Hindi kataka-takang naging viral sa social media ang larawan ng isang delivery rider.
Habang pinapadyak ng rider sa kalsada ang bisikleta nitong gamit sa pagde-deliver, nakabalandra sa bandang likuran niya ang mga laminated photos ng kanyang anak.
Nakadikit sa delivery bag at nakasabit sa leeg ng delivery rider ang graduation photo ng kanyang anak na babae na nagtapos bilang cum laude sa kolehiyo.
Nakasaad pa rito ang mga salitang "Proud Papa."
Ang larawan ng delivery rider ay kuha ng netizen na si Mark Kris Oliver Palanca, na siya ring nag-post sa social media.
Sabi ng Mark sa interview ng GMA News, dahil isa rin siyang ama, naisip niyang inspiring ang kuwento ng delivery rider.
Read: Gintong inodoro worth PHP340M ninakaw noong 2019, nawawala pa rin; mga nagnakaw, kakasuhan na
THE STORY BEHIND THE PICTURE
Natunton kung sino ang delivery rider.
Siya ay si Elmer Mallanao, taga-Antipolo, Rizal.
Sa kanyang Facebook page, ipinost ni Elmer ang graduation pic ng anak na si Sophia.
Caption ng proud na tatay (published as is): “Proud Papa, here! Gusto kong isigaw sa buong earth!!! Congratulations!!!!!! CUM LAUDE!!!!!”
Sa interview ng GMA News, ikinuwento ni Elmer kung bakit naisipan niyang ipa-laminate ang larawan ng kanyang anak.
“Nung malaman ko na na-confirm na niya sa akin na cum laude siya, agad po akong nag-isip kung ano ang gagawin ko para maipahayag ko sa lahat na cum laude anak ko,” nakangiting kuwento ni Elmer.
Ang una raw niyang naisip ay tarpaulin, tulad ng karaniwang congratulatory signage para sa achievement ng isang tao.
Pero sabi ng proud na tatay, gusto niya ay mas maraming tao ang makaalam sa achievement ng kanyang anak.
Read: Funeral employee cremates wrong body; family of dead man files PHP9.4-million lawsuit
Doon niya naisip na ipa-laminate ang mga larawan ni Sophia at gawing dekorasyon sa kanyang delivery bag.
Hindi nagkamali ng desisyon si Elmer dahil hindi lang anak niya ang nag-viral kundi pati siya.
Naibalita rin sa malaking news media outlet ang achievement ng anak, na mag-isa niyang itinaguyod dahil maaga siyang nawalan ng asawa.
Base sa posts ni Elmer, si Sophia ay nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration sa Rizal Technological University para sa taong 2023.
Mensahe naman ni Sophia sa kanyang ama: “Ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo.
"Ako naman ang babawi sa iyo pag nakapagtrabaho na ako.
“Ako naman po yung bibili ng mga gusto mo po.”