Sinulit ni Ross Leo Mercurio, 22, taga-Gumaca, Quezon, ang lahat ng pagsisikap ng kanyang ama na si Rosauro Mercurio Jr., 64, na nagbebenta ng bakal, bote, at plastic.
Higit pa sa hiling ng kanyang ama na pagbutihin ang kanyang pag-aaral ang tinupad ni Ross.
Nag-graduate siya bilang cum laude sa kursong Bachelor of Science in Agri Business Management and Entrepreneur sa Polytechnic University of the Philippines-Lopez Quezon.
Naantig ang maraming netizens nang isapubliko ni Ross ang kanyang pasasalamat sa mga magulang, lalo na kay Mang Boy, ang kanyang ama na PWD (person with disability)
Sabi ni Ross sa kanyang appreciation post noong Thursday, November 17, 2022: “Sa aking huwarang ama na laging andyan para sa aming pamilya; na ginagawa ang lahat para maitaguyod kaming magkakapatid para makatapos sa pag-aaral.
“Na sa kabila ng kanyang pagiging senior citizen at kapansanan ay hindi ito naging hadlang para sumuko.
“Hindi nagpapahinga para maibigay ang pangangailangan ng aming pamilya kahit araw ng Linggo [ay] andyan sa lansangan naghahanap buhay, minsan inaabot ng init at ulan sa lansangan pero hindi kailanman naisip na sumuko.”
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 4,000 reactions, 752 shares, at 640 comments ang post ni Ross.
Marami ang nagpaabot ng “congratulations” kay Ross at papuri para sa kanyang mga magulang.
May isang netizen ang nagpatunay sa kasipagan ni Mang Boy: “Kakaproud rin lalo si tatay; nakikita ko rin siya palagi sa daan at noong ako’y bata pa madalas ako magbenta sa kanya ng mga kalakal. Hindi hadlang ang kanyang kapansanan.”

Sabi ng isa pang Facebook user, “Masuwerte din ang magulang mo na may mga anak na marunong magpahalaga sa pinaghirapan at pinag sikapan ng magulang. Congrats!”
Ipinahayag ng isa pa ang kanyang paghanga nito sa mag-ama, "Congrats [clapping hands emojis] nakakatuwa naman sana lahat ng ama ay ganyan at sana lahat ng anak ay katulad mo, pinapahalagahan ang paghihirap ng ama para nga rin sa kinabukasan nu [niyo].”
CONSISTENT HONOR STUDENT
Nakapanayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Ross nito lamang Miyerkules, November 23, at ikinuwento ang mga hirap ng kanyang pamilya mula noong siya’y bata pa.
“Naranasan namin ang paghati-hatian ang isang kilo ng bigas sa maghapon; dito ko naranasan pumasok ng walang baon [at] ang tanging dala lang ay pamasahe pagpasok.”
Pero hindi naging hadlang ang mga pagsubok upang magsikap si Ross sa kanyang pag-aaral.
Saksi si Ross sa lahat ng sakripisyo ng kanyang ama.
Kuwento niya, “Hindi tumitigil si Papa hangga't wala siyang maiiuwi na pambili ng aming pagkain at saka baon naming magkakapatid sa araw-araw.”
Mariin umano ang bilin ng ama na pagbutihan nila ang kanilang pag-aaral dahil yun lamang ang kanyang maipapamana sa mga ito.
Ito rin ang nais ng kanyang inang si Liza, na suma-sideline sa “paglalala ng lubid na bunot na ginagamit sa slope protection para ma-prevent ang pagguho ng lupa,” upang makadagdag sa panggastos ng pamilya.
Imbes panghinaan ng loob, mas nagsumikap at nagsipag si Ross sa pag-aarak. Simula Grade 1 ay consistent honor student siya, sumali sa iba’t ibang activities sa school, naging school choir member at participant sa Sabayang Pagbigkas o Teatro.
one step closer TO HIS DREAMS
Plano dapat ni Ross noong una na kumuha ng kursong Criminology sa college upang matupad ang kanyang pangarap na maging bumbero.
Ngunit nauwi siya sa Agri Business degree.
Sa kanyang opinyon, “Farmers ang may pinakamalaking gampanin sa ating bansa.
"Sila ang nagpapakahirap para matustusan ang demand na kailangan natin sa agriculture.”
Matapos ang graduation, nagsisikap si Leo na makakuha ng magandang trabaho upang matupad ang pangarap ng kanyang mga magulang na mapagtapos ang iba pa niyang kapatid.
Ilan pa sa kanyang naka-line up na pangarap ay “pagawan ng magandang bahay ang aking mga magulang, bumili ng sasakyan dahil isa yun sa pangarap nila, tapos kumain sa mga class na restaurant (isa pa din sa pangarap nila), at pagtatayo ng sariling kabuhayan.”