Ang Pinay na napiling magturo ng wikang Tagalog sa prestihiyosong Harvard University ay dating teacher sa isang public university sa Cavite.
Siya ay walang iba kundi si Lady Aileen Ambion Orsal, dating Filipino teacher sa Cavite State University (CvSU).
Siya lang naman ang kauna-unahang Pinoy teacher to teach Tagalog sa Harvard University, na 386 years old na, at isang Ivy League school.
Noong March 2023, inanunsiyo ng Harvard na mag-o-offer ito ng Tagalog courses.
Read: First time! Prestihiyosong Harvard University mag-o-offer ng Tagalog course
Ang Tagalog o Filipino ang fourth most-spoken language sa U.S., ayon sa census data.
Kasama nito sa top five ang English, Spanish, Chinese, Tagalog, at Vietnamese.
Si Lady Aileen ay magtuturo ng elementary at intermediate Tagalog courses sa Harvard University Asia Center and the Department of South Asian Studies.
Nagtapos si Aileen ng kanyang B.A. in Mass Communication sa CvSU noong 2012.
Dito rin niya natapos ang kanyang Master of Arts in Philippines Studies (2017).
Taong 2018, nagturo siya ng Filipino bilang Fulbright Foreign Language Teaching Assistant sa Center for Southeast Asian Studies sa Norther Illinois University, isa ring public university sa U.S.
Habang nagtuturo sa Harvard, ipagpapatuloy ni Aileen ang pagkuha ng kanyang M.A. in Communication mula sa Northern Illinois University (NIU) at ang anyang Ph.D. in Philippine Studies mula sa De La Salle University (DLSU).
Read: Teacher in Masbate aiming to give free lunch to students daily for entire year
AILEEN: “HINDI AKO SUPLADA”
Ang reaksiyon ni Aileen ukol sa magandang balita ay idinaan niya sa isang Facebook post noong September 6, 2023.
Sabi niya, ang kanyang tagumpay na makapasok bilang guro sa Harvard ay “bunga ng pagsisikap ng mga taong patuloy na inadhika na magkaroon ng mayaman at makabuluhang programa ng Filipino sa pamantasan."
Aniya pa, "Ang pagpupunyagi nila ang tunay na nais kong ibida.”
Pinasalamatan din ni Aileen ang mga nakatulong sa kanyang journey:
“Kasama na rito ang pagsaludo sa lahat ng mga gurong Pilipino at guro ng/sa Filipino sa loob at labas ng bansa partikular na ang mga guro ko sa CvSU at DLSU at sa mga kaibigan at mentor ko na guro sa NIU at iba pang pamantasan sa Estados Unidos na dahilan kung bakit patuloy akong natututo sa mga istratehiya sa pagtuturo ng ating wika at kultura.”
Nakuha pang magbiro ni Aileen pagdating sa pagtanggi niyang magpaunlak ng interviews sa mga media outlets.
Sabi niya, “Dahil dito, ipagpaumanhin po ninyo ang hindi ko pagpapaunlak sa imbitasyon para sa mga panayam sa ngayon dahil nais kong gamitin ang oras para ituon ang aking atensyon sa paghahanda para sa klase na aking tinuturuan kasabay ng mga klase sa gradwadong programa na patuloy na humuhubog sa akin sa kasalukuyan.
“Bukod dito, bagamat walang gaanong naniniwalang kaibigan ko (haha!) ay mahiyain po ako at hindi ko nais na sa akin mapunta ang atensyon sa ngayon.
Hirit pa niya, “Hindi po ako suplada, at alam po ng aking mga kaibigan, kapamilya, at katrabaho ang aking dedikasyon sa pagtuturo kung kaya muli po akong humihingi ng paumanhin sa pagtanggi sa panayam sa ngayon.
“Mas sanay po yata akong magturo ng pagsusulat ng balita at pagsusulat mismo ng balita kaysa maisulat sa balita.”
Pagtatapos niya, “Alam ko pong ito ay #parasabayan at dalangin ko po na patuloy nating ikarangal ang pagiging Pilipino saan mang sulok ng mundo.”