Noong November 2022, kinunan ni Claudine Abel ng video ang isang palaboy sa lansangan na nagngangalang Sadha Shiva “Jeff” de Vera, 40.
Sa video, nakunan si Jeff na hinahalik-halikan ang isang kuting.
Nang mapansing kinukunan siya ng video, ngumiti siya at kumaway habang hawak-hawak ang kuting.
Ipinost ni Claudine ang video at bigla itong nag-viral. At press time, may 5.7 million views na ito.
Marahil maraming netizens ang naantig sa video ng isang palaboy na nilalambing pa ang isang kuting.
Ang video na ito ay sinundan ng iba pang videos ng pagbisita ni Claudine kay Jeff.
Nagbukas ang mga oportunidad para kay Jeff at nakaahon mula sa kanyang mahirap na kalagayan.
Ngayon, wala na sa lansangan si Jeff. May tinutuluyan na siyang bahay at isa nang promotions manager sa isang insurance company.
Ang pagbabago ng buhay ni Jeff ay dahil sa isang TikTok video na nag-viral.
BAGONG SIMULA PARA SA CAT RESCUER
Ikinuwento ni Claudine ang pambihirang kuwentong ito sa Good News ng GMA News noong January 18, 2023.
“In-upload ko lang siya sa TikTok, hindi ko ini-expect na magbu-boom yung video ko.”
Pagbabalik-tanaw ni Claudine, nakasakay siya noon sa kanyang kotse at sinabihan siya ng kanyang driver na may isang lalaking palaboy sa kalsada na kinakagat-kagat ang isang kuting.
Kinunan ng video ni Claudine ang palaboy: “Pagka-zoom in ko, humarap si Kuya Jeff, kini-kiss niya ang pusa.”
Ito palang si Jeff ay isang animal lover at rescuer noon pa man bago siya naging palaboy.
In-upload ni Claudine ang video at makalipas lamang ang ilang oras, umani ito ng libo-libong comments.
Marami sa netizens ang naantig kay Jeff at nagkomento silang deserve daw nitong matulungan.
“Ako, which is meron naman ako kahit konti, nag-decide ako na balikan siya,
sabi ni Claudine.
Bumalik si Claudine at nagbigay ng tulong kay Jeff, tulad ng groceries.
Sinundan pa ito ng iba pang pagbisita ni Claudine na ina-upload niya sa kanyang TikTok account.
Nabihisan at na-make over pa si Jeff.
FROM palaboy to utility personnel TO PROMO MANAGER
Hindi rito nagtapos ang pagtulong ni Claudine. Dinala niya si Jeff sa insurance company na pinagtatrabahuhan ng partner ni Claudine.
“Nakuwento ko kasi sa kanila at nakita kasi nila na nag-trending yung video.
“Sabi ko bakit hindi natin bigyan ng chance na mag-work dito, tignan natin kung ano ba talaga yung skills niya.
Hindi nagkamali si Claudine sa kanyang mungkahi.
Pagpapatuloy ni Claudine, “Nung na-interview siya, sobrang galing niya din.
“Unang question pa lang, alam na niya kaagad sagutin.
“Kung ikaw yung kausap niya parang hindi mo iisipin na homeless talaga siya. Iisipin mo dati siyang super professional.”
Ipinasok si Jeff bilang utility personnel—tagalinis at tagabigay ng kailangan ng mga empleyado sa kumpanya.
Nakitaan ng potensiyal si Jeff dahil sa kanyang communication skills at people skills kaya na-promote siya bilang promotions manager.
Sabi ni Ana Garsain, HR manager, “Obviously si Jeff, meron siyang good communication skills, basically isa yun sa mga main things na we look for sa amin pong marketing team.
“Meron siyang talent, meron siyang skills na I think kailangan lang mabigyan ng opportunity and chance.”
LIFE STORY NI JEFF
May bahay na inuupahan at inuuwian noon si Jeff, pero dahil sa pandemya nawalan siya ng trabaho at di nakabayad ng renta.
Kuwento niya, “Kasagsagan nung pandemic medyo naapektuhan po yung kabuhayan nung lahat.
“Wala naman akong magagawa. Wala naman akong pang-rent. Napagdesisyunan ko tumira na lang muna doon.”
Sa loob ng tatlong taon, sa ilalim ng underpass sa Taguig siya namalagi kasama ang mga pusang wala ring tahanan.
Ani Jeff, sanay siyang tumira sa kalye dahil dati niya itong ginawa nang magtinda siya at ang customers niya ay call-center agents.
May mga kapatid si Jeff, pero ayaw na raw niya silang istorbohin dahil pamilyado na sila. Aniya, nasanay na siyang mamuhay nang independent.
LIPAT BAHAY AT BAGONG BUHAY
Tinulungan raw si Jeff na magkaroon ng paupahang bahay.
Aniya, “Maganda po yung transition. Malaking tulong, malaking ginhawa kasi ngayon, mas nakakapag-ampon na ako ng mga animals sa streets.
"Nakakatulong na ako doon sa isang vet na tinutulungan ko at cat organization. Nakakabayad na ng upa.”
Mensahe ni Jeff, “Wag po tayong padadaig sa pagsubok ng buhay.
“Kahit ano pang hirap, basta may gawin ka lang mabuti, basta may gawin ka lang maayos, darating at darating din ang biyaya para sa inyo.”