mag-aaral. Hindi hadlang ang kahirapan.”
Sambit naman ni Rochelle, “Nais kong iparating sa mga kabataan na hindi hadlang ang pagiging mahirap sa pag-aaral sa ALS.
“Samahan lang natin ng sipag at tiyaga upang makapagtapos ng pag-aaral para sa ating pamilya.
“Sa awa ng Diyos, balang araw, makakapagtapos tayo sa pag-aaral.”
Ang mag-asawang Edgardo at Rochelle dela Torre (center) sa graduation nila. All-out support naman ang mga guro na kinarga ang dalawang anak ng mag-asawa habang tinanggap ng mga ito ang kanilang award at diploma.
Plano ni Rochelle na tumuloy sa senior high school kung may pagkakataon.
Ang pagsisikap ng mag-asawa ay para sa kanilang pamilya.
Caption ng photographer sa nag-viral na graduation pics ng mag-asawa: “Silang dalawa ay may mataas na pananaw na makapagtapos ng pag -aaral upang mabigyan nila ng magandang buhay ang kanilang mga anak, gaano man kahirap ang maaari nilang madaraanan.
“Silang dalawa ay patunay na hindi sagabal ang pagkakaroon ng anak at kahit may edad na upang abutin ang mga pangarap sa buhay.
“Binigyan nila ng malaking halaga ang edukasyon.”
Read also:
- Delivery rider and hari ng raket Ax Valerio graduates magna cum laude
- Seaman’s son finishes summa cum laude in university where U.S. President Joe Biden graduated
- Pang-MMK story ni Baltazar Dela Trinidad, 28, magna cum laude at board topnotcher
SECOND CHANCE PARA SA MGA GUSTONG MAG-ARAL ULIT
Marami-rami na ang natutulungan ng DepEd sa pamamagitang ng ALS upang makamit ang kanilang inaasam na diploma.
Ang programang ito ay inilunsad upang magbigay ng “practical option to the existing formal instruction for Filipino out-of-school children, youth, and adults.”
Habang ang formal education system ay classroom-based, ang ALS system ay community-based.
Ito ay karaniwang idinaraos sa mga community centers, barangay multi-purpose halls, at libraries.
Ang mga estudyante ng ALS ay maaari rin sumailalim sa isang modular program sa pagsubaybay ng ALS learning facilitators tulad ng mga mobile teachers at instructional managers.
Ayon sa World Bank, ang Pilipinas ang isa sa mga may pinakamalawak na second-chance education program.
Sa pagtaya nito, mahigit 5.5 milyong Pilipino na 15 anyos pataas ang sumasailalim sa ALS.
Payo ng World Bank na pagtibayin ang programa at magsilbing modelo para sa ibang bansang may parehong krisis sa edukasyon.
Nito lamang June 9, 2022, magkasamang inilunsad ng DepEd at UNICEF ang ALS 2.0, na inaasahang makakatulong upang lalo pang mapalakas ang suporta sa edukasyon at sa mga out-of-school children, youth, and adults na matupad ang kanilang mga pangarap.