Pamilyar ang mga batang 1990s kay Shaira Luna, na unang nakilala bilang "gifted child" na lumabas sa commercial ad ng isang brand ng gatas noong 1995.
Ngayon, 36 years old na si Shaira Ana Teresiana Luna, at isa sa top fashion photographers sa bansa.
Noong kasagsagan ng kanyang commercial, maraming parents ang nag-wish na ang kanilang anak ay maging isang child genius tulad ni Shaira.
Six months pa lang si Shaira, nakapagsasalita na siya nang diretso.
By her first birthday, nababasa at naisusulat na niya ang mga titik ng alpabeto.
Mas lumawak ang kaalaman niya noong two years old na siya, lalo na pagdating sa science.
Natuto rin siyang tumugtog ng musical instruments, gaya ng piano at violin.
At bukod sa nakapagsasalita siya ng fluent English, nagka-interes din siyang matuto ng French and Spanish.
LIFE AS A GIFTED CHILD
Dahil sa kanyang pambihirang abilidad, naghanap ng tulong ang parents ni Shaira mula sa mga professionals.
Isang personnel ng Cultural Studies ng Department of Education ang nakatuklas na ang IQ ni Shaira ay katulad ng sa isang matalinong high-school student.
Pinayuhan ang kanyang parents na i-enroll na siya sa sixth-grade class ng Philippine Christian University (PCU).
Mabo-bore lang umano siya kung isasama siya sa mga ka-edad niya sa kindergarten class.
Isa ring dahilan kaya siya ine-enroll sa PCU ay para ma-improve ang kanyang social skills.
Sa panayam kay Shaira ng GMA News Online last March 1, 2023, ibinahagi niya ang naging experience habang lumalaki bilang isang gifted child.
Aniya, "I was always studying.
“Parang I always had it in my head that I could do things na hindi kayang gawin ng other kids at my age, and wala rin akong kalaro at that time."
Dagdag pa niya, lumaki siya sa environment na walang dapat masayang na sandali para siya matuto.
"Laging academics ang main focus back in that day for me.”
At kapag kumukuha siya ng exams, "Kailangang 99 out of 100 yung pinakamababang score."
Natatandaan pa niya na kapag tinatanong siya noon kung ano ang gusto niyang maging paglaki, ang parents niya ang sumasagot na baka maging doctor o scientist siya.
"Pero siyempre, when you're young, it doesn't really mean anything to you.
“It's just something people say and, 'Ay sige, paglaki ko...'
“It's the standard response.
“Parang kahit Miss Universe, kaya mong gawin.”
READ ALSO: Words of wisdom from gifted-child alumni Shaira, Kiko, and James
FINDING HER PASSION, HER PURPOSE
Noong time na iyon, ani Shaira ay hindi pa niya alam ang mga salitang "stress" o "pressure."
"Yun lang alam mo kasing gawin, so susunod ka na lang.
“And since kaya ko naman, ginagawa ko na lang din since I guess I found it easy to learn back in the day."
At dahil wala rin naman siyang ibang outlets that time, ginagawa na lang niya kung ano ang sinasabi sa kanya.
“And I try to do my best kung saan man ako isalpak."
Taong 1999, nag-enroll sa De La Salle University si Shaira sa kursong Bachelor of Science in Human Biology. Siya ay 13 years old at that time.
Nagpalipat-lipat siya ng course.
Eventually, huminto siya sa pag-aaral noong 2006.
Nagka-interes na rin siya noon sa photography matapos bumili ng camera.
Kinukunan niya ng picture ang lahat ng makahatak ng atensiyon niya.
“I tried portraits, I tried the food. I would shoot events, birthdays, binyag, fiesta, liga ng basketball.
“Wala akong pinalampas. Minsan libing din.”
Aniya, hobby lang iyon sa umpisa—hanggang sa ma-realize niyang iyon ang gusto niyang maging propesyon.
Nagpapasalamat naman si Shaira sa naging suporta sa kanya ng parents.
"I think it was very lucky because parang sobra-sobra yung support.
“Like anything I wanted to try or anything I wanted to do, nagagawa ko naman.
“Pero ang pinaka-importante sa kanila at that time yung academics."
Inakala aniya ng mga nakakakilala sa kanya na magiging doctor siya pagsapit sa edad na 19.
"I guess I woke up like, wait a minute, what did I get into?
“Parang I know I've been waiting for this my entire life, but is this really what I want? Because this is what everyone wants and I already did it."
READ ALSO: "Ukay queen" and photographer Shaira Luna weds in dress worth PHP100
NO REGRETS
Pagtatapat ni Shaira, nang bumagsak siya sa isang subject noong college, hindi siya nalungkot kahit may mga taong disappointed sa kanya.
First time din niyang makarinig na may nagsabing hindi pala siya magaling.
Noon na rin niya sinimulang isipin ang direksiyon na gusto niyang tahakin.
"When that happened, parang hindi pala ako nabawasan.
“Parang my being a star or genius, as they called me, it wasn't me, it didn't make up me.
“I didn't know what I was at that time, pero at least, alam kong parang may iba pa akong puwedeng gawin, hindi lang ito."
Isa lang aniya ang kanyang regret.
“My only regret was not continuing my voice lessons, ha-ha! Talagang iniisip ko iyon. Sana marunong na akong kumanta.”
At kahit natagpuan ni Shaira ang kanyang true calling, may isang bagay siyang nakasanayan na hindi niya pinagsasawaang gawin—ang patuloy na matuto.
Aniya sa isang old interview, “Every single day I’m on Google, Tumblr, Pinterest... always trying to learn something.”
Bukod naman sa pagiging fashion photographer, isa ring influencer si Shaira.
Kilala siya ng kanyang followers bilang “Ukay Queen.”