Nagbigay ng inspirasyon sa netizens ang mga professional licensure examination topnotchers na itinampok ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong 2022.
Sa likod kasi ng tagumpay ng mga super achievers na ito ay ang iba’t ibang challenges na kanilang kinaharap at kasabay na niresolba habang tinatapos ang pag-aaral, nai-stress sa pagre-review, at ang nangangambang baka hindi makapasa sa board exam.
Napakaganda ring life lessons ang kanilang mga naging pagpupunyagi na sinaluduhan ng netizens, nakakuha ng mas maraming reactions, komento, at pagbabahagi mula sa ating readers.
Kilalanin ang 11 topnotchers.
GRACE MAPANAO
Nanguna sa hanay ng mga inidolo ng netizens si Grace Mapano ng San Jose Del Monte, Bulacan. K
Top 3 siya sa March 2022 Licensure Examination for Teachers-Secondary Level sa edad na 48.
Nagtapos si Grace ng B.S. Biology sa University of Santo Tomas noong March 1994.
Year 2011 ay nagturo siya bilang substitute sa kapatid niyang napilayan.
Nagustuhan na niya ang pagtuturo kaya kumuha siya ng units sa education nang i-require sa kanyang pinagtuturuang school na kailangang lisensiyado siya.
Isinikreto pa niya ang pagkuha ng board exam.
Ang dahilan: “Takot kasi akong bumagsak... Takot ako sa pressure.
“Sa edad kong 48, di na ganoon ka-sharp ang utak ko at medyo hirap na sa pag-memorize.”
Namatay pa ang kanyang ama habang nagre-review siya.
Gayunpaman, lahat ng takot niya ay nawala nang lumabas na ang resulta.
Read: Meet Grace Mapanao, board topnotcher at age 48
JEAN MARGARET BADONG
Top 1 si Jean Margaret Gelladuga Badong, 22, ng Carles, Iloilo, sa October 2022 Licensure Examination for Fisheries Professionals.
Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Fisheries sa Iloilo State College of Fisheries Main Tiwi Campus, noong August 17, 2022, bilang cum laude.
Nursing daw talaga or engineering ang gusto niyang kurso kaya lang, “Sabi ng Mama ko, mahihirapan sila ni Papa sa pagpapaaral sa akin pag either dun sa mga choices ko yung kinuha ko sa college.”
Fish lumpia vendor ang kanyang ina, at nagtatrabaho sa bakery ang kanyang ama.
Nakatapos siya sa tulong scholarship ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Nagtrabaho rin siya sa bakery para may pandagdag na gastusin.
Tumatak sa netizens ang sinabi niya sa kanyang parents matapos lumabas ang resulta ng board exam.
Pangako niya sa mga magulang: “’Ma, ‘Pa, konti na lang. Ako naman...”
Read: Jean Margaret Badong, cum laude at Top 1 sa board exam: “Mama, Papa, konti na lang. Ako naman…”
ARCHIGINE LABRADOR
Mahilig sa hip-hop dance si Archigine Labrador na Top 1 sa May 2022 Civil Engineering Licensure Examination.
Produkto siya ng University of Saint Louis-Tuguegarao.
Ayon kay Archigine ay malaking tulong sa kanyang pagiging topnotcher ang kanyang tamang mindset at ang pag-e-enroll sa review center.
“Nasabi ko ito because never ako naging valedictorian, hindi ako cum laude, at hindi ako quizzer.
“Sa buong college life ko, halos tatlong beses lang akong naging Dean's Lister, and hindi ko ide-deny na nagkaroon ako ng 75 [or tres] na final grade sa ibang semesters.
“Pasayaw-sayaw lang kung may dance competition sa loob at labas ng campus, hahaha!”
Read: "Pasayaw-sayaw" student Archigine Labrador Top 1 sa 2022 Civil Engineering Licensure Exam
JEAN ELLA MARIE RAZON
Isa rin sa hinangaan ng netizens ang tagabaryo na si Jean Ella Marie Razon ng San Agustin, San Luis, Pampanga.
Siya ay Top 1 sa June 2022 Physical Therapy Licensure Examination.
Produkto siya ng University of the Philippines Manila Campus, at nagtapos bilang cum laude noong September 6, 2020.
Pagbabahagi niya, “Naging extra blessing na lang po yung makapasok sa Top 10 at maging Top 1.
"I am so happy na proud po, hindi lang kami sa pamilya, kundi pati na rin yung small barrio namin.
