Tanging yaman ni Nanay Jocelyn Jerusalem ng Mobo, Masbate ang kanyang mga anak na board topnotchers.
Proud na proud siya sa mga ito.
Noong January 3, 2023 ay nai-feature ng CNN Philippines ang anak niyang si Maricar Z. Jerusalem, 25, na Top 7 sa October 2022 Licensure Examination for Professional Teachers-Secondary Level.
May rating si Maricar na 93 percent.
Ayon kay Nanay Jocelyn, grabeng hirap ang dinanas ng kanyang pitong anak.
Habang lumalaki, kapos ang mga ito sa pagkain at mga materyal na bagay, at maging mga gamit sa school.
Hindi niya akalaing makakapagtapos ng pag-aaral ang mga anak, at ngayon nga ay dalawa na ang nakapagtapos—na parehong napabilang pa sa Top 10.
ANG ANAK NA TOP 6 SA CPA BOARD
Bukod kay Maricar, ang anak ni Nanay Jocelyn na si Emmanuel ay Top 6 naman sa May 2022 Certified Public Accountant Licensure Examination.

May rating si Emmanuel na 87.17 percent.
Panglima siya sa magkakapatid at nakapag-aral sa kolehiyo sa pamamagitan ng scholarships, at sa tulong ng mga kamag-anak.
Consistent honor student si Emmanuel mula elementarya, at nagtapos na cum laude sa Bicol University. Para matustusan ang kanyang review, nagtrabaho siya bilang text-based tutor.
Ayon kay Nanay Jocelyn sa artikulo na inilathala ng local community media last December 23, 2022, “Sobrang tuwa at di namin inaasahan na maabot yun.
“Ipinagdasal namin na makapasa lang, pero nag-top pa sila.”
Ang mister ni Nanay Jocelyn na katuwang niya sa pagtataguyod ng mga anak ay nagtitinda ng ice cream, halo-halo, at ice scramble o iskrambol.
ANG INSPIRASYON NG ANAK NA TOP 7 SA TEACHER'S BOARD
Ibinahagi naman ni Maricar na ang pamilya ang inspirasyon niya.
Pang-apat siya sa magkakapatid, at napilitang huminto muna pagkatapos ng high school.
Nang sa wakas ay makapagkolehiyo, kumuha siya ng Bachelor of Science in Education major in Filipino sa Dr. Emilio B. Espinosa Sr. Memorial State College of Agriculture and Technology.
“Unang-una po ay ang aking mga magulang na siyang walang sawang sumuporta at nagsipag para lang matustusan ang aking pag-aaral.
“Ang ate ko na siyang nagbibigay sa akin ng panggastos para lang makapasok sa kolehiyo, at ang bunso kong kapatid na nagbibigay ng inspirasyon sa akin para makapagtapos ng pag aaral.”
Ani Maricar ay sineryoso niya ang kanyang pagre-review.
Araw-araw ay sinasagutan niya ang 1,000 questions, at nag-aaral ng lima hanggang walong oras nang walang palya.
“Una po ay set your goal. Topnotcher talaga ang goal ko. Pangalawa ay gumawa ako ng schedule at sundin ito sa pag aaral. Pangatlo ay humanap ako ng review center na siyang tutulong sa akin.”
Payo ni Maricar sa mga kukuha ng board exam, “Study smart then study hard.
“Isa iyan sa tumatak sa akin at naging guide ko sa pagre-review.”
Ang mensahe naman ni Emmanuel, “Don't ever give up on yourself. Darating kasi talaga sa point na magda-doubt ka na kung enough na ba ang napag-aralan mo, or kung kaya pa bang ipagpatuloy.
“If that ever happens, just pray to God and surrender all your worries to Him.”
Mula kay Nanay Jocelyn, hangad niya para sa mga anak na huwag makakalimot na magpasalamat sa Panginoon sa mga biyaya, at makatulong ang mga ito sa mga higit na nangangailangan.