Watch Now

Meet Grace Mapanao, board topnotcher at age 48

by KC Cordero
Oct 1, 2022
Old graduation photo and current photo of Grace Mapanao
Aminado si Grace Mapanao na natakot siyang bumagsak sa board exam. “Sa edad kong 48, di na ganoon ka-sharp ang utak ko at medyo hirap na sa pag-memorize, isama pa ang persistent headache na nararamdaman ko at asthma na di na nawala. Pero since science ang natapos ko, ginamitan ko ng siyensya ang pagre-review.” Pero ang ending, topnotcher siya.

Sa edad na 48, may isang bagay na napatunayan si Ma. Gliceria B. Mapanao, mas kilala bilang Grace, ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Wala sa edad ang pagiging achiever.

Top 3 siya sa March 2022 Licensure Examination for Teachers-Secondary Level.

May rating siya na 92.20 percent.

Art card congratulating Grace Mapanao

Nakapanayam si Grace ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong September 25 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kuwento niya, “Happily married po ako at may nag-iisang anak na lalaki na second-year college na ngayon.”

Nagtapos si Grace ng B.S. Biology sa University of Santo Tomas noong March 1994.

Plano sana niyang maging doktor.

“Noong nakatapos ako ng B.S. Biology, nakapasa ako sa UST College of Medicine. Para makapag-enroll, isinangla ko ang kuwintas na regalo sa akin ng aking nanay sa aking 18th birthday.

“Pero one semester lang ako roon dahil hindi na talaga kayang tustusan ang mga gastusin.

"Nagtrabaho na lang ako sa mga kamag-anak, hanggang sa ako ay makapag-asawa.”

FROM MED STUDENT TO SUBSTITUTE TEACHER AND PRIVATE TUTOR

Year 2011 ay nagturo si Grace bilang substitute sa kapatid niyang napilayan.

Nagustuhan ng pamunuan ng school ang kanyang pagtuturo, at naging pre-school teacher siya.

Bukod dito, naging private tutor din siya sa loob ng 10 taon.

“Then nag-apply po ako sa Datamex [College] and agad pinagturo ng science. Need ng license within five years, otherwise tatanggalin daw kami sa work.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Noong June 2019, nag-enroll siya sa La Concepcion College, CSJDM, Bulacan para makakuha ng Certificate in Teaching Profession.

“Nang matapos ko ang CTP noong October 2019, tanong ko sa anak ko na noon ay Grade 10 sa Philippine Science High School, Central Luzon Campus, ‘Anak, sa tingin mo, magre-review center pa ba ako, o huwag na lang?’

Sagot daw ng anak niya, "Mommy, mag-review ka naman para mag-top ka!"

Ani Grace, nag-expect ang anak niya na kapag nag-review center siya ay magta-top siya.

“Dahil ako ay may-edad na, isinikreto ko ang pagre-review ko for LET. Ako, asawa, at anak ko lang ang nakakaalam.”

Ang dahilan niya, “Takot kasi akong bumagsak... Takot ako sa pressure.

“Sa edad kong 48, di na ganoon ka-sharp ang utak ko at medyo hirap na sa pag-memorize, isama pa ang persistent headache na nararamdaman ko at asthma na di na nawala.

“Pero sabi ko nga, since science ang natapos ko, bakit di ko gamitan ng siyensiya ang pagre-review?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ang ginawa raw niya, gumigising siya nang maaga, nagsu-zumba habang nagpapa-init ng tubig para sa kape, pagkatapos ay taimtim siyang magdarasal.

“Saka ako magre-review. Halos puro drills na ang ginagawa ko; pagsagot sa Yellow Books ng CBRC, repetition ng authors and works, kuwento over lunch and dinner ng bagong concepts, at nood ng YouTube videos ng mga CBRC Icons.”

PUMANAW ANG AMA

Noong March 9, kasagsagan ng pagre-review ni Grace, isinugod ang kanyang ama sa ospital.

“Kinutuban na ako nang hindi maganda. Dito ko unang sinabi sa kapatid ko na ako ay nagre-review for LET at sa March 27 na ang exam ko.”

Hindi na siya inabala ng kapatid.