“Lagi nilang sinasabi na who would have thought na sa isang remote and rural area na kailangan ang bangka for access and transportation magmumula ang Top 1 sa board examination?”
Nakatanggap din si Jean ng PHP50,000 bilang gantimpala mula sa kanyang local government unit.
Read: Nagbunyi ang baryo ni Jean Ella Marie Razon, UP cum laude at Top 1 sa Physical Therapy exam
FRANZ FERNAND VELASCO
Dalawang board exams naman ang napagtagumpayan ni Franz Fernand Velasco, 22, ng Barangay Tonton, Lingayen, Pangasinan.
Produkto siya ng Universidad de Dagupan.
Second placer siya sa electronics technician (ET) at fourth placer sa electronics engineer (EE).
Ang kanyang kuya at ate ay mga topnotchers din.
Ani Franz, “Nung unang nag-top ang kuya ko at sumunod ang ate ko, medyo may pressure na kasi parang inaasahan na ng lahat na dapat mag-top din ako.”
Solo ring itinaguyod sila sa pag-aaral ng ina.
Read: Franz Fernand Velasco, topnotcher sa 2 board exams; galing siya sa pamilya ng topnotchers!
MELANIE PIEDAD
Panganay si Melanie Piedad, na tubong Pantabangan, Nueva Ecija, sa tatlong magkakapatid. Mula sa mahirap na pamilya, bata pa lang ay pangarap na niyang maiahon ang mga magulang sa karalitaan.
Nasabihan din siya noon ng: "Hindi ka makakapagtapos ng pag-aaral."
Ginawa niyang challenge ang sinabing iyon sa kanya.
Nagtapos siya bilang cum laude sa Central Luzon State University sa kursong Bachelor of Science in Agricultural and Biosystems Engineering.
Top 4 naman siya sa 2022 Agricultural and Biosystems Engineering Licensure Examination.
Pagbabalik-tanaw niya, hindi na niya masukat kung gaano karami ang kanyang nailuha noon makapag-aral lang.
“Tuwing umaga, gumagayak ako habang umiiyak patago dahil wala na naman akong baon.
“Hindi ako puwedeng magreklamo. Alam kong kahit anong palag ko sa buhay ay wala pa akong kakayanan na baguhin ito, pero may kakayanan itong baguhin ako.”
Read: Melanie Piedad, cum laude, Top 4, at sinabihan noon ng, "Hindi ka makakapagtapos ng pag-aaral."
LANCE NATHAN LIM
Dalawang beses ding naging board topnotcher si Lance Nathan Lim na tubong Davao. Nagtapos siya ng architecture sa University of the Philippines noong 2019.
Top 2 siya sa architecture licensure exam noong January 2022, at Top 1 sa sa master plumber licensure exam in February.
Nakaranas siya ng anxiety dahil ilang beses napurnada ang pagkuha niya ng licensure exam bunsod ng pandemya.
Pakiramdam niya, nababalewala ang kanyang pagre-review.
Wala umano siyang sikreto sa kanyang tagumpay sa board exam.
Ang kailangan lang gawin, “You have to put in the time and develop the discipline to learn as much as you can. Absorb and understand what you are reading because there is no way around it.
“It’s something that everyone has to go through.”
Read: Lance Nathan Lim, consistently a topnotcher in two board exams
DIANE ASANZA DAVID
Bata pa lang si Diane Asanza David ng Marilao, Bulacan, ay pangarap na niya ang maging guro kaya ito ang direksiyong tinahak niya.
Nagtapos si Diane ng Bachelor of Secondary Education, major in Filipino, sa Colegio De San Gabriel Arcangel bilang magna cum laude.
Top 2 naman siya sa January 2022 Licensure Exam for Teachers.
Noong nag-aaral pa, halos hindi siya kumakain ng tanghalian. Minamana lang din niya ang pinaglumaang school uniform ng mga pinsan.
At ang pinakamapait para kay Dianne, “Napakasakit marinig na kung hindi raw ako kayang pag-aralin at wala palang pera si Mama, e, di patigilin na lang.
“Nagmarka ang mga salitang iyon sa akin, kaya kumilos na rin ako.”
Nagdesisyon siyang maging working student.
Iyon nga lang, hindi na naabutan ng kanyang ina ang tagumpay.
“Isa siya sa unang dinapuan ng COVID-19. Anim na hospital ang tumanggi sa amin dahil sobrang punuan na.
“Nasaksihan ko kung paano siya nalagutan ng hininga sa aking harapan.
