Maraming trahedya na hinarap si Jasper Espinoza Prisco bago siya naging isang board topnotcher.
Top 8 si Jasper, 24, ng Mandaluyong City, sa August 2022 Mechanical Engineer Licensure Examination. May rating siya na 93.00 percent.
Produkto siya ng Polytechnic University of the Philippines–Manila, at nagtapos noong September 2020.
Pero lahat nang ito ay hindi kasama sa orihinal niyang plano.
Kuwento ni Jasper, “Maging chemical engineer talaga ang gusto ko, and my dream school is University of Santo Tomas.”
Pero hindi kaya ng kanyang pamilya ang tuition fees doon, kaya napili niya ang Polytechnic University of the Philippines (PUP).
“That time, umaasa lang kami sa Papa ko who is working as a messenger."
Nakapanayam si Jasper ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong September 8, 2022 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Ayon pa kay Jasper ay muntik din siyang hindi makapasok sa PUP dahil naubusan siya ng slot para sa kursong mechanical engineering (ME).
“And by that time, PUP lang ang nakunan ko ng entrance exam, at muntikan na din akong hindi pumasa.
"Hindi ko sinukuan at nag-try ako if pwede pa akong maisingit. Ilang araw akong naghintay at nagpabalik-balik para lang dito.

“I felt hopeless na talaga kasi feel ko, I might take another course na hindi ko naman gusto.”
Mag-a-apply na sana siya sa Architecture Department nang mag-text sa kanya ang chairperson ng ME Department.
“Nag-meeting kami so I can arrange my requirements fully for ME. And the rest is history.”
pagkalugmok dahil sa mga trahedya
Taong 2017 nang pumanaw ang kanyang ama. Third year college si Jasper noon.
“It was devastating for us...
“Kasi tatay ko ang breadwinner namin. Yung kapatid ko ay nasa Grade 10 pa lang.”
Hindi sila handa.
“So, totally we were blinded what to do next in our life. Paano kami magmo-move on, paano namin itutuloy ang buhay namin at paano kami magsisimula ulit nang kami-kami na lang.
“As a college student, medyo lutang pa akong pumapasok. Iwas din ako sa mga usaping family-related. I used to focus myself in other things that makes me distracted for a while, like playing mobile games.”
Gayunpaman, hindi mawala sa isip niya na hindi na kumpleto ang kanilang pamilya.
“I thought sa mga movie lang nangyayari itong mga ganitong bagay, but this situation opened my eyes to the hurtful realities that truly life is short and anything can happen in a snap.”
Isa pang trahedya ang naganap sa kanilang buhay.
“August 2018, nasunugan naman kami. Lahat nang naipundar ng mga magulang ko, nasunog lahat.”
Wala silang naisalba kundi mahahalagang dokumento.
“Tumira kami sa evacuation gym for almost a year din. Dun ko naranasang makipagsiksikan sa lahat. Sa paggamit ng comfort room na almost 50 families ang gumagamit.”
Naranasan niyang maligo nang maraming kasabay at tabi-tabing matulog.
“The only thing that separates your family from the other is a piece of plywood.”
Wala silang privacy.
Ani Jasper, “Ang hirap... Ang hirap manirahan sa evacuation center.
“Wala kaming pera. Wala pang trabaho ang nanay ko. We even celebrated Christmas and New Year just like a normal day there because we do not have anywhere else to go to.”
Hindi na rin nila maisip ang magsaya dahil sa mga trahedyang dumating sa kanila.
“Nakakapanibago. We celebrated holidays and special occasions without my father and without our house, our home.”
UNTI-UNTING PAGBANGON
Pero tuloy ang buhay at ang biyahe tungo sa kani-kanilang pangarap.
Nakapasa siya bilang Department of Science and Technology-Science Education Institute (DOST-SEI) scholar kaya naipagpatuloy niya ang pagkokolehiyo.
Nakapasa rin ang kanyang ina sa libreng caregiver course.
“Ito na yung naging source of income din namin kahit hindi consistent."
Malaking tulong din sa kanya ang mga kaibigan.