“March 12, tumawag uli ang kapatid ko, dinala raw uli si Papa sa ospital dahil biglang nanigas. Alam namin na may taning na si Papa, nalampasan pa nga niya ang taning na iyon.

“Dito ko nasabi na, ‘Papa, patapusin niyo naman po muna ang board exam ko, two weeks na lang naman...’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Wala pang isang oras, tumawag uli ang kapatid ko, wala na raw si Papa, di rin niya naabutan nang buhay. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa!

“Pero sabi ko nga, kailangan ako ng kapatid ko, kailangan ako ni Papa. Inuna ko sila, bahala na ang review.”

Habang nakaburol ang ama, ipinagpatuloy ni Grace ang pagre-review.

“Nagtitiyaga ako sa mahinang signal ng internet para maka-attend sa online review, nagno-notes habang nakikinig ng lecture.

“Nang dumating ang mga co-teachers at mga kaibigan ng kapatid ko, ipinakilala ako, sabay sabing, ‘Ate ko nga pala, nagre-review iyan ngayon, magle-LET din. Matalino iyan, magta-top iyan!’

“Hiyang-hiya ako... Parang gusto kong lamunin na lang ng lupa noong panahon na iyon.

"Sikreto nga ang pagre-review ko, 'tapos ipinangalandakan ng kapatid ko at sinabi pang magta-Top ako!”

HINDI NA NAG-EXPECT NA MAGIGING TOPNOTCHER

During the exam, nahirapan si Grace.

“Sobra! Halos laging last o second to the last akong mag-submit ng questionnaire at answer sheet.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Sa kagustuhan kong mag-top, ibinuhos ko na lahat ng nalalaman ko.

“Binilang ko kung ilan ang sagot na hindi ako sigurado at yun ang iniyakan ko dahil sa dami ng inakala kong maling sagot ko, di aabot sa score na pang-topnotcher.”

Dalawang linggo siyang hindi makausap nang matino dahil sa sobrang lungkot. Ayaw niya kasi yung pakiramdam na binigo niya ang mga nagtitiwala sa kanya.

“Pilit kong sinusubukang tanggapin na hindi ako magta-top.

“Sobra kasi ang paniniwala sa akin ng aking asawa at anak na ako ay magta-top, at gusto kong suklian lahat ng effort at sacrifices nila para sa akin.

“Gusto ko ring maging national lecturer ng CBRC dahil may mga Icons at lecturers na nag-inspire at nag-motivate na kami ay makapasa at mag-top.”

April 29 lumabas ang resulta ng exam.

List of Top 10

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Nanlamig ang kamay ko at nag-click agad ng link. Unang binuksan ko ay yung List of Topnotchers for Secondary Level.

“Nakita ko yung kakaibang pangalan ko, school kung saan ako nagtapos, at general average na 92.20. Nasa pangatlong line.

“Hindi ako makapaniwala!”

Inialay ni Grace ang tagumpay sa Panginoon, at sa mga namayapang magulang.

“At higit sa lahat, sa aking asawa, anak, at kapatid na labis na naniwala at nagtiwala na kaya ko pang mag-Top.

National lecturer ngayon si Grace ng CBRC. Kasama sa plano niya ang kumuha ng master's at doctorate degrees.

Art card showing Grace Mapanao as lecturer

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Aniya, “Di man naging medical doctor, baka maaaring maging doctor of philosophy naman.”

Payo niya sa mga na-inspire sa kanyang story, “Ituloy ninyo ang pangangarap. Gawin ang nararapat upang magtagumpay.

“Try to be a better person than you were yesterday. Anumang setbacks ang kaharapin, the show must go on. Huwag mag-give-up.

"At kapag naabot na iyon, panatilihing ang mga paa ay nakatapak sa lupa.”

Read also: Meet Pauline Jane Acag, 1st female engineering board topnotcher ng Isabela State University

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Aminado si Grace Mapanao na natakot siyang bumagsak sa board exam. “Sa edad kong 48, di na ganoon ka-sharp ang utak ko at medyo hirap na sa pag-memorize, isama pa ang persistent headache na nararamdaman ko at asthma na di na nawala. Pero since science ang natapos ko, ginamitan ko ng siyensya ang pagre-review.” Pero ang ending, topnotcher siya.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results