"Hawak ko kanyang mga kamay, pangalan ko rin ang huli niyang tinawag bago siya tuluyang nawala.”
Read: Diane Asanza David, magna cum laude at Top 2 sa board exam, parang teleserye ang life story
MARVIN NILLAS at CHARLINE JUNTILLA
Nag-viral ang magkasintahang sina Marvin Nillas at Charline Juntilla dahil pareho silang Top 1 sa June Licensure Examination for Teachers.
Si Marvin ay nakakuha ng 94% para sa secondary education, habang si Charline ay nakakuha ng 93.40% para sa elementary education.
Nakatanggap ang magkasintahan ng tig-PHP300,000 cash bilang incentives mula kay Davao de Oro 1st District Representative Maricar Zamora.
Parehong scholar sina Marvin at Charline sa DDOSC.
Pinuri ang dalawa dahil bukod sa pagiging Top 1, pinatunayan nilang ang tagumpay ay “all the more significant because they are two couples who are working for their dream and achieving it at the same time.”
Read: Couple na Top 1 sa board exam, may PHP300K cash incentive
KEZIAH KYLEEN GONZALES
Overflowing ang pasasalamat sa Diyos ng parents ni Keziah Kyleen Gonzales nang maging Top 1 siya sa May 2022 Philippine Nurse Licensure Examination.
Produkto si Keziah ng Emilio Aguinaldo College.
Nang di na nila kinaya ang tuition fee ay lumapit siya sa presidente ng kolehiyo kung puwede siyang magkaroon ng scholarship.
Ito ang naisip niyang paraan para lang huwag huminto.
“Bale magwo-work po ako sa kanila for three years, kapalit po nung scholarship.”
Bukod dito, naghanap pa siya ng ibang trabaho para may pandagdag sa kanyang gastusin.
“Siguro po, ano lang, yung determination na makatapos kasi gustung-gusto ko talagang maging nurse po talaga.”
At sa kabila ng kanyang naging achievement sa board exam, low profile lang si Keziah.
“Hindi ko po masabi na special ako sa part na yun dahil lang Top 1 ako.
“Isang exam lang po iyon over sa sobrang daming experiences na dapat ma-acquire ng mga nurses and students.”
Read: Magulang ni Keziah Kyleen Gonzales, Top 1 sa nursing board exam, napa-"Sobra ka, Lord!"
RODRINER BILLONES
Ang 22 years old na si Rodriner Casugbo Billones ng Barangay Banica, Roxas City, ang Top 1 sa April 2022 Registered Master Electrician Licensure Examination.
Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Electrical Engineering sa Capiz State University-Main Campus noong July 15, 2022.
Noong 2018, kung kailan bumagsak siya sa isang subject ay naging topnotcher naman ang kanyang ama sa Registered Master Electrician Licensure Examination.
Bulalas ni Rodriner, “Siya ang Top 6 at may rating na 88.50 percent. Bilib na bilib ako sa tatay ko!”
Dahil doon, kahit may bagsak ay nabuhayan ng loob si Rodriner, “Nagkaroon ako ng motivation at goal na makamit. Gusto ko ring maging topnotcher.
“Nag-umpisa ang pangarap ko na maging topnotcher noong nag-Top 6 ang tatay ko. Parati niya kasi akong niyayabangan na topnotcher siya.
“Maybe ginawa niya lang yun para ma-inspire ako, kaya ginawa kong challenge na tataasan ko ang kanyang rating na 88.50 percent.
Joke umano niya sa ama, “Top 6 ka lang, ako magiging Top 1.”
At nangyari nga.
Read: Rodriner Billones, hinigitan ang ama sa Master Electrician exam: "Top 6 ka lang, ako...Top 1.”
PAULINE JANE ACAG
Hawak ni Pauline Jane Acag ang karangalan bilang first female engineering board topnotcher ng Isabela State University
Top 6 siya sa September 2022 Agricultural and Biosystems Engineering Licensure Examination.
“Since I was young, I have wanted to become an engineer.
“Isa sa mga naging challenge sa akin ay ang mapalayo sa family nang mag-college na ako. At 17 years old, that was my first time being away from my parents.”
Nagka-COVID-19 siya nang unang magtangka na kumuha ng board exam. Sobra umano siyang na-disappoint noong panahon na iyon.
“This 2022 exam, I felt like everything went smooth.”
Read: Meet Pauline Jane Acag, 1st female engineering board topnotcher ng Isabela State University