“Sila yung nanlilibre pag walang-wala akong pangkain. Umaalalay pag kailangan na kailangan ko ng tulong. Nakakasama kong maglibang pag nag-o-overthink na ako ng mga bagay-bagay.”
Ang kanyang nakababatang kapatid ay nasa kolehiyo na rin at kumukuha ng kursong edukasyon sa Philippine Normal University-Manila.
STRUGGLE DURING REVIEW
Ang pinakahuling milestone sa buhay ni Jasper ay ang pagiging ganap na niyang mechanical engineer.
Pero bago nito, nakaharap niya ang katakut-takot na pagsubok.
Nariyang wala siyang panggastos dahil umuwi sa probinsiya ang kanyang ina para alagaan ang kanyang lola.
“Wala kaming any source of income. Dalawa lang kami ng kapatid ko ang naiwan sa aming bahay with calculated budget para sa aming pagkain at bills.”
Para makatipid, hindi na siya kumakain ng breakfast at lunch, at naglalakad na lang papasok sa review center.
Naisip din niya na magtrabaho na lang.
“Kasi sobrang wala na talaga kaming panggastos.
“Pero I know myself. I will not be focused enough if magwo-work ako. Kaya lakasan na lang talaga ng loob at konting tipid pa para mairaos ang review.”
Araw-araw din niyang struggle ang mga tulo sa kanilang bahay kapag umuulan, pambayad sa review, at kung kanino mangungutang.
“Ang masasabi ko lang talaga, mahirap maging mahirap.”
Nawalan din siya ng ganang mag-take ng exam dahil sa paulit-ulit na cancellation sanhi ng pandemya.
“Feeling ko nasayang lahat ng effort ko at mga ginastos ko, lalo pa’t very limited lang din ang source of income namin.”
MAHIRAP ANG BOARD EXAM
Finally, nung kumuha siya ng board exam, nagkaroon ng doubts sa sarili si Jasper.
“Board exam is anybody's ball game. Kahit sino talaga ay puwedeng bumagsak.
“Kalaban mo habang nagte-take ka ay ang sarili mo rin.”
Aminado siyang nahirapan siya,
“Walang madaling licensure exams. In fact, lahat iyan mahihirap. Walang babagsak kung madali lang iyan, e.
“This is the end game. Yung five or more years mong inaral, it will boil down to just 300 questions only. Lisensiya ang nakataya.”
NARAMDAMAN NA KAYA NIYANG MAGING TOPNOTCHER
Throughout his college life, normal siyang estudyante na hindi gaanong masipag mag-aral.
“Pero sabi ko sa sarili ko, pag magte-take na ng board exam, magseseryoso na ako. So I did.”
Ginawa niyang goal ang maging topnotcher.
“Para win-win situation ang motivation ko.”
Habang nagrereview ay naramdaman niyang kayang-kaya ang maging topnotcher.
“Ipinagpatuloy ko ang pace ng pag-aaral ko. I even studied more, harder, and wiser until ito na nga, everything paid off.”
Gayun na lang ang pagkabigla at galak niya nang maging Top 8 siya.
“Pagkabigla kasi out of 5,000 plus takers, isa ka sa sampung bukod-tanging nakapagkamit ng mataas na rating.
“Pagkagalak kasi nagbunga lahat ang paghihirap ko. Yung three months na wala halos budget sa pagkain, pamasahe, at pangtustos pa sa pangangailangan namin, lahat iyan ay nagbunga.”
Bulalas niya, “Totoo ang kasabihang pag may tiyaga ay may nilaga.”
Inialay niya ang tagumpay sa Diyos, sa namayapa niyang ama, at sa kanyang ina, at kapatid.
Pinasalamatan din niya ang mga kaibigan at kaklaseng sinamahan siya sa kanyang journey.
Sa ngayon ay plano ni Jasper na magpahinga sandali bago maghanap ng trabaho.
“Ito na yung turning point ng buhay namin. Finally, I can be the breadwinner and I can sustain my family na.
“Puwede nang alagaan ng mama ko ang lola ko sa province, and I can somehow provide for my sister's education.
“Sila ang nakasama ko sa paghihirap ko, kaya this time, itong tagumpay ko ay kanila din.”