Watch Now

Joemar Capinlac, 29, dating janitor, ngayon ay PhD holder

by Bernie V. Franco
Oct 31, 2022
joemar pinlac Ph.D
Joemar Capinlac: “I never dreamt for success, but I worked for it.”
PHOTO/S: Joemar Capinlac

Si Joemar Capinlac, 29, ay isang senior high school teacher sa Pine City National High School sa Baguio City.

Nakapasa siya sa board exam sa first take.

Mayroon siyang master’s degree at natapos na rin niya ang kanyang Doctor of Philosophy o PhD.

Ito ang success story ni Joemar, na namasukang janitor noon sa unibersidad para lang makapagtapos sa college.

Sa kuwento niya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong October 18, 2022, sinasabihan daw siya na “janitor ka lang” at walang mararating.

Pero aniya, “Isa din po iyan sa naging motivation ko to strive harder. Yes, minaliit noon, ngunit ako’y pilit na bumangon.”

Sabi pa ni Joemar sa kanyang banayad na boses, "Ang dati pong janitor niyo noon ay isa na pong Doktor sa Pilosopiya sa larangan ng Wikang Filipino.”

Siya ang unang graduate sa kanyang pamilya.

joemar capinlac PhD

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Tatlong taon nang nagtuturo si Joemar sa public school sa Baguio.

Pero bago iyon, nagturo muna siya sa private school sa loob ng apat na taon.

Malalim ang pananagalog ni Joemar dahil Filipino ang kanyang major.

“Sa pamamagitan ng pagsusumikap ay aking naabot ang mga pangarap sa buhay na tila imposible para sa akin.

“Ngunit sa tulong po ng ating Panginoon ay aking naabot ang hindi inaakalang tagumpay sa buhay.”

Nagtapos si Joemar ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa University of Cordilleras noong 2015.

Sa apat na taon niya sa kolehiyong iyon, apat na taon din siyang nagsilbing janitor.

Pagka-graduate, nakakuha agad siya ng teaching job.

Habang nagtuturo, isinabay ang pagre-review para sa board exam na naipasa niya noong November 2015.

Matapos makapasa sa board, itinuloy ang pagtuturo at pagkuha ng Master of Arts in Filipino sa Pamantasan ng Benguet.

Nagtapos siya noong 2018.

Itinuloy niya ang pagkuha ng PhD in Filipino sa Benguet State University, La Trinidad, Benguet noong 2019 at nagtapos noong July 2022.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Si Joemar na inaalipustang janitor na walang mararating ay dalubhasa ngayon sa karerang napili.

BISIKLETA ANG NAGING KAAGAPAY NOON

Lahad niya sa PEP.ph, “Isa ako sa magpapatotoo na ni kailanman ay hindi hadlang sa aking pagkatao ang kahirapan.

“Sa halip ito ay aking ginamit bilang susi upang sa gayon ang aking inaakalang pangarap ay abot ko na. At ngayon ay aking masayang nagagamit."

Sabi ni Joemar, kung anuman ang kanyang narating, pinaghirapan niya ito.

Si Joemar ay may apat na kapatid. Apat na taon lamang siya nang maulila sa ama.

Mag-isa silang itinaguyod ng ina. Muling nag-asawa ang ina at nagkaroon pa ng dalawang kapatid si Joemar.

Noong nag-aral sa elementary si Joemar, dalawang oras ang nilalakad niya araw-araw sa pagpasok.

Dumadaan siya sa bukid hanggang sa makarating sa highway patungong La Paz Elementary School sa Cabatuan, Isabela.

Pagtuntong ng Grade V, naibili siya ng second-hand bike na ginamit sa pag-aaral hanggang sa makatapos ng high school sa La Paz National High School.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

PINAGSABAY ANG PAGIGING JANITOR AT STUDENT

Inakala ni Joemar na hindi na siya makakatuntong ng kolehiyo. Hirap sa buhay ang kanilang pamilya.

Pero may sumilip na pag-asa: “Dahil sa advertisement ng University of the Cordilleras, ako’y nabigyan po ng pagkakataon.

“Ako po ay hindi nagdalawang-isip na pumasok bilang isang janitor sa University of the Cordilleras.

“Ako’y naniniwala na sa pamamagitan ng mga mop, walis-tingting, at dustpan ay unti-unti ko pong maaabot ang aking mga pangarap.”

Kapalit ng pagiging janitor, nakapag-aral si Joemar sa unibersidad na free tuition at miscellaneous.

Mayroon din siyang PHP600 monthly allowance.

joemar capinlac PhD

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pero malaking hamon ang pagsasabay ng trabaho at pag-aaral.

Saad niya, “Kaya pagsisikap at pagpupursige ang kailangan talaga once na pinasok ang pagiging working student.”

Naging mailap ang pahinga at tulog sa apat na taon na iyon.

Nagsisimula ang kanyang trabaho ng 3:30 a.m. hanggang 9:00 a.m. – 10:00 a.m.

Diretso siya sa kanyang klase ng 10:00 a.m. hanggang 4:00 p.m.

Hamon din ang pagkasya sa allowance na natatanggap niya.

“Ang PHP600 po ay hindi ganoon kadali na pagkasyahin sa isang buwan.”

Kahit mahirap, ipinagpatuloy ito ni Joemar. Tiniis din niya ang mapalayo sa kanyang pamilya.

“Kung ito’y aking ihihinto, mas wala akong makakamit o hindi ko po maaabot ang aking mga pangarap sa buhay.”

"JANITOR KA LANG!"

Inamin ni Joemar na nakaramdam siya noon ng hiya sa pagiging janitor.

“Tao lang po tayo. Madalas ay nahihiya po ako,” sabi niya.

“Ngunit ako po ay naniniwala na kung hiya ang aking paiiralin, paano na ang aking pangarap sa buhay? Tiyak na mas kawawa…”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Bukod sa hirap ng pagiging working student, matindi ang pang-aalipustang natanggap niya mula sa ibang mga estudyante na sinasabihan siyang “janitor ka lang" kapag naglilinis sa mga laboratory sa preschool at junior high school ng unibersidad.

“Sabi sa akin ng classmates ko na, ‘Janitor ka lang, walang patutunguhan.’

“Kung papatulan ko sila, ako din ang magiging talunan,” aniya.

Imbes na pang-hinaan ng loob, mas nagkaroon siya ng motivation na pag-igihan ang pag-aaral.

Sabi niya, “Aking pinatunayan na ako man ay naging janitor, ngunit ngayon ang janitor po noon ay isa na pong doktor [sa Pilosopiya] ngayon.”

joemar capinlac Ph.D

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

DAHILAN NG PAGKAKAKADALUBHASA

Inusisa ng PEP.ph si Joemar kung bakit hinangad niya ang magpakadalubhasa sa napiling karera.

“Ako po’y naniniwala na sa buhay natin ay hindi tayo humihinto sa pagkatuto.”

Sabi niya, sa pagkakaroon niya ng master’s degree at PhD ay “higit po akong makatutulong sa mga kabataan… higit po akong makapaglilingkod.

“Ako po’y naniniwala na habang tayo ay nabubuhay, patuloy din po tayong natututo.”

At higit sa lahat, gusto niyang maging testamento ang kanyang success story pagdating sa pag-abot ng mga pangarap.

Giit ni Joemar, “Paulit-ulit nating naririnig na ang kahirapan ay hindi hadlang sa pag-abot ng mga pangarap.

“Ako po ay naniniwala ang pagiging janitor ko po, ito po ang nagbigay liwanag sa aking pagkatao.

“I never dreamt for success, but I worked for it.”

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Joemar Capinlac: “I never dreamt for success, but I worked for it.”
PHOTO/S: Joemar Capinlac
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results