Magkahalong saya at lungkot ang nadama ni Jelai Balmes sa kanyang oathtaking ceremony bilang isang licensed professional teacher.
Ginanap kasi ito isang araw matapos pumanaw ng kanyang ina.
Dama ang matinding kalungkutan sa kanyang Facebook post last February 2, 2023.
May kalakip iyon na graduation photo niya, at ng lamay ng kanyang ina.
Nakapanayam si Jelai ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last February 7 via Facebook Messenger.
Nagbigay si Jelai ng pahintulot na maibahagi ang kanyang kuwento.
Tubong Irosin, Sorsogon, kabilang si Jelai sa mga pumasa sa October 2022 Licensure Examination for Teachers.
May mataas siyang rating na 88.80 percent.
Produkto si Jelai ng Veritas College of Irosin, at nagtapos ng kursong Bachelor of Elementary Education noong June 13, 2022.
Read also: Jocelyn Jerusalem, proud nanay sa dalawang anak na board topnotchers
Pagbabahagi ni Jelai sa kanyang Facebook post, “Hindi ko pa naikukuwento ang naging journey ko bago maging Licensed Professional Teacher dahil hinintay ko ang oathtaking.
“Nakakalungkot na di mo na naabutan ang oathtaking ko at makita man lang na nakasuot ako ng Filipiniana. Isang tulog na lang yun, e.
“At nakakalungkot lang ding isipin na mas nauna pang isabit ang tarpaulin mo sa Labalan [funeral homes] kaysa sa tarpaulin ko sa CBRC [Carl Balita Review Center].”
Ang tinutukoy niya ay ang kanyang mahal na ina, si Shirley Balmes.
Pumanaw ito noong January 28, 2023, sa edad na 54 sanhi ng congestive heart failure.
Kinabukasan, January 29 naman ang oathtaking ni Jelai.
Kaya ganoon na lang ang sakit ng pangyayari para sa kanya dahil “di na rin niya nakita yang damit ko na Filipiniana na matagal naming pinaghandaan.”
Sabi pa ni Jelai, “Pero iniisip ko na lang talaga na kahit papaano, napasaya kita noong nalaman mong nakapasa ako sa board exam at nakakuha ng mataas na board rating.
“Alam kong gusto mong magpagawa ng tarpaulin ko, pero sabi ko, huwag na kasi mahal din ang magpagawa nun at meron naman ako ng galing sa CBRC.”
Nabanggit ni Jelai sa kanyang post na hindi direktang sinasabi sa ng ina na proud ito sa kanya.
Pero nararamdaman umano niya iyon.
Sabi niya sa larawan nilang mag-ina na ipinadala niya sa PEP.ph, “Lumaban pa siya diyan before.
“Yan yung pinakauna niyang na-confine at na-find out yung sakit niya na congestive heart failure. Yan yung pic nang discharge namin, like 10 days siyang na-confined.”
Sunud-sunod aniya ang achievements niya, “pero di ko magawang maging masaya.”
tuloy ang pagtupad sa pangarap
Connected si Jelai ngayon sa isang private company, at kamakailan ay nabigyan ng award dahil sa kanyang perfect attendance and high-productivity score.
“Ever since na nag-work ako, tanging goal ko lang ay makakuha ng incentive o pera dahil sa dami ng bills to pay at mga pangarap na tinutupad."
Aniya, feeling niya ay imposible siyang maka-perfect attendance dahil hindi niya nagawa ito noong nag-aaral pa.
“Pero ang nanay ko ang naging inspiration at motivation ko kaya pinagbutihan ko ang pagtatrabaho.
“Siya rin ang dahilan kung bakit ako umalis sa comfort zone ko at nag-apply sa trabahong ito para ma-improve na rin ang skills ko.
“Pero ngayon, hindi ko alam kung matutuwa ako na nakuha ko ito, knowing na wala na yung reason kung bakit ko ito nagawa.”
Pananatilihin naman niya ang mga mabubuting aral na iniwan sa kanya ng ina.
“Sa kabila ng mga nararating ko, di ako pinalaki ng nanay ko na maging mayabang.
“If you will ask me what is my job, how much is my salary, I will not disclose any information.
“I stay low-key dahil may mga bagay na di naman dapat ipagyabang o i-disclose. How much I earn, maliit man o malaki, what my job is doesn't make me a bigger or lesser person.”
Read also: Na-reject noon sa work dahil sa accent, Roslyn Vea Damasco, Top 1 sa board exam
Pinasalamatan ni Jelai ang ina sa lahat ng nagawa nito sa kanyang buhay.
“’Nay, licensed na ako kagaya ng pangarap natin. Maraming salamat sa pagiging lakas ko sa panahon na halos sumuko na ako during review days.
“Di ko ito magagawang lahat kung hindi dahil sa iyo.”
Naikuwento pa umano niya sa ina ang kanyang masayang experience sa review center, maging ang mabubuting taong nakilala at naging kaibigan niya roon.
“Ang nasabi niya noon, ‘Kaybuti daw ng Diyos at pinagpala ako ng mabubuting taong nakilala ko sa review center na ito.'
“At napakabuti ng Diyos dahil ikaw ang naging nanay ko.”
Bukod naman sa kanyang trabaho, isa ring digital creator si Jelai.
“Binuhay ko lang po yung page nung namatay ang nanay ko. Parang way of grieving ko po—sa pagsusulat at music.”