Watch Now

Meet Prince Del Rosario, "lucky charm" ng board examinees sa San Fernando, La Union

by KC Cordero
Sep 26, 2022
Prince Del Rosario in formal attire, and while sharpening pencils
“Lucky charm” kung ituring ng mga kukuha ng board exam ang twice naging topnotcher na si Michael Prince N. Del Rosario. Pag sa kanya umano nagpatasa ng lapis, malaki ang chance na pumasa rin sila.

Itinuturing na “lucky charm” ng mga kumukuha ng board exam si Michael Prince N. Del Rosario, mas kilala bilang Prince, ng San Fernando, La Union.

Sa kanya nagpapatasa ng lapis o kaya ay nagpapahawak sa kanya para umano maisalin niya sa mga board-exam takers ang kanyang “bertud.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang 33-year-old licensed nurse and teacher noong September 22, 2022 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

Art card congratulating Prince Del Rosario

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kuwento niya, “Graduate ako ng Bachelor of Science in Nursing sa Lorma Colleges nung March 2010.

“Nag-take naman ako ng Certificate in Teaching sa DMMMSU [Don Mariano Marcos Memorial State University] nung March 2015.

“Nag-top ako sa board exam ng nursing, rank number 8 nung 2010, at top 1 sa licensure examination for teacher nung 2016.”

NALULONG SA ONLINE GAMES, NAGING HIGH SCHOOL DROPOUT

Kung pagbabasehan ang mga achievements na ito, iisiping consistent ang kanyang stellar academic performance.

Pero may mga taon pala na nalulong daw siya sa paglalaro ng online games noong high school. Sa sobrang pagkahumaling niya, huminto siya sa pag-aaral.

“Ang malala pa niyan, itinago ko sa mga magulang ko na ako ay hindi na nag-aaral nun.

"Buong akala nila ay nag-aaral ako, pero hindi nila alam ay naglalaro lang ako ng computer games.”

At ang mas grabe pa niyang ginawa, “Pineke ko lahat! Mula sa quizzes, field trips, JS proms, at pati mismong report card.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ani Prince, tumagal ng tatlong taon ang kanyang pagloloko.

“Pineke ko na lang ang aming graduation. Mabuti na lang at may Alternative Learning System ang Department of Education at ako ay nag-qualify na mag-college.

“Ngunit hindi rin alam ng aking mga magulang na ako ay nag-take ng ALS.”

Pangalawa si Prince sa apat na magkakapatid. Ang mga magulang niya ay pagre-repack at pagbebenta ng uling ang hanapbuhay.

Aniya, “Hindi nakapagtapos pareho ang aking mga magulang, pero itinaguyod kaming magkakapatid upang makakain at makapag-aral.”

NAGPAKATINO SA KOLEHIYO

Dahil nakapasa sa ALS, nakapagkolehiyo si Prince.

“Kumuha ako ng nursing dahil iyon ang in demand nung mga panahong iyon, at iyon ang nakikita kong paraan para kumita agad ng pera sa abroad.

“Halos lahat ng mga kasabayan ko nun ay nursing ang kinukuha, at dala na rin siguro ng peer pressure ay iyon na rin ang aking kinuha.”

Aminado siyang nahirapan sa buhay kolehiyo dahil bukod sa kulang sa budget, laging naroon ang kaway ng online games.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Pinanghawakan ko na lang ang pangarap ko na gusto ko makabawi sa magulang ko sa mga kasalanan ko kaya pinilit kong magtapos.”

Nang kukuha na siya ng board exam, problema rin niya ang gastos sa boarding at tuition fees para sa review.

“Araw-araw din ang struggle sa pag-intindi sa concepts na parang bago sa pandinig ko. Pati iyong pagod at hirap sa pag-aaral at puyat.”

Hindi naman umano siya nahirapan sa exam.

“To be honest, kung mayroon man sigurong mahirap ay iyong kung paano ko iko-convince ang sarili ko na kaya ko talagang pumasa at maging topnotcher.

“Mahirap kalaban ang doubt. Mahirap kalaban ang kaba. Mahirap kalaban ang takot.

“Pero pinanghawakan ko lang uli ang pangarap kong maging matagumpay para sa pamilya.”

NANIWALA SA MGA PAMAHIIN BAGO KUMUHA NG BOARD EXAM

Pagtatapat pa ni Prince, simula first-year college ay nangarap na siyang maging topnotcher.

“Alam ko sa sarili ko na I was destined to be great and that I was born to succeed.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Alam kong hindi iyon magiging madali, pero alam kong hindi rin iyon imposible.”

Kaya kahit mga pamahiin nung nagre-review at pag-take ng board board exam ay sinunod niya.

“Nagsuot ako ng red na underwear. Nag-alay ang nanay ko ng mga itlog sa simbahan. Naglagay ako ng piso sa aking sapatos.

“Pero ang pinakatumatatak talaga ay nung nagsimula akong magpatasa ng lapis sa isang lecturer namin na topnotcher din sa board exam.

“Naniniwala kasi ako na pag tinasahan ang lapis ko ng isang topnotcher ay para bang maipapasa sa akin ang kanyang bertud o suwerte.”

EFFECTIVE SA KANYA ANG MGA PAMAHIIN

Sa dalawang board exams niya, ang ginamit niyang lapis ay tinasahan ng mga topnotchers.

Sa una niyang board exam, medyo nagulat siya na top 8 siya.

“Hindi ko ine-expect. Matindi ang labanan nun dahil kasabayan ko ang mga galing UP at UST na talaga namang kilala na sa nursing board examinations.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Mas kumpiyansa naman siya sa pangalawang board exam na kinuha.

“Dahil mas prepared na ako at less na ang kaba. Kumbaga, masasabi ko na sa sarili ko na beterano na akong test-taker nung nag-take ako ng LET.

“Ang aking tagumpay ay inaalay ko sa Diyos, sa aking pamilya, sa mga naniniwala sa akin, at pati na rin sa aking sarili.

'Hinding-hindi ko mararating ang mga ito kung ako lang mag-isa.”

SIYA NA ANG LUCKY CHARM NGAYON

National lecturer na ngayon sa isang review center si Prince.

“Ako naman ang nagtatasa ng lapis ng mga examinees.”

At dahil maraming nakakapasa sa ipinagtatasa niya ng lapis, tinagurian siyang “the lucky charm topnotcher."

Prince Del Rosario sharpening pencils

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ani Prince, “Marami ang hinahabol ako para lang magpatasa. Yung iba nga ay nagpapahawak pa para raw mabasbasan.”

Pero pagbibigay-diin ni Prince, “Alam kong wala naman itong scientific explanation.

“Pero naniniwala ako na nakakadagdag ito ng confidence sa mga board-exam takers, or dreamers, in general.”

Kasalukuyan din siyang nag-aaral ng abogasiya, at magte-take na ng bar exam next year.

Ang payo niya sa mga kabataan, “Huwag na huwag bibitiwan ang inyong pangarap, at ipaalala sa sarili nila kung bakit ba nila ito ginagawa at kung para kanino ba ang kanilang tagumpay.”

Huwag din aniyang humiling ng buhay na walang problema.

“Sa halip ay ipag-pray natin na magkaroon ng lakas at kakayahang malampasan lahat nang ibabato sa atin ng kapalaran.”

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
“Lucky charm” kung ituring ng mga kukuha ng board exam ang twice naging topnotcher na si Michael Prince N. Del Rosario. Pag sa kanya umano nagpatasa ng lapis, malaki ang chance na pumasa rin sila.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results