Marami ang bumilib kay Ma. Dani Vi Patal Edrad dahil siya ang nag-iisang pumasa sa Real Estate Consultant Licensure Examination nitong January 2023.
Si Dani ay graduate ng University of the Philippines-Diliman at kasalukuyang empleyado ng Bangko Sentral Pilipinas at isa real-estate consultant.
Pero hindi lang ang pagiging lone passer sa board ang kahanga-hanga kay Dani.
Isa rin kasi siyang cancer survivor.
Binanggit ni Dani ang impormasyong ito sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga! noong January 25, 2023.
Nagsimula raw ang kanyang karamdaman noong siya ay five years old.
Ibinahagi ni Dani ang naging kondisyon niya sa (PEP.ph) Philippine Entertainment Portal nitong January 31, 2023.
“Five years old po nakakaramdam ako ng masakit sa aking kanan na paa. Tinitiis ko ang sakit, lalo na sa gabi kapag malamig ang panahon,” lahad niya.
Hindi iyon binanggit ni Dani sa mga magulang dahil ayaw raw niyang mapagalitan lalo pa at istrikto ang mga ito dahil siya ay only child.
“Six years old nagsabi na ako ng totoo sa aking magulang. Bata pa ako noon at hindi ko masyadong naiintindihan ang mga nangyayari sa akin.
“Sa kuwento ng daddy ko, diagnosed ako ng bone cancer.”
Nagbigay ng options ang doktor na kinunsulta nila noon at ang worst case scenario ay kailangan putulin ang paa ng batang si Dani.
“Sobrang hirap na decision na yun sa mga magulang ko,” pagbabalik-tanaw ni Dani.
Kulang sila sa pera, at ayaw ng kanyang mga magulang na maputulan siya ng isang binti.
“Wala rin po pala akong wheelchair kasi yung ipambibili ng wheelchair, pambili ng gamot at pagkain.”
Gumamit na lamang daw ng saklay si Dani, at madalas tuksuhin ng mga bata.
“Kaya buhat ako palagi ng daddy ko at tinatago ko ang aking mukha sa dibdib niya.”
DANI’S LEG WAS SAVED
Humingi ng second opinion ang mga magulang ni Dani at may nakilala silang doktor na iminungkahi ang gamutan na di na kailangang putulin ang kanyang paa.
“Nakakilala ang daddy ko ng magaling na doctor at nakapagbigay ng option na makakaya ko at financial na kakayahan ng mommy and daddy ko.”
Mensahe ni Dani, “Ang sabi pa ng doctor, mabuti raw na kumuha muna ng iba't ibang opinions ang mommy at daddy bago ako sumalang sa operasyon.
“Kasi malaki daw ang chance na mamatay ako. Dahil hindi ko daw po kakayanin ang sakit.
“Seven years old po na-kafully recovered po ako. Nakakalakad na ako. At wala na po masakit sa aking mga paa.”
dani PAYS IT FORWARD
Mula noon hanggang sa nagkaroon ng trabaho si Dani, naging panata niya ang pagtulong sa ibang tao.
Naging pangako niya rin ito sa amang namayapa niya.
“Ang sabi po ng aking daddy nung nabubuhay pa siya, ‘Binigyan ka ng pangalawang buhay.
"Binigyan ka muli ng mga paa. Gamitin mo ang mga ito sa pagtulong sa iyong kapwa dahil yan ang misyon mo.’
“Tumanim na po sa isipan ko na ang buhay at success ng tao ay hindi para lamang sa kanyang sarili o sa sariling pamilya.
“Dapat sa bawat pangarap at tagumpay ay kasama ang ibang tao—ibang tao kahit hindi mo kadugo—para iyong tulungan sa bawat araw ng iyong buhay.”
Naging bahagi rin ito ng motibasyon niya para kumita ng pera.
“Bata pa lang po ako nagnenegosyo na ako para magkapera. Kumakanta sa mga singing contest para magkapera. Binibigay ko yun sa magulang ko at sa ibang tao.”
Sa Eat Bulaga! episode, ibinahagi pa ni Dani kay Maine Mendoza na nag-extra ito noon sa isang ice cream commercial ng Eat Bulaga host.
Ang bahagi ng kinita ni Dani ay ginamit para makatulong sa iba.
Aniya, “Kahit ngayon na nagtatrabaho na ako sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang suweldo ko ay hinahati ko para sa akin, sa pamilya ko, at sa ibang tao nangangailangan.”
Ani Dani, sa tuwing ipinapadala siya sa iba't ibang bahagi na Pilipinas dahil sa trabaho ay nagkakaroon siya ng work allowance.
“Hindi ko na po yun ginagastos para sa sarili ko. Ibinibigay ko po yun sa lahat ng makikita kong nagnenegosyo sa kalsada, sa mga pulubi, sa mga nagugutom, at may sakit.
“Ang katuwiran ko, hindi ko naman po sila makikitang muli kasi babalik din po akong Manila. Kaya ibinibigay ko na lang allowance ko sa mga mas nangangailangan.”
Ito naman daw ang nais ipahatid na mensahe ni Dani sa kanyang ginagawang pagtulong.
“Ang nais ko lamang ay sana madaming tao ang tumulong sa iba dahil kung bubuksan lamang ng mga tao ang puso nila, makikita nila na napakasuwerte nila sa buhay.”