Nakaagaw ng pansin sa social media ang Facebook post ng isang teacher na nagluluto ng isang kawali ng menudo.
Kasama rin sa kanyang menu ang tortang talong, dalandan, at fruit juice.
Libreng lunch ito para sa mga estudyante ni Teacher Ronnie V. Valladores Jr., 31, ng Anas Elementary School sa Masbate.
Bakit may pakain si Sir?
Ayon sa bungad ng caption ni Ronnie sa post niya nitong September 4, 2023, ito ang paraan niya para "i-motivate ang aking mga pupils pumasok."
Sabi ni Ronnie sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinimulan lamang niya ito noong August 29, 2023.
Pero hindi ito one-time effort dahil ayon pa rin sa kanyang post, ang free lunch for his students ay regular na magaganap tuwing Monday at Friday for this year.
“Salamat sa aking 2 major sponsors. Ma’am Elena Caunt as well as FoodPanda,” ani Ronnie.
Sa kanyang mensahe sa PEP.ph ngayong September 6, 2023, sinabi ng guro na may bago siyang sponsor sa kanyang free lunch feeding program.
“Madaragdagan ng Wednesday session [sponsored by] Lea Dalire. Lahat po iyan ay nag-pledge ng one-school-year feeding program,” mensahe niya.
Ibig sabihin, sponsor para sa Tuesdays at Thursdays na lang ang kulang para sa buong taon ay may free lunch ang kanyang mga students araw-araw.
Hindi rito nagtatapos ang kanyang feeding program dahil nabiyayaan din ang kanyang mga estudyante ng free uniform.
Sabi ng guro: “Iba din kase ang confidence kapag papasok na naka uniporme. Mas ganado and motivated.”
ANG MALALIM NA DAHILAN NI TEACHER RONNIE
Pero may mas malalim na dahilan si Teacher Ronnie kaya siya naglunsad ng feeding program.
Sa ganitong paraan daw, mas pipiliin ng ibang estudyante ang pumasok kesa kumayod para may pang-kain.
Ayon sa mensahe ni Ronnie sa PEP.ph, “I want them to attend classes para may matutunan, to increase their academic performances…
“To give their right as a child and, of course, makaiwas sila sa child labor.
“All the years kasi ng pagtuturo ko, pansin ko na at their young age, natututo na silang magtrabaho to feed themselves or even their family.”
Pag-amin ni Ronnie, alam niya ang ganitong pakiramdam.
“I was once a kid na walang baon palagi,” mensahe niya. “I know how it feels to be in their shoes every time they are entering my classroom.
“Kaya nag-conceptualize ako ng sustainable project, and fortunately, suportato ako ng aking mga followers,” ani Ronnie na isa ring content creator.
At kahit sa kanyang simpleng paraan, nagbubunga ang kanyang adhikain.
Post ni Ronnie ngayong araw: “Nakakatuwa lang na since Monday 100% attendance sa aking class. Why kaya?”
Nakakakuha ng maraming papuri si Ronnie online dahil sa kanyang adhikain.
Sagot niya sa isang netizen na nag-e-encourage sa mga students na ituloy ang laban: “Ako na po bahala sa ating future leaders ma’am.”