Dalawang linggo pa bago sumapit ang Pasko, pero si Teacher Melanie Figueroa, ang Santa teacher ng Hinaplanon National High School sa Iligan City, ay nakatupad na ng labintatlo (13) sa target niyang dalawampung (20) Christmas wishes ng kanyang mga mag-aaral.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Teacher Melanie nitong Lunes, December 5, 2022, at kuwento niya, nagsimula ang panata niyang ito seven or eight years ago.
“Alam ko po pag sasapit ang Pasko, extra generous po ang mga tao kaya naisipan ko na magtanong ng kung ano ang wish nila [mga students] sa Pasko 'tapos i-post ko sa FB [Facebook].”
Hindi naman siya binibigo ng kanyang mga generous na sponsors at benefactors.
Lahad ng butihing guro, “Isa po sa pinagpapasalamat ko ay ang pagkakaroon ng mga generous friends.
“Hindi po sila nag-aatubili na magresponde everytime po na may post ako. Minuto lang after ko i-post ay meron na kaagad magbibigay.
“Nagulat po ako grabe ang turnout ng mga grantors. Minsan umaabot ng lima ang gustong mag-grant sa isang wish lang.
"Kung sino po ang nauna, siya po ang pagkakalooban ko.
“Since busy din po ako sa trabaho ko, limitado lang ang natatanong kong wish, kaya marami pong gusto mag-grant na hindi nabigyan ng chance.
“So ginawa ko na ito taun-taon."
Pero ang pagtupad ng kahilingan ng mga estudyante kahit hindi Pasko ay sinimulan niya labing-isang taon na ang nakalilipas.
“WISH COME TRUE” KAHIT HINDI PASKO
Blessing para sa mga estudyante na bukod sa pagkakaroon ng isang gurong nagtuturo, ay gumagawa pa ng mga proyektong makatutulong upang mabawasan ang kanilang mga dalahin at matupad ang kanilang mga simpleng hiling—kahit hindi Pasko.
Sinimulan ni Teacher Melanie ang kanyang adbokasiya noong 2011.
Ipino-post niya ang kanilang mga hiling at kuwento sa kanyang Facebook account sa pag-asang makakuha ng sponsors para dito. Hindi siya nabigo.
Aniya, “Wala po akong kakayahan na bigyan po ang lahat ng nangangailangan, kaya naisip ko pong gamitin ang social media para dito. At hindi po ako nagkamali.”
Sa simula ay ginawa niya ang Adopt a Student project, kung saan naghahanap siya ng sponsors para sa school supplies, uniform, allowance, at meals ng mga mag-aaral na hikahos sa buhay.
Nito namang sumapit ang pandemic, ginawa niya ang Laptop para sa Pangarap, kung saan nagkaloob sila ng mga laptop sa honor students na hindi maka-afford upang makasama sa online class.
Ang inspirasyon ni Teacher Melanie ay mismong kanyang mga estudyante.
“Bilang isang guro, bukod sa magturo ay layunin din po nating alamin ang buhay ng mga mag-aaral nang sa ganoon maintindihan po natin sila.
“Hindi naman po puwedeng tingnan na lang po natin at walang gawin.
“Parang iba po sa pakiramdam na alam mong may magagawa ka pero di mo matulungan.
“Parang mahirap po para sa akin iyon. Yun pong tipong may makita kang bata na sira-sira ang sapatos tapos titingnan mo lang.”
SIMPLE BUT MEANINGFUL WISHES
Proud si Teacher Melanie na maraming hiling na ang kanyang natupad.
Ang ilan sa mga ito ay hindi maiiwasang tumatak sa kanyang isipan.
Bukod sa laptop, may estudyante na rin siyang nabigyan ng rice cooker.
Iniwan daw kasi sila ng kanilang nanay at ang estudyante na ang nagtataguyod sa kanyang mga kapatid, kaya’t humiling ang bata ng rice cooker upang mapadali ang kanyang gawain.
Ang isa naman ay humiling, hindi para sa kanya, kundi para sa amang maysakit.
Ayon sa guro, “Binigay po niya sa akin ang reseta ng gamot and ang dami po nagbigay ng money, kaya nabili lahat ang gamot for his father.
“Hindi po siya humiling para sa sarili niya, kundi para sa kanyang papa.”
Ang kanya namang tinagurian na “punit-kilikili boy” ay humiling ng school uniform, ngunit higit pa rito ang natanggap.
Ayon sa post ni Teacher Melanie, ang kanyang sponsor ay “nagpadala din ng assorted shirts, maong pants, 1 box brief [he owned 3 briefs lang po], slacks, at belt."
Mayroon ding humiling ng peanut butter dahil paborito raw niya ito, pero hindi nila nabibili palagi dahil mahal.
Bukod sa peanut butter, ang mag-aaral ay pinadalhan din ng groceries.
Pero hindi niya makakalimutan ang estudyanteng humiling na “makapunta sa mall at makakain sa Jollibee for the first time na kasama ang kanyang mga kapatid.”
Dahil sa generosity ng isang sponsor, natupad ang hiling na ito at nadala ang apat na magkakapatid sa mall, napakain sila sa sikat na fast food, at nabigyan pa ng pang-shopping.
Walang balak si Teacher Melanie na ihinto ang kanyang nasimulan.
Aniya, “I’ve been doing this for quite sometime na po and siguro habang makakaya ko po ay gagawin ko ito.
“Isang malaking karangalan po na pagkatiwalaan ng mga taong kilala mo at mas higit nang taong ngayon ko lang nakilala.”
Ang kanyang tinutukoy ay ang mga sponsors na minsan ay sa Facebook lamang niya nakikilala.
Para naman sa kanyang mga mag-aaral, ito ang kanyang mensahe: “Gusto ko pong maalala nila ako bilang isang simpleng guro, na nakasama nila sa kanilang journey sa ups and downs ng buhay nila.
“Na hindi lamang po aralin sa module ang tinuro kundi pati na kung paano lumaban sa buhay.”