Habang wala pang lalahukang tournament ang Filipino chess champion na si Bince Rafael Operiano, tutok muna uli siya sa kanyang pag-aaral.
Nagkampeon siya sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championship na ginanap sa Bangkok, Thailand last November 4-12, 2022
Grade 3 na ang nine-year old na si Bince sa San Isidro Elementary School sa Oas, Albay.
Ayon sa kanyang amang si Ben, okey naman daw ang pag-aaral ng bata at naisasabay nito sa mga aralin ang patuloy na pagsasanay sa chess.
Ani Ben sa panayam ng mamamahayag na si Carlito “Papa Caloy” Dalangin noong November 15, 2022, “Active naman si Bince sa klase.
“Kung ia-average mo naman sa pagkaklase, nasa gitna naman po siya.”
Binanggit din ni Ben na may iba pang dreams si Bince bukod sa maging Grandmaster.
“Saka gusto niyang magpalipad ng eroplano at magsundalo.”
Ang tanging hiling ni Ben, sana ay matulungan ang kanyang anak sa mga gamit sa chess at sa training nito.
“Siyempre po mahal ang bayad sa mga Grandmaster at International Master coach. Sana matulungan nila kami sa mga ganun.
“Mga [chess] books. Hinuhulugan ko din lang po yung laptop na ginagamit ko na pang-training sa kanya.”
Samantala, noong November 21 ay kinilala ng House of Representatives ang tagumpay ni Bince sa Thailand sa pamamagitan ng House Resolution (HR) No. 576.
Ayon sa resolusyon, “In winning the chess championship in the international arena, Bince Operiano brought immense pride to the Filipino people and inspired his peers and the future generations of chess players to achieve greatness despite the odds that are stacked against them.”
Sinabi naman ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee, isa sa may akda ng resolusyon, “By winning a trophy and four medals, he has made our country proud and has shown the spirit of Filipino competitiveness and excellence in chess.
“He deserves to be commended for the honor, recognition, and inspiration he has brought.”