Ilang beses nang naitampok si Augusto Virgo sa food vlogs at TV programs dahil sa kanyang trabaho bilang hotdog sandwich vendor sa Divisoria.
Naging viral siya sa TikTok nang i-upload ng isang suki ang kanyang produktong sobrang mura, pero hindi tinipid sa sangkap.
Ang kanyang hotdog products ay may apat na klase—jumbo, king size, giant, at cheese—na ang mga presyo ay mula PHP35 hanggang PHP60.
Bawat sandwich ay sagana sa lettuce, cucumber, cheese, ketchup, at mayonnaise, kaya ito ay makulay—kasingkulay ng kanyang buhay.
Si Augusto kasi ay dating magnanakaw, snatcher, “tirador” sa Divisoria, at isang dekada pang napiit sa bilibid.
A BITTER CHILDHOOD
Siyam na taong gulang pa lamang si Augusto, lumayas na siya sa kanilang bahay sa Batangas, paglalahad niya sa TikimTV YouTube Channel.
Napadpad siya sa Maynila at dito siya unti-unting namulat sa masamang gawain, tulad ng pagnanakaw.
Aniya, natuto siya ng sari-saring kawalanghiyaan: “Dati barumbado ako. Dati, e, talagang masamang tao ako.
“Nakaw rito, nakaw roon. Holdap dito, snatch dito, snatch doon.”
Hindi na nga raw mabilang sa mga daliri sa kamay at paa ang mga naging kaso laban sa kanya.
Ginawa raw niya ito para hindi magutom dahil wala siyang ibang matatakbuhan.
Nabanggit din niya ang pakikipaghabulan niya sa mga pulis kapag hinuhuli siya.
“Di ko kilala ang Diyos noong araw. ‘Pakialam ko sa Diyos,’ ganoon ako noon. ‘Sino ba yung Diyos para kilalanin ko Siya?’ ganoon ako dati.”
Hanggang sa mahuli siya at makulong sa loob ng isang dekada dahil sa isang mabigat na krimen.
A NEW LIFE
Kahit nung makulong siya, malaki pa rin ang pasasalamat ni Augusto na buhay siya.
Sabi niya, “Nung nahuli kasi ako, nasa isip ko masaya pa ako, e, dahil buhay pa ako. Dahil binigyan pa ako ng pagkakataon na mabuhay.”
Nagtrabaho sa kulungan si Augusto at nag-ipon. Nagtanim siya at gumawa ng mga basket.
“Dahil inisip ko lalaya pa rin ako, e. Hindi naman ako mabubulok, e. Sardinas nga lumalaya ako pa kaya.”
Nang makalaya siya, may humikayat sa kanya na magtinda ng hotdog sandwich.
Ginamit ni Augusto ang kanyang naipong pera bilang puhunan at sinimulan ang negosyo noong December 25, 2004.
Hindi nagtagal, dumami ang suki ni Augusto lalo na't mas masangkap ang kanyang hotdog sandwich.
“Kaya ko lang naman naisipang maglagay ng lettuce kasi parang nauumay na kasi yung iba sa hotdog sandwich lang—mayo, ketchup…
“Sabi ko, ‘Parang bitin yung tao sa ganon.’ Doon na ako nag-isip na dagdagan ng gulay na lettuce.
“Saka dito lang naman sa Divisoria ang bagsakan ng gulay, medyo mababa rin talaga yung lettuce dito.”
Ilan sa kanyang mga parokyano ay mga nurse, doktor, call-center workers, taga-opisina, at maging ang mga pulis na humuhuli sa kanya noon.
Kuwento ni Augusto, may mga suki siyang taga-Bulacan at Rizal na dinadayo siya.
“Di raw nila makalimutan ang tinda ko, e. Ako lang daw ang may tindang ganon na hindi raw sila tinitipid.”
A CHANGED MAN
Aminado si Augusto na ang nagpabago sa kanya ay ang asawa at tatlong anak.
Pagmamalaki niya, “Yung dating ako, nakalibing na iyon. Ibang ako na ito.”
Inamin din niya na naibibigay niya ang mga gusto ng kanyang mag-iina dahil sa kanyang pagiging tindero ng hotdog sandwich.
“Ngayon kung ano ang naituturo ng anak ko, naibibigay ko dahil nag-viral ako sa TikTok neto lang.
“Doon na unti-unting sumisikat yung tinda ko…”
At tuluyan na ngang tinalikuran na ni Augusto ang dating masamang gawain.
Hayag niya, “Sa ngayon, feeling ko andami kong pinasayang tao. Andami kong nabusog, hindi lang sa mata.
“Yung tipon pag nakakakain sila, nagpapasalamat sila sa ganoong presyo, nabusog sila.
“Kung dati sikat ako sa masamang bagay, ngayon sikat naman ako sa mabuting bagay.
“Yung nakaraan ko kasi, nakaraan ko na iyon. Yung sa ngayon ko naman ang iisipin ko.”
Nais daw niyang maging mabuting halimbawa sa kanyang mga anak at ipagmalaki siya ng mga ito balang araw.
“Sila kasi ang magdadala ng panibagong buhay pagdating ng araw.”
Ito raw ang pangarap ni Augusto na marinig mula sa kanyang mga anak: "'Yung tatay ko ganoon iyan dati, pero nagbago. Eto kami ngayon, nakapagtapos dahil sa tatay kong walanghiya, pero nagbago.